2014
Mga Banal sa mga Huling Araw sa Italy: Isang Pamana ng Pananampalataya
Hunyo 2014


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Mga Banal sa mga Huling Araw sa Italy Isang Pamana ng Pananampalataya

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang kasaysayan ng Simbahan sa Italy ay nagsimula sa panahon ng Bagong Tipan, noong ang kabisera ng Imperyo ng Roma ay tirahan ng isang grupo ng matatapat na Kristiyano. Hindi nakatala sa Biblia kung sino ang unang nagdala ng ebanghelyo sa Roma, ngunit isang branch ng Simbahan ang naroon “malaon nang panahon” (Mga Taga Roma 15:23) nang magpadala ng sulat si Apostol Pablo sa mga taga Roma mga a.d. 57.

Inilarawan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Roma na “[nangapupuspos] ng kabutihan” (15:14). Kilala niya ang ilan sa kanila, at ang kanyang sulat ay naglalaman ng mahabang listahan ng pinakamamahal na mga Banal na kanyang binati sa kanyang mga sulat (tingnan sa 16:1–15).

Pinuri ni Pablo ang pananampalataya ng mga Kristiyanong iyon at sinabing taimtim siyang nagdarasal para sa kanila. Nais niyang makita sila at umasang ipahihintulot ng Diyos na madalaw niya sila sa lalong madaling panahon (tingnan sa 1:8–15).

Nang sa huli ay makapunta siya sa Roma, noong siya ay isang bilanggo, at dahil inasam ng mga miyembro ng Simbahan ang kanyang pagdating, ang ilan sa kanila ay naglakbay nang 43 milya (69 km) para salubungin siya sa Appio. Nang sila ay makita niya, “nagpasalamat [siya] sa Dios at lumakas ang loob” (Mga Gawa 28:15).

Kalaunan, si Pablo ay pinatay sa Roma, kung saan matinding inusig ni Nero at ng iba pang mga emperador ang mga Kristiyano. Sa huli ay nag-apostasiya ang Simbahan, ngunit ang sinaunang mga Banal na taga Roma ay nag-iwan ng isang pamana ng pananampalataya sa sentro ng imperyo, sa paghahanda na maipalaganap ang Kristiyanismo sa buong mundo.

Mga Tao na Itinago ng Panginoon

Noong 1849, si Elder Lorenzo Snow (1814–1901) ng Korum ng Labindalawang Apostol ay tinawag upang itatag ang mission sa Italy. Habang pinag-iisipan kung saan magsisimula, nalaman niya ang tungkol sa mga Waldensian, isang komunidad na makadiyos sa kabundukan ng Piedmont sa hilagang-kanluran ng Italy.

Dumanas ng matinding pang-uusig ang mga Waldensian sa loob ng mahigit pitong siglo dahil sa kanilang paniniwala. Nauna pa sa Protestant Reformation nang ilang daang taon, ipinangaral nila na nag-apostasiya ang sinaunang Simbahan ni Cristo. Inihiwalay nila ang kanilang sarili sa Simbahang Katoliko Romano at sila ay pinaratangan na kumakalaban sa simbahan, pinalayas sa mga lungsod, pinahirapan, at pinagpapatay. Sa halip na itatwa ang kanilang pananampalataya, sila ay tumakas patungo sa matataas na kabundukan.1

“Nagliwanag ang aking isipan nang maisip kong ipangaral ang ebanghelyo sa [mga Waldensian],” pagtala ni Elder Snow. Nakasaad sa liham niya sa kanyang pamilya, “Naniniwala ako na itinago ng Panginoon ang mga tao sa gitna ng kabundukan ng Alpine.”2

Sa ibang rehiyon ng Italy, ang mga batas ay hindi sang-ayon sa gawaing misyonero. Ngunit dalawang taon bago dumating si Elder Snow, ang mga Waldensian sa rehiyon ng Piedmont ay nabigyan ng kalayaan sa relihiyon pagkatapos ng maraming siglo ng pag-uusig.3 Hindi lang iyan, kundi ang ilan sa kanila ay nakatanggap ng kagila-gilalas na mga panaginip at pangitain na naghanda sa kanila para tanggapin ang mensahe ng mga missionary.4

Si Elder Snow, kasama ang dalawang kompanyon na missionary, ay inilaan ang Italy para sa pangangaral ng ebanghelyo noong Setyembre 19, 1850. Itinala ni Elder Snow, “Mula nang araw na iyon ay nagkaroon na ng mga pagkakataon na maipahayag ang aming mensahe.”5

Nang sumunod na apat na taon, nakaranas kapwa ng tagumpay at oposisyon ang pagsisikap ng mga missionary. Naglathala sila ng dalawang missionary tract at isang Aklat ni Mormon na naisalin sa wikang Italyano. Marami silang nabinyagan. Ngunit noong 1854, humina ang gawain—ang mga missionary ay tinawag sa ibang mga lugar, nandayuhan ang matatapat na convert sa Utah, at tumindi ang pang-uusig. Noong 1862 lahat ng aktibong proselyting ay itinigil, at isinara ang mission noong 1867.

