Mga Tanong at mga Sagot
“Ano ang dapat kong isipin sa oras ng sakramento?”
Bagama’t tumatayo tayo bilang mga saksi ni Jesucristo sa lahat ng panahon, sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar (tingnan sa Mosias 18:9), kung minsa’y inaagaw ng mga impluwensya sa mundo sa ating paligid ang ating pansin. Ang sakramento ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong ituon ang ating isipan sa Tagapagligtas nang walang mga gambala.
Sa oras ng sakramento, maaari ninyong isipin ang kahulugan at kagandahan ng ordenansa. Ang pakikibahagi sa mga simbolo ng katawan at dugo ng Tagapagligtas ay makakatulong sa inyo na pagnilayan ang Kanyang walang-hanggan at nagbabayad-salang sakripisyo. Kapag nakibahagi kayo ng sakramento, pinaninibago ninyo ang inyong tipan sa binyag. Sa paggawa nito, muli kayong nangangako sa inyong sarili na lagi Siyang alalahanin at laging sundin ang Kanyang mga utos.
Mapapaganda ninyo ang inyong karanasan sa sakramento kung espirituwal ninyong ihahanda ang inyong sarili. Sa buong linggo, isiping pag-aralan ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya o mga talata sa banal na kasulatan na magtutuon sa inyo sa sakripisyo ng Tagapagligtas at sa sarili ninyong pagkadisipulo. Sa himno at mga panalangin sa sakramento, magtuon sa mga titik na inyong kinakanta at naririnig, at pagnilayan ang kahulugan ng mga ito.
Sa oras ng sakramento, mag-ukol ng oras na isipin ang mga pagbabagong ginagawa ninyo sa inyong personal na buhay para maging higit na katulad ni Jesucristo. Matapos na marapat na makibahagi sa sakramento, madarama ninyo na kayo’y malinis at dalisay, tulad ng nadama ninyo sa araw ng inyong binyag.
Ibaling ang Iyong Isipan sa Pagbabayad-sala
Sa oras ng sakramento, bumabaling ang aking isipan kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Nahihirapan akong ipahayag ang nararamdaman ko sa oras ng sakramento kapag iniisip ko ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Alam ko na si Jesucristo ang hinirang na maging Manunubos natin. Alam kong Siya ay buhay.
Nephi B., edad 20, Brazzaville, Republic of the Congo
Isipin si Jesucristo
Sa oras ng sakramento iniisip ko ang pinagdaanan ng Tagapagligtas para mapagsisihan natin ang nagawa nating mga pagkakamali. Iniisip ko rin ang lahat ng pagpapalang naibigay Niya sa akin at ang kamangha-manghang mga himalang naisagawa at isasagawa Niya. Napakapalad natin na nakikibahagi tayo sa sakramento para mapagsisihan natin ang ating mga kasalanan at makapangako tayo na magpapakabuti.
Andee B., edad 13, Utah, USA
Pag-isipan ang mga Titik ng mga Himno sa Sakramento
Itinuturo ng mga himno sa sakramento kung ano ang dapat nating isipin sa oras ng sakramento. Halimbawa, sinasabi sa paborito kong himno sa sakramento, ang “Aba Naming Kahilingan” (Mga Himno, blg. 102), “H’wag hayaang malimutan, ang pagdurusa Ninyo nang ang puso N’yo’y pinaslang do’n sa krus sa Kalbaryo.” Ang pag-alaala sa mga titik ng mga himno ng sakramento sa oras ng sagradong ordenansang ito ay nagpapadama sa akin ng kapayapaan at nagpapaibayo ng pasasalamat ko sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Austin B., edad 15, Alberta, Canada
Pasasalamat sa mga Pagpapala
Sa oras ng sakramento dapat nating isipin kung gaano kadakila ang sakripisyong ginawa ng ating Tagapagligtas para sa atin at puspusin ng pasasalamat ang ating puso. Kapag nakibahagi ako ng sakramento, gusto kong pasalamatan ang Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo para sa mga pagpapalang natanggap ko.
Elen S., edad 16, Paraíba, Brazil
Huwag Hayaang Gumala ang Iyong Isipan
Mayroon akong maliit na card na nakasingit sa aking mga banal na kasulatan na hinuhugot ko tuwing Linggo sa oras ng sakramento. Pantanda ito sa Mosias 18, kung saan ipinangaral ni Alma ang tipan sa binyag. May maiikling sulat sa card, tulad ng “Magpasalamat sa Pagbabayad-sala,” na nakasulat dito para maalala ko ang layunin at kabanalan ng sakramento. Ang pagbabasang muli sa maiikling sulat ay nagtutuon sa aking isipan sa layunin at kasagraduhan ng sakramento.
Alisha M., edad 19, Texas, USA
Alalahanin ang Huling Hapunan
Dapat nating isipin ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo at ang kahalagahan ng marapat na pakikibahagi sa mga simbolo ng Kanyang katawan at Kanyang dugo. Maaari din nating isipin ang panahon na binasbasan Niya ang tinapay at alak na kasama ang Kanyang Labindalawang Apostol.
Jonás A., edad 18, Morelos, Mexico
Alalahanin at Kilalanin
Ang layunin ng sakramento ay upang mapanibago natin ang ating mga tipan sa ating Ama sa Langit at malinis tayo mula sa mga kasalanang pinagsisihan natin. Sa oras ng sakramento, inaalala natin ang sakripisyo ni Cristo para sa atin at pinag-iisipan kung paano natin ito maiaangkop sa ating buhay. Sinisikap kong isipin kung ano ang nagawa ko sa nakaraang buong linggo at kung gaano kahusay kong natupad ang aking mga tipan sa aking Ama. Inaamin ko ang mga kasalanang nagawa ko at pinagtutuunan ko kung paano ko magagamit ang Pagbabayad-sala para mapaglabanan ang mga ito. Kapag ginagawa ko ito, ang sakramento ay isang karanasang nakasisigla at espirituwal na nagpapalakas sa akin.
Abagail P., edad 14, Arizona, USA
Pagnilayan ang Iyong mga Tipan
Noong bata-bata pa ako, ang tanging iniisip ko sa oras ng sakramento ay kung paano ako tatahimik. Ngayong may priesthood na ako, nauunawaan ko na para magkaroon ng kahulugan ang sakramento at matulungan ako nitong lumago sa espirituwal, kailangan kong magnilay-nilay sa oras na ito. Iniisip ko ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at kung paano Niya ipinakita na mahal Niya tayo. Iniisip ko rin kung paano mapapalakas ng sakramento ang aking pananampalataya at hangaring tuparin ang aking tipan sa binyag.
Levi F., edad 19, Abia, Nigeria