Tahakin ang Landas ng Kaligayahan
Mula sa isang mensahe sa CES devotional na ibinigay sa Salt Lake Tabernacle noong Nobyembre 12, 2012. Para sa buong teksto, magpunta sa lds.org/broadcasts.
Ang inyong kaligayahan ay higit na nakabatay sa mga alituntuning inyong piniling sundin kaysa sa mga kalagayan ninyo sa buhay.
Ang kabataan ang magandang panahon para magplano para sa sarili. Bilang young adult dapat may pangarap kayo para sa inyong kinabukasan. Marahil ito ay pag-asam na magtagumpay sa larangan ng sport, makalikha ng mahusay na sining, o magkaroon ng diploma o katungkulan sa trabaho. Marahil nakalarawan sa inyong isipan ang magiging asawa ninyo.
Ilan ba sa mga pangarap ninyo ang matutupad? Ang buhay ay puno ng kawalang-katiyakan. May mahahalagang sandali na maaaring magpabago sa isang iglap sa tinatahak ninyo sa buhay. Ang gayong sandali ay maaaring kapalooban ng isang pagsulyap, pakikipag-usap, o pangyayaring hindi nakaplano. May mga bagong oportunidad, tulad ng huling deklarasyon ni Pangulong Thomas S. Monson hinggil sa edad ng pagmimisyon.1 Kung minsan, ang mga pagbabago sa ating buhay ay dumarating sa mga di-inaasahang hamon o kabiguan.
Ayaw ng karamihan sa mga tao ang bagay na ito. Ang kawalang-katiyakan ng buhay ay nagdudulot ng kawalan ng pagtitiwala, at pangamba sa hinaharap. Ang ilan ay nag-aalangang magpasiya dahil sa takot na mabigo, kahit nariyan na ang magagandang pagkakataon. Halimbawa, maaaring ipagpaliban nila ang pag-aasawa, pag-aaral, pagpapamilya, o pagkakaroon ng matatag na trabaho, pinipiling mamalagi o manatili na lamang sa komportableng tahanan ng kanilang mga magulang.
Ang isa pang pilosopiya na naglilimita sa atin ay inilarawan ng sawikaing ito: “Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya, sapagkat mamamatay tayo bukas” (2 Nephi 28:7). Ang pilosopiyang ito ay pabor sa pagpapasasa sa panandaliang saya anuman ang ibunga nito sa hinaharap.
Ang Landas ng Kaligayahan
May iba pang landas bukod sa takot o pag-aalinlangan o pagpapakasaya—ang landas na nagdudulot ng kapayapaan, pagtitiwala, at kapanatagan sa buhay. Hindi ninyo makokontrol ang lahat ng nangyayari sa inyong buhay, ngunit kayo ang may kontrol sa inyong kaligayahan. Kayo ang arkitekto nito.
Ang kaligayahan ninyo ay mas resulta ng inyong espirituwal na pananaw at mga alituntunin na pinagbatayan ng inyong buhay kaysa ibang bagay. Ang mga alituntuning ito ay magdudulot sa inyo ng kaligayahan anuman ang di-inaasahang mga hamon at pangyayari. Rerepasuhin ko ang ilan sa mahahalagang alituntuning ito.
1. Unawain ang Kahalagahan ng Inyong Sarili
Kamakailan lang kami ng pamilya ko ay nagbakasyon nang ilang araw sa katimugang Pransya. Isang gabi, nang lumubog na ang araw at dumilim na ang paligid, nagpasiya akong mahiga sa sopa sa labas ng bahay. Sinimulan kong masdan ang kalangitan. Sa una ay napakadilim nito. Bigla na lang, isang liwanag ang lumitaw sa langit, parang kislap, pagkatapos naging dalawa, at tatlo. Di-nagtagal, nang masanay na ang mga mata ko sa dilim, napahanga ako sa napakaraming bituin. Ang inakala kong madilim na kalangitan ay naging Milky Way.
Habang pinagninilayan ko ang kalawakan ng sansinukob at ang hamak kong katayuan, itinanong ko sa aking sarili, “Ano ba ako kumpara sa gayong karingal at kahanga-hangang paglikha?” Naisip ko ang isang talata:
“Pagka binubulay ko ang iyong mga langit, ang gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inayos;
“Ano ang tao upang iyong alalahanin siya? at ang anak ng tao, upang iyong dalawin siya?” (Mga Awit 8:3–4).
