Mga Propeta sa Lumang Tipan
Samuel
“Ang karanasan ng batang si Samuel, nang tumugon siya sa tawag ng Panginoon, ay inspirasyon ko na noon pa man.” —Pangulong Thomas S. Monson1
Ang aking inang si Ana ay baog at nanalangin sa templo na magkaanak siya ng lalaki, na sumusumpang ibibigay ito sa Panginoon. Sinagot ng Diyos ang kanyang mga dalangin; isinilang niya ako. Noong bata pa ako, dinala niya ako sa templo para maglingkod sa Kanya. Doo’y inalagaan at tinuruan ako ng saserdoteng si Eli.2
Noong bata pa ako, narinig kong may tumatawag sa pangalan ko isang gabi. Tatlong beses kong pinuntahan si Eli, ngunit hindi pala siya ang tumatawag sa akin. Sinabi niya na ang Panginoon daw ang tumatawag sa akin. Sinunod ko ang payo ni Eli nang marinig ko ang pangalan ko nang ikaapat na beses at sumagot ako, “Magsalita ka; sapagka’t dinirinig ng iyong lingkod.”3 Kinausap ako ng Panginoon, at habang lumalaki ako, Siya ay kasama ko. Tinawag Niya akong maging Kanyang propeta.
Nang tumanda na ako, hinirang ko ang aking mga anak na lalaki bilang mga hukom sa Israel. Hindi matwid ang mga anak ko, kaya humiling ng hari ang mga matanda ng Israel. Binalaan ko ang mga tao tungkol sa mga panganib ng pagkakaroon ng hari, ngunit ipinilit nila ang kanilang kahilingan. Iniutos ng Panginoon na dapat kong “dinggin ang kanilang tinig.”4
Ipinadala sa akin ng Panginoon si Saul—“isang bata at makisig na lalake”5—at hinirang ko siya bilang “pangulo sa bayang Israel.”6 Siya ang naging hari nila. Gayunman, nang utusan ng Panginoon si Saul na lipulin ang mga Amalecita at lahat ng ari-arian nila, sumuway siya. Itinago niya ang mga hayop ng mga Amalecita at inialay ang mga ito bilang hain. Itinuro ko kay Saul na “ang pagsunod ay maigi kay sa hain, at ang pagdinig kay sa taba ng mga tupang lalake.”7
Dahil sa pagsuway ni Saul, inutusan ako ng Panginoon na humirang ng bagong hari mula sa mga anak na lalaki ni Jesse [Isai]. Ipinakita sa akin ni Jesse ang pito niyang pinakamatatandang anak na lalaki, ngunit hindi sila pinili ng Panginoon.8 Inihayag sa akin ng Panginoon na ang bunsong anak na lalaki, si David, ang dapat maging hari. Sa anyo o pangangatawan, maaaring mas bagay nga ang mga kuya ni David na maging hari, ngunit pinili ng Panginoon ang batang pastol na ito para mamuno sa Kanyang mga tao. Sa karanasang ito natutuhan ko na “hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao; sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”9