Naging aktibo lamang ang Italian Mission sa loob ng 12 taon, ngunit sa panahong iyan, 12 pamilya at pitong tao ang nabinyagan at nandayuhan sa Utah. Ang mga Waldensian na tumanggap ng ebanghelyo ay nakaragdag ng lakas sa Simbahan sa Utah, at ngayon libu-libong miyembro ang tinutunton ang kanilang henerasyon hanggang sa 72 matatapat na Waldensian na iniwan ang bayan ng kanilang mga ninuno upang sumama sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Rocky Mountains.6

Pagpapabilis ng Gawain

Matapos isara ang Italian Mission, nawalan ng opisyal na gawaing misyonero sa Italy nang halos isang daang taon. Nang muling magliwanag ang ebanghelyo sa Italy, iyon ay noong kalagitnaan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nang magtalaga ng mga militar mula sa Estados Unidos sa mga lungsod sa buong Italy. Ang mga miyembrong ito ay naggrupu-grupo at nagkita-kita para sa mga pulong sa araw ng Linggo, at ang mga grupong ito ay nagpatuloy matapos ang digmaan nang maitalaga ang mga miyembro sa mga base militar sa Italy.

Sa sumunod na 20 taon, pinabilis ng Panginoon ang Kanyang gawain. Nagsimulang sumapi ang mga katutubong Italyano sa Simbahan matapos makilala ang mga missionary sa kalapit na mga bansa. Ang mga grupo ng mga miyembro ng militar sa Naples at Verona ay naorganisa sa mga branch sa ilalim ng pamamahala ng Swiss Mission. Muling ipinasalin at ipinalathala ng mission ang Aklat ni Mormon sa wikang Italian. Ang pagpapadala ng mga missionary sa Italy ay palapit na.

Noong 1964, ang Italy ay naorganisa bilang isang district ng Swiss Mission, at di-nagtagal nagpadala ng mga missionary na nagsasalita ng wikang Italian sa ilang lungsod. Noong 1966, ang Italian Mission ay naorganisa, 99 na taon matapos isara ang orihinal na Italian Mission. Si Elder Ezra Taft Benson (1899–1994) ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nag-alay ng panalangin para sa muling paglalaan ng Italy sa pangangaral ng ebanghelyo.

Sampung taon mula nang mabuksan ang mission, ang bilang ng mga miyembro sa Italy ay tumaas mula mga 300 at umabot ng 5,000. Ang bilang na iyan ay nadoble pagsapit ng 1982. Sa mga huling taon, lalo pang nadagdagan ang bilang. Mula 2005 hanggang 2010, apat na bagong stake ang nabuo, ang kabuuang bilang ng stake ay umabot na sa pito. Ngayon halos may 25,000 Banal sa mga Huling Araw sa Italy.

Pagtatatag ng Simbahan

Si Elder Craig A. Cardon ng Pitumpu ay isa sa libu-libong mga Banal sa mga Huling Araw na natunton ang kanilang ninuno hanggang kay Phillipe Cardon, isang Waldensian convert na nandayuhan sa Utah noong 1854. Nasaksihan ni Elder Cardon ang pagbubukas ng gawain ng Panginoon sa lupain ng kanyang mga ninuno, una bilang missionary sa bagong bukas na Italian Mission noong 1960s at pagkatapos bilang pangulo ng Italy Rome Mission noong 1980s.

Nang tawagin si Elder Cardon bilang mission president noong 1983, lahat maliban sa isa sa mga chapel sa Rome ay mga gusaling inuupahan. Noon may bahagi ang mga miyembro sa pagbabayad ng mga bagong gusali ng Simbahan sa pamamagitan ng mga donasyon. Dahil kailangan ng pondo sa pagtatayo ng ilang gusali, tila imposible na lubos na maibigay ng mga miyembro ang halagang kailangan. Matapos pag-isipan at ipagdasal ang bagay na ito, inanyayahan ang mga miyembrong Italyano na ibigay na lang sa pagtatayo ng gusali ang perang gagamitin nila sa Pasko sa taong iyon. Sa halip na mga regalo, ang mga pamilya ay maglalagay ng isang brick sa ilalim ng kanilang Christmas tree na sagisag ng kanilang sakripisyo.