Kasunod ang nakapapanatag na katagang ito:
“Sapagka’t iyong ginawa siyang kaunting mababa lamang kay sa [mga anghel], at pinaputungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan” (Mga Awit 8:5).
Ito ang kabalintunaan at himala ng Paglikha. Ang sansinukob ay napakalawak at walang hangganan, gayunman, ang bawat isa sa atin ay may natatanging kahalagahan, maluwalhati at walang hanggan sa paningin ng ating Tagapaglikha. Ang presensya ko ay napakaliit, ngunit ang personal na kahalagahan ko ay hindi masusukat sa aking Ama sa Langit.
Ang kaalaman na kilala at mahal tayo ng Diyos ay tulad sa liwanag na nagniningning sa ating buhay at nagbibigay-kahulugan dito. Sino man ako, may mga kaibigan man ako o wala, popular man ako o hindi, at kahit tila inaayawan o inuusig ako ng iba, lubos akong nakatitiyak na mahal ako ng aking Ama sa Langit. Nalalaman Niya ang mga kailangan ko; nauunawaan Niya ang mga alalahanin ko; at natutuwa Siyang pagpalain ako.
Isipin ang magiging kahulugan nito sa inyo kung makikita ninyo ang inyong sarili tulad ng pagkakita sa inyo ng Diyos. Ano kaya kung tingnan ninyo ang inyong sarili nang may kabaitan, pagmamahal, at pagtitiwala tulad ng pagtingin ng Diyos? Isipin ang epekto nito sa inyong buhay kapag naunawaan ninyo ang inyong walang hanggang potensyal gaya ng pagkaunawa ng Diyos dito.
Pinatototohanan ko na nariyan Siya. Hanapin Siya! Magsaliksik at mag-aral. Manalangin at magtanong. Ipinapangako ko na ipapakita sa inyo ng Diyos ang mga palatandaan na Siya ay buhay at mahal Niya kayo.
2. Kamtin ang Dapat Ninyong Kahinatnan2
Ang pagkamit ng dapat ninyong kahinatnan ay tila isang kabalintunaan. Paano ako magiging ako gayong ako na nga ito? Ilalarawan ko ang alituntuning ito sa isang kuwento.
Ang pelikulang The Age of Reason ay tungkol kay Marguerite, isang mayamang banker na abalang-abala sa buhay, palaging naglalakbay at dumadalo sa mga kumperensya. Bagama’t may mabait siyang manliligaw, sinabi niya na wala siyang panahon sa pag-aasawa o pagkakaroon ng mga anak.
Noong siya ay 40 anyos na, nakatanggap siya ng isang mahiwagang liham na nagsasabing, “Mahal kong ako, ngayon ako ay pitong taong gulang na at isinusulat ko ang liham na ito sa iyo para maalala mo ang pangakong ginawa ko noong pitong taong gulang ako, at upang ipaalala sa iyo kung ano ang gusto kong kahinatnan.” Ang sumulat ng liham ay walang iba kundi si Marguerite noong siya ay pitong taong gulang. Ang kasunod nito ay ilan pang liham kung saan detalyadong inilarawan ng batang babae ang mga mithiin niya sa buhay.
Natanto ni Marguerite na ang kinahinatnan niya ay hindi ang gusto niya noong bata pa siya. Nang magpasiya siyang maging tulad ng taong inilarawan niya na magiging siya noong bata pa siya, ang kanyang buhay ay lubos na nagbago. Nakipagkasundo siya sa kanyang pamilya at nagpasiyang iukol ang nalalabi niyang buhay sa paglilingkod sa mga nangangailangan.3
Kung posibleng makatanggap kayo ng liham mula sa premortal na buhay, ano kaya ang nakasaad dito? Ano ang magiging epekto sa inyo ng gayong liham mula sa isang daigdig na di natin maalala ngunit totoo kung matatanggap ninyo ito ngayon?
Maaaring ganito ang nakasaad sa liham: “Mahal kong ako, sumusulat ako sa iyo nang sa gayon ay maalala mo kung ano ang gusto kong kahinatnan. Sana ay maalala mo na ang pinakahangarin ko ay maging disipulo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Sinusuportahan ko ang Kanyang plano, at kapag nasa mundo na ako gusto ko Siyang tulungan sa Kanyang gawain ng kaligtasan. Sana ay alalahanin mo rin na gusto kong maging bahagi ng isang pamilya na magsasama-sama sa kawalang-hanggan.”
