Sinagot ng Propeta ang Aking Panalangin
Derrick Fields, Missouri, USA
Sa pagtatapos ng aking ikalawang taon nag-apply ako sa graphic design program ng aming unibersidad. Hindi ako natanggap, pero puwede akong mag-apply na muli sa susunod na taon. Hindi ako masaya na isang taon pa ang hihintayin ko bago makatapos sa pag-aaral.
Ang pinakamalapit sa pinili kong major ay photography. Kaya’t ipinagdasal ko na magpapalit ako ng major at maganda ang pakiramdam ko rito. Gusto ko lang magkaroon ng degree!
Sa simula ng semester sa taglagas, may mga klase ako tungkol sa film at kasaysayan ng photography. Tuwang-tuwa ako rito. Ngunit nang tingnan ko ang syllabus ng aming film class, napansin ko na kailangang manood ang mga estudyante ng maraming pelikulang R-rated. Sa aming photography class sinabi ng guro na ang mga larawang pag-aaralan namin ay puno ng kalupitan, nakagagambala, at seksuwal. Sabi niya iyan halos ang photography sa mga panahong ito.
Nanlumo ang puso ko habang iniisip ko kung ano ang gagawin ko. Alam ko na laban sa ganitong mga bagay ang itinuturo ng ebanghelyo, ngunit kailangan ang mga ito sa klase. Naisip ko ang talata tungkol sa pagiging nasa sanlibutan ngunit hindi taga sanlibutan (tingnan sa Juan 15:19). Maaari ba akong nasa mga klaseng ito pero hindi nila kaisa?
Nagdasal ako na malaman ang gagawin at magkaroon ng pananampalataya na gawin ang tama. Humingi rin ako ng payo sa aking asawa, mga magulang, at kapatid. Nang makausap ko ang aking kapatid, ipinaalala niya sa akin ang sumusunod na talata: “Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o anong ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?” (Mateo 16:26).
Alam ko na mahalaga ang edukasyon, pero mali ba ang napili kong pag-aralan? Paano ako pansamatalang titigil sa pag-aaral samantalang malapit ko nang matapos ito?
Isang gabi habang gising at nagbabantay ng aming sanggol na may sakit, naisip kong hanapin si Pangulong Thomas S. Monson sa Internet. Maya-maya lang ay pinanonood ko na ang isang mensahe ni Pangulong Monson sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2011. Nakinig akong mabuti habang nagsasalita siya tungkol sa paghina ng mga pamantayan ng lipunan tungkol sa moralidad, sinasabing ang mga ugali na hindi angkop at mahalay noon ay nagiging katanggap-tanggap na ngayon sa marami.
Pagkatapos ay sinabi niya ang mismong kailangan kong marinig: “Kailangan tayong maging maingat sa isang mundong nagpakalayo na sa bagay na espirituwal. Mahalagang ayawan natin ang anumang hindi umaayon sa ating mga pamantayan, tumanggi tayong isuko ang ating pinakamimithi: ang buhay na walang-hanggan sa kaharian ng Diyos.”1
Tumimo ang mga salitang ito sa akin. Habang dumadaloy ang luha sa aking pisngi, alam ko na sinagot ng buhay na propeta ang aking panalangin.
Bagama’t ipinagpaliban ko ang mga plano kong magtapos sa pag-aaral, alam ko na pagpapalain ako ng Panginoon at ang aking pamilya kapag sinunod namin ang propeta, tinanggihan namin ang mga pananaw ng mundo, sinunod namin ang mga kautusan, at sinuportahan namin ang mga pamantayan ng ebanghelyo.