Pagbabahagi ng Ebanghelyo Online
Ang awtor ay naninirahan sa Metro Manila, Philippines.
Alam ko ang pinaniniwalaan ko, pero kinakabahan ako kapag sinusubukan kong sagutin ang lahat ng tanong ng ka-team ko sa debate tungkol sa Simbahan.
Hindi laging malakas ang loob ko sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga kaibigan ko. Alam ng marami sa kanila ang relihiyon ko, pero wala akong gaanong ginawa para ibahagi ang aking patotoo. Gayunpaman, kung mali ang ideya ng isang tao tungkol sa Simbahan, sinisikap kong itama ito.
Nang mag-aral na ako sa kolehiyo, sumali ako sa debate society. Nalaman ng ibang mga miyembro ng samahan na ako ay isang Banal sa mga Huling Araw nang itama ko ang sinabi nila tungkol sa “mga Mormon” pagkatapos ng isang debate. Hindi ko nabanggit ang relihiyon ko kahit kailan, kaya’t maraming itinanong sa akin nang araw na iyon. Natakot ako at halos iniwasan kong sumagot. Alam ko ang pinaniniwalaan ko, pero hindi ko alam kung paano ito ibahagi. Nagdasal ako pero parang walang sagot.
Ilang araw pagkaraan, habang nakabukas ako sa Facebook, nakita ko ang isang artikulo mula sa LDS.org na inilagay roon ng lider namin sa simbahan. Dahil dito ay natanto ko na makakapag-post din ako ng anuman mula sa Simbahan. Hinanap ko ang mga paksang itinanong ng ka-team ko sa debate, nag-post ako ng mga link sa wall ko, at ipinadala ko ito sa lahat ng nagtanong. Alam ko na mas masisiyahan sila sa mga sagot.
Hindi pa ako nakapag-post online tungkol sa mga paniniwala ko, kaya’t lalo pang dumami ang mga taong nag-usisa tungkol sa relihiyon ko. Kapag nagtatanong sila, sinisikap kong magbigay ng mahahalagang sagot at mga link sa mga materyal ng Simbahan. Sa ganitong paraan hindi na kailangang umasa ang mga tao sa sagot ko lamang kundi makakaasa rin sila sa mga sinasabi ng mga General Authority tungkol sa kanilang mga tanong. Kapag nagiging maselan ang mga usapan, sinasagot ko nang pribado ang tao sa pamamagitan ng text message.
Natutuwa ako na may mga materyal ang Simbahan online. Kinakabahan pa rin ako kapag may biglang nagtanong sa akin tungkol sa Simbahan. Ngunit ngayon hindi ko na sila hinihintay na magtanong; ako na mismo ang nagpo-post ng mga materyal ng Simbahan online. Alam ko na makakatulong ang mga materyal na ito sa mga kaibigan kong miyembro at di-miyembro.