Isa sa malalaking hamon sa buhay ay ang alamin kung sino talaga tayo at saan tayo nanggaling at palaging mamuhay nang naaayon sa ating tunay na identidad bilang mga anak ng Diyos at nang may layunin kung bakit tayo narito sa mundo.
3. Magtiwala sa mga Pangako ng Diyos
Ang itinuro ni propetang Malakias ay napakahalaga sa Panunumbalik ng ebanghelyo: “At kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:39). Salamat sa Panunumbalik, kayo ang mga anak ng pangako. Tatanggapin ninyo bilang pamana ang mga pangakong ginawa sa inyong mga ama.
Muling basahin ang inyong patriarchal blessing. Sa patriarchal blessing na ito pinagtibay ng Panginoon na kayo ay bahagi ng isa sa labindalawang lipi ng Israel, at dahil diyan, sa inyong katapatan, kayo ay nagiging tagapagmana sa napakalaking pagpapala na ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob. Ipinangako ng Diyos kay Abraham: “Sapagkat kasindami ng tatanggap ng Ebanghelyong ito ay tatawagin alinsunod sa iyong pangalan, at ibibilang sa iyong mga binhi, at magbabangon at papupurihan ka, bilang kanilang ama” (Abraham 2:10).
Tiyak ang mga pangakong ito, at kung gagawin natin ang ating bahagi, gagawin din ng Diyos ang Kanyang bahagi. Sa kabilang banda, ang mga pangakong ito ay hindi katiyakan na lahat ng nangyayari sa ating buhay ay ayon sa inaasahan at ninanais natin. Sa halip, tinitiyak ng mga pangako ng Diyos na ang nangyayari sa atin ay ayon sa Kanyang kalooban. Ang pinakamagandang bagay na mahahangad natin sa buhay ay ang iayon ang ating kagustuhan sa kagustuhan ng Diyos—tanggapin ang Kanyang agenda para sa ating buhay. Nalalaman Niya ang lahat ng bagay mula sa simula, may pananaw Siya na wala tayo, at minamahal tayo nang walang-maliw.
Ilalarawan ko ang alituntuning ito gamit ang sarili kong karanasan. Noong bata pa ako nagpasiya akong maghanda para sa entrance exam sa pinakamahuhusay na business school sa France. Ang paghahandang ito, na nagtagal nang isang taon, ay napakahirap. Sa simula ng taon, nagpasiya ako na gaano man kabigat ang gawain, hindi ko hahayaan kailanman na makahadlang ang aking pag-aaral sa pagdalo sa mga pulong sa araw ng Linggo o sa pagpunta sa institute class minsan sa isang linggo. Tinanggap ko rin ang tawag na maglingkod bilang clerk sa aming young adult ward. Tiwala ako na nakikita ng Panginoon ang aking katapatan at tutulungan akong makamtan ang aking mga mithiin.
Sa pagtatapos ng taon, nang palapit na ang exam, alam kong ginawa ko ang lahat ng makakaya ko. Nang dumating ako para kumuha ng eksamin sa pinakamahusay na paaralan, lubos ang tiwala ko na sasagutin ng Panginoon ang ninanais ko. Ang malungkot, ang oral exam sa pinakaalam kong paksa ay mababa—nakatanggap ako ng grado na nakahadlang sa pagpasok ko sa napakagandang paaralang ito. Nalungkot ako. Bakit ako pinabayaan ng Panginoon gayong ipinakita ko naman ang aking katapatan?
Nang pumunta ako sa oral exam sa pangalawang paaralan na nasa listahan ko, puno ako ng pag-aalinlangan. Sa paaralang ito, ang exam na kailangang maipasa ko ay ang interbyu ng isang lupon na pinamumunuan ng direktor ng paaralan. Sa simula karaniwan lang ang interbyu—hanggang sa itanong sa akin ang isang tila hindi mahalagang katanungan: “Alam namin na nag-aral kang mabuti para sa exam na ito. Ngunit gusto naming malaman kung ano ang mga ginagawa mo kapag hindi ka nag-aaral.”
Bumilis ang pintig ng puso ko! Sa loob ng isang taon dalawang bagay lamang ang nagawa ko: mag-aral at magsimba! Natakot ako na baka hindi maunawaan ng lupon ang pagiging miyembro ko sa Simbahan. Ngunit sa isang iglap, nagpasiya akong manatiling tapat sa aking mga prinsipyo.
