Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo
Namangha sa Pag-ibig ni Jesus sa Akin
Ang awtor ay naninirahan sa Mexico City, Mexico.
Isang Linggo bago ang sacrament meeting, nilapitan ako ng bishop at tinanong, “Matutulungan mo ba kaming magbasbas ng sakramento?” Sinabi ko siyempre na tutulong ako.
Umalis ako at kinuha ko ang aking imnaryo at pagkatapos ay naghugas ako ng kamay bago umupo sa lugar ko sa sacrament table. Binuklat ko ang imnaryo, at ang unang himnong nakita ko ay “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115). Hindi pa nagsisimula ang miting, kaya sinimulan kong basahin ang unang linya: “Ako ay namangha sa pag-ibig ni Jesus.” Agad na napuspos ng malaking pagmamahal ang puso ko.
Noong nakaraang gabi nabasa ko sa Biblia ang pagwawakas ng buhay ni Jesucristo—ang mga bahaging tungkol sa Huling Hapunan, Halamanan ng Getsemani, at Kanyang pagkamatay at Pagkabuhay na Mag-uli. Nakinita ko si Jesus na pinahihirapan, hinahataw, at nililibak ng mga taong pumatay sa kanya. Nakinita ko rin ang pagsasakatuparan ni Jesus ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo sa Halamanan ng Getsemani habang tulog ang Kanyang mga disipulo.
Natanto ko na babasbasan ko na ang tinapay at tubig na sagisag ng Kanyang katawan at dugo. Ang sakramento ay tinutulutan tayong magpanibago ng tipan na ginawa natin noong tayo ay binyagan, na lagi Siyang alalahanin, sundin ang Kanyang mga kautusan, at taglayin ang Kanyang pangalan.
Nang magsimula ang sacrament meeting, lahat ng ito ay nasa aking isipan. Lubos kong nadama na nagdusa si Jesus sa napakasakit at napakatinding paraan na hindi natin kayang maunawaan. Pagkatapos ay naisip ko na tiniis Niyang magdusa dahil sa pagmamahal Niya sa atin—sa akin.
Nadama ko na mahal na mahal ako ng Panginoon kaya hindi ko napigilang lumuha. Pakiramdam ko’y hindi ako karapat-dapat sa ginawa ng Tagapagligtas para sa akin. Ngunit nadama ko rin na sakdal ang Kanyang pagmamahal sa akin. Ibubuwis ng isang kaibigan ang kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan (tingnan sa Juan 15:13). Nang magsimula ang sacrament hymn, sabay kaming tumayo ng isa pang brother para simulan ang ordenansa.
Itinupi namin ang maganda at puting telang nakatakip sa tinapay. Habang hawak ko ang tinapay, alam ko na responsibilidad kong pira-pirasuhin ito bilang bahagi ng ordenansa, ngunit nag-atubili ako. Ang tinapay ay sagisag ng katawan ni Cristo. Naisip ko ang mga kawal na nanakit sa Panginoon, at ayaw kong pira-pirasuhin ang tinapay. Nang pira-pirasuhin ko ang isang tinapay, naisip ko ang napakasakit at napakatinding pag-alipusta kay Jesus bago Siya namatay—ang koronang tinik, ang hagupit ng latigo, ang pagdurusa. Patuloy na dumaloy ang luha sa aking mga pisngi habang inihahanda ko ang tinapay.
Pagkatapos ay naisip ko na kailangan ang napakasakit at napakatinding pag-alipustang ito. Bahagi ang mga ito ng pagbabayad-sala ni Jesucristo, at nagsakripisyo Siya dahil sa pagmamahal Niya sa akin at sa bawat isa sa atin.
Nakadama ako ng malaking kapayapaan at kagalakan. Maingat at dahan-dahan kong pinira-piraso ang tinapay, batid na ang hawak ko ay babasbasan at pababanalin para sa espesyal na layunin at sagisag ng isang bagay na katangi-tangi, napakaganda, at kahanga-hanga. Nadama ko ang malaking responsibilidad na isagawa ang ordenansang ito upang mapanibago ng mga miyembrong naroon ang kanilang tipan sa Panginoon at matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala.
Nang matapos kami, nakita ko na puno ng pinira-pirasong tinapay ang mga trey. Kahanga-hanga at napakasagrado nitong tingnan. Inusal ng kasama ko ang panalangin. Noon ko lamang naunawaan nang malinaw ang mga katagang “nang sila ay makakain bilang pag-alaala sa katawan ng inyong Anak” (D at T 20:77).
Nang kumain ako ng tinapay, muli kong nadama ang pagmamahal ng aking Tagapagligtas. Nadama ko na ako’y protektado, napakumbaba, at determinadong gawin ang tama. Gusto kong suriin ang buhay ko at pagsisihan ang lahat ng pagkakamali ko.
Nagpapasalamat ako sa pagmamahal ni Jesucristo sa akin. Nagpapasalamat ako na matatanggap natin ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala: na mapatawad sa ating mga kasalanan at magkaroon ng pagkakataong makabalik sa ating Ama sa Langit.