2014
Ako si Loredana na mula sa Italy
Hunyo 2014


Mga Kaibigan sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo

Ako si Loredana na mula sa Italy

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ciao, amici!*

May palayaw ba ang lungsod na tinitirhan ninyo? Ang lungsod na tinitirhan ni Loredana ay tinatawag na Eternal City kung minsan. Si Loredana ay nakatira sa Rome, Italy. Maraming naggagandahang lugar na mabibisita sa maganda at makasaysayang lungsod na ito, gaya ng Colosseum at Trevi Fountain.

Tuwing umagang may pasok sa eskuwela, matapos magbasa ng mga banal na kasulatan nang sama-sama, nag-aalmusal sina Loredana at kanyang pamilya (kadalasa’y cereal at gatas). Pagkatapos ay pumapasok na siya sa eskuwela. Paborito niya ang klase sa art at computer. Pag-uwi ng bahay, gusto niyang makipaglaro sa nakababata niyang kapatid na si Francesco.

  • “Hello, mga kaibigan!” sa Italyano.

Binabasahan ako ng aking ina ng Aklat ni Mormon gabi-gabi bago pa siya sumapi sa Simbahan. Nang magpasiyang magpaturo si Inay sa mga missionary at mapakinggan ko silang magbasa ng Aklat ni Mormon, natukoy kong iyon ang binabasa sa akin ni Inay.

May inaalagaang matandang babae si Inay na ang pangalan ay Angelina. Kung minsan kapag Sabado kinukuwentuhan ko at kinakantahan ng mga awit sa Primary si Angelina. Masaya akong matulungan ang kaibigan kong si Angelina.

Tuwing Pasko at Paskua, gusto kong bigyan ang mga kaibigan at pamilya ko ng mga regalong ako mismo ang gumawa. Gumagawa ako ng sarili kong mga card at kuwadro para paglagyan ng espesyal na mga retrato.

Mahilig ang pamilya ko na pumunta sa beach, bumisita sa mga makasaysayang lugar sa Rome, o maglaro lang sa playground.

Madalas kong tulungang magluto ng pasta Amatriciana ang aking amain para sa hapunan.

Larawan ng Rome na kuha ni Sergey Borisov/iStockphoto/Thinkstock; IBA PANG MGA LARAWANG KUHA SA KAGANDAHANG-LOOB NG PAMILYA NI LOREDANA