Sa loob ng 15 minuto o mahigit pa, inilarawan ko ang mga ginagawa ko sa Simbahan: mga pulong ko tuwing Sabbath, mga klase sa institute, at mga tungkulin bilang ward clerk. Nang matapos ako, nagsalita ang direktor ng paaralan.
“Alam mo, noong bata pa ako, nag-aral ako sa Estados Unidos,” sabi niya. “Isa sa matatalik kong kaibigan ay Mormon. Siya ay kahanga-hangang binata, isang taong may magagandang katangian. Itinuturing ko ang mga Mormon na napakabubuting tao.”
Nang araw na iyon nakatanggap ako ng pinakamataas na grado, na nagtulot sa akin na makapasok sa paaralang ito nang may karangalan.
Pinasalamatan ko ang Panginoon sa Kanyang kabaitan. Gayunpaman, ilang taon pa ang lumipas bago ko natanto ang pagpapalang dulot ng hindi ko pagkapasok sa unang paaralan. Sa pangalawang paaralan, nakilala ko ang mabubuting tao. Ang kabutihang dulot ng pakikipagkaibigan ko sa kanila ay nakita sa buong panahon ng aking propesyon at mahalaga pa rin sa aking buhay at sa buhay ng aking pamilya.
Kung hindi nangyayari ang inaasam o inaasahan ninyo matapos ninyong magawa ang lahat ng inyong makakaya, maging handang tanggapin ang kagustuhan ng inyong Ama sa Langit. Hindi Niya ibibigay ang anuman sa atin na hindi para sa ating ikabubuti. Pakinggan ang nakapapanatag na tinig na bumubulong sa ating mga tainga: “Lahat ng laman ay nasa aking mga kamay; mapanatag at malaman na ako ang Diyos” (D at T 101:16).
Ang Inyong Bukas ay Kasing-liwanag ng Inyong Pananampalataya
Kapag iniisip kong mabuti ang buhay ko kasama ang asawa kong si Valérie, lalo akong naniniwala na ang nakagawa ng kaibhan ay ang pareho naming pananaw tungkol sa buhay na walang hanggan noong kabataan namin. Gusto naming magkaroon ng walang hanggang pamilya. Alam namin kung bakit kami narito sa mundo at kung ano ang aming walang hanggang mga mithiin. Alam namin na mahal kami ng Diyos at napakahalaga namin sa Kanyang paningin. Tiwala kami na sasagutin Niya ang aming mga panalangin sa Kanyang paraan at takdang panahon na makabubuti sa amin.
Hindi ko alam kung handa kaming tanggapin ang Kanyang kagustuhan sa lahat ng bagay, dahil iyan ang isang bagay na dapat naming matutuhan—at patuloy pang natututuhan. Ngunit nais naming gawin ang lahat ng aming makakaya na sundin Siya at ilaan ang aming sarili sa Kanya.
Pinatototohanan ko, kasama ni Pangulong Monson, na ang inyong “[bukas] ay kasing-liwanag ng inyong pananampalataya.”4 Ang inyong kaligayahan ay higit na nakasalalay sa mga alituntuning inyong piniling sundin kaysa sa sitwasyon ng inyong buhay. Maging tapat sa mga alituntuning ito. Kilala at mahal kayo ng Diyos. Kung mamumuhay kayo nang ayon sa Kanyang walang hanggang plano at kung magtitiwala kayo sa Kanyang mga pangako, kung gayon magliliwanag ang inyong [bukas]!
May mga pangarap at mithiin ba kayo? Maganda iyan! Magsikap nang buong puso upang makamtan ang mga ito. At hayaan ang Panginoon na gawin ang iba pa. Gagawin Niya sa inyo ang hindi ninyo makakayang gawin para sa inyong sarili.
Sa lahat ng panahon, tanggapin ang Kanyang kagustuhan. Maging handa na magtungo saanman Niya kayo papuntahin at gawin ang ipagagawa Niya sa inyo. Maging kalalakihan at kababaihan na hangad Niyang kahinatnan ninyo.
Pinatototohanan ko na ang buhay na ito ay napakagandang bahagi ng kawalang-hanggan. Narito tayo nang may maluwalhating mithiin—ang paghahandang humarap sa Diyos.