2014
Ang Ikapu ay Nagbibigay ng Espirituwal na Lakas
Hunyo 2014


Para sa Lakas ng mga Kabataan

Ang Ikapu ay Nagbibigay ng Espirituwal na Lakas

Elder Anthony D. Perkins

Magpasiya ngayon na magbayad ng tapat na ikapu. Tutulungan ka nitong malaman na tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako.

A boy looking at money and a tithing slip.

Paglalarawan ni Jim Madsen

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson na “ang tapat na pagbabayad ng ikapu ay nagbibigay sa isang tao ng espirituwal na lakas at katapatang sundin ang iba pang mga utos.”1 Mapalad akong magtamo ng patotoo tungkol sa alituntuning ito noong kabataan ko.

Noong 14 na taong gulang ako, nagsimula ako sa una kong trabaho, na sumasahod ng 2 U.S. dollars bawat oras bilang construction laborer. Ang suweldo ko sa unang linggo ay umabot ng 80 dollars. Gusto kong bumili ng eight-track tape stereo, na siyang pinakabagong teknolohiya sa musika sa panahong iyon. Ang full-function model na gusto ko ay nagkakahalaga ng 320 dollars. Sabik kong sinabi kina Inay at Itay ang layon kong bumili ng stereo nang makatapos ako ng apat na linggo sa trabaho.

Mahigit Apat na Linggo

Buong talinong itinuro ng aking mga magulang na, “Kailangan mong magtrabaho nang mahigit apat na linggo para sumahod ka ng sapat na perang pambili ng music player na iyon. Dapat mong pasalamatan ang Diyos sa marami Niyang pagpapala sa pamamagitan ng pagbabayad ng 10 porsiyento ng iyong suweldo bilang ikapu. Kakailanganin mong magbayad ng buwis na mga 10 porsiyento sa gobyerno. At dapat mong matutuhan habang bata ka pa na sundin ang payo ng mga propeta sa paghahanda ng sapat na pera para sa hinaharap, pati na sa iyong misyon; iminumungkahi namin na magtabi ka ng 30 porsiyento ng iyong kita sa isang savings account.”

Agad kong kinalkula sa aking isipan noong tinedyer ako na kung susundin ko ang itinuro ng aking mga magulang, 40 dollars lang ang matitira sa akin linggu-linggo para gastusin, na ibig sabihin ay kailangan kong magtrabaho nang di-kukulangin sa dalawang buwan para mabili ang gusto kong stereo. Nahirapan akong magdesisyon—uunahin ko bang bumili ng mga materyal na pag-aari, o magsasakripisyo akong magbayad ng ikapu at mag-ipon?

Unahing Bayaran ang Ikapu

Ang payo sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Unahin[g bayaran ang ikapu], kahit iniisip ninyong wala kayong sapat na pera para tugunan ang iba pa ninyong mga pangangailangan. Sa paggawa nito ay matutulungan kayong magkaroon ng mas malakas na pananampalataya, madaig ang pagiging makasarili, at mas [madama] ang Espiritu.”2

Ipinasiya ko sa edad na 14 na magbayad ng tapat na ikapu habang ako’y nabubuhay. Ipinasiya kong sundin ang propeta sa pag-iipon ng pera para sa aking misyon at pag-aaral sa hinaharap. Ang karanasang ito ay nagturo din sa akin ng kaibhan ng mga gusto sa mga pangangailangan. Gusto ko ng pinakabagong teknolohiya, pero hindi ko iyon kailangan. Kaya ipinasiya kong bumili ng mas murang modelo na kakaunti ang nagagawa, at gumagana pa rin ito nang maayos nang magmisyon ako.

Mga Pangakong Natupad

Nang malaman ko sa pagbabayad ng ikapu na tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako, mas tumibay ang aking pananampalataya gayundin ang aking hangaring sundin ang iba pang mga utos Niya. Nalaman ko na kung magbibigay ako ng malaking handog-ayuno, sasagutin Niya ang aking mga dalangin at patuloy akong papatnubayan (tingnan sa Isaias 58:6–11). Nalaman ko na kung babasahin ko ang Aklat ni Mormon, ipapakita Niya sa akin ang katotohanan nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo (tingnan sa Moroni 10:4–5). Nalaman ko na kung susundin ko ang Word of Wisdom, bibigyan Niya ako ng kalusugan, karunungan, at kaalaman at ako ay “tatakbo at hindi mapapagod” (tingnan sa D at T 89:18–21). At nalaman ko na kung susundin ko ang batas ng kalinisang-puri, lagi akong papatnubayan ng Espiritu Santo at bibigyan ako ng tiwala ng Tagapagligtas na balang-araw ay hindi ako mahihiyang tumayo sa Kanyang harapan (tingnan sa D at T 121:45–46).

Ang isa pang paraan na napag-ibayo ng pagbabayad ng mga ikapu at mga handog ang lakas ng loob ko ay sa pamamagitan ng mga tipan sa templo. Itinuturo sa Para sa Lakas ng mga Kabataan na, “Para makapasok ng templo, kailangang nagbabayad kayo ng buong ikapu.”3 Kapag pumapasok ako sa banal na templo, nadarama ko ang presensya at pagmamahal ng Diyos. Pinatototohanan ko na sa mga ordenansa sa templo, tumatanggap tayo ng “kapangyarihan mula sa itaas” (D at T 95:8) na masayang tanggapin at labanan ang mga hamon ng mortalidad.

Isang Pagpapalang Nakalaan

Ang pagbabayad ng mga ikapu at mga handog ay nagpaibayo ng aking pananampalataya na tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako. Sa pamamagitan ng propetang si Malakias, ipinahayag Niya, “Dalhin ninyo ang buong ikasangpung bahagi … at subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, … kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan” (Malakias 3:10).

Buong buhay ko, kahit sa oras ng mga pagsubok sa kabuhayan sa mga unang taon ng pagsasama naming mag-asawa, binuksan ng Diyos sa tuwina ang mga dungawan sa langit para makatanggap ng mga temporal na pangangailangan sa buhay ang aming pamilya. Pinatototohanan ko na sa pagsunod sa batas ng ikapu, ang inyong pananampalataya ay lalago hanggang sa maging matatag na mapagkukunan ito ng lakas sa inyong buhay.

Inaanyayahan ko ang bawat kabataan—at bawat miyembro—na makinig kay Jesucristo at sa Kanyang mga propeta sa pamamagitan ng pagbabayad ng buong ikapu at pagbibigay ng malaking handog-ayuno habang kayo’y nabubuhay. Ipinapangako ko na palalakasin kayo ng Panginoon at pauunlarin kayo sa pagsasakatuparan ng inyong mabubuting hangarin ayon sa Kanyang mga banal na layunin.

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Be Thou an Example,” Liahona, Ene. 1997, 42.

  2. Para sa Lakas ng mga Kabataan, (2011), 38.

  3. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 38.