“Ang nangyari roon ay isang himala,” sabi ni Elder Cardon “Ang kontribusyong naibigay ay higit pa sa kinailangan. Dahil dito at sa patuloy na katapatan ng mga Banal sa pagbabayad ng ikapu, nagbuhos ng maraming espirituwal na pagpapala ang Panginoon sa mission at sa mga Banal sa buong area dahil handa silang gawin ang lahat para maitatag ang Simbahan. Naniniwala ako na ang kanilang katapatan ang pinakamalaking dahilan kung kaya’t patuloy na umunlad ang Simbahan hanggang sa maorganisa ang isang stake at ngayon isang templo ang itinayo sa Roma.”7

Bago tinawag bilang General Authority, bumalik si Elder Cardon sa Italy noong 2005 para daluhan ang paglikha ng Rome Italy Stake. Iyon ay napakagandang karanasan. “Narito ang lakas ng priesthood,” sabi niya, “mga susi ng priesthood, ang pakahulugan ng banal na kasulatan sa isang kanlungan—ang stake—ay naitatag na ngayon sa Roma.”

Templo sa Roma

Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2008, nang ibalita ni Pangulong Thomas S. Monson na isang templo ang itatayo sa Roma, maririnig ang masayang bulungan sa Conference Center. Tuwang-tuwang naghiyawan ang mga kongregasyon ng mga Banal sa Italy na nanonood sa pamamagitan ng satellite. Paggunita ng isang miyembrong babae, “Umuwi kaming parang nakalutang sa hangin, masayang-masaya kami.”

Bakit napakahalaga ng pagtatayo ng templo sa Roma? Maliban sa malaking espirituwal na kahalagahan ng templo, makabuluhan sa mga miyembro ang kasaysayan ng lungsod, sabi ni Elder Cardon: “Ang pamumuno at kapangyarihan nito sa natatanging panahon nito; ang mga mananaliksik, artist, siyentipiko, at imbentor, na maraming inambag sa mundo; at ang pagpapalang dulot ng impluwensya ng relihiyon ng Roma sa pagtulong sa pagpapakilala ng Kristiyanismo sa buong mundo ay bahaging lahat ng kasaysayan ng Rome, na ngayon ay pinaganda ng isang templo ng Panginoon.” Sa groundbreaking ceremony noong 2010, sinabi ni Pangulong Monson, “Tungkol sa templong itatayo sa lugar na ito, ito ang pinakamahalaga sa mga Banal sa mga Huling Araw.”8

Sa loob ng mahigit 40 taon, naglakbay ang mga miyembrong Italyano patungo sa Bern Switzerland Temple, at ang ilan ay naglakbay nang dalawang araw para makarating doon. Naniniwala si Massimo De Feo, dating pangulo ng stake sa Roma at ngayon ay Area Seventy, na ang Rome Temple ay palatandaan na nakikita ng Panginoon ang maraming taon ng paglilingkod at pagsasakripisyo ng mga Banal sa mga Huling Araw at kinikilala ang kanilang malaking hangarin na magkaroon ng templo.

Nang ibalita ang tungkol sa templo, sinabi ni Elder De Feo na ang nadamang katuwaan ay parang tulad ng sa isang istadyum kapag nananalo ang isang koponan sa huling sandali; ang kagalakan ay kahalintulad ng nailalarawan niyang nadama natin sa premortal na buhay nang ibalita ang plano ng kaligtasan. Ang mga Banal ay nagyakapan, nangakangiti, at umiiyak. Iyon ay tunay na kaligayahan.

“Napakasayang paglingkuran ang Panginoon sa mga panahong ito,” sabi ni Elder De Feo, “napakaespesyal para sa Italy, para sa Rome.” Pinatototohanan niya, “Alam ko na lubos na pinagpapala ng Panginoon ang bahaging ito ng Kanyang kaharian.”9

Mga Miyembro sa Italy

1854

66

1965

287

1975

3,929

1985

12,000

1995

17,000

2005

21,791

2013

25,453

Mga Tala

  1. Tingnan sa Ronald A. Malan, “Waldensian History: A Brief Sketch,” Waldensian Families Research, www.waldensian.info/History.htm.

  2. Lorenzo Snow, The Italian Mission (1851), 10–11.

  3. Lorenzo Snow, The Italian Mission, 10–11.

  4. Diane Stokoe, “The Mormon Waldensians” (master’s thesis, Brigham Young University, 1985), 26–27. Para sa halimbawa ng isa sa mga panaginip na iyon, tingnan sa Elizabeth Maki, “‘Suddenly the Thought Came to Me’: Child’s Vision Prepares Her Family for the Gospel,” Hunyo 3, 2013, history.lds.org/article/marie-cardon-italy-conversion.

  5. Lorenzo Snow, The Italian Mission, 15, 17.

  6. Stokoe, “The Mormon Waldensians,” 1–5, 71–84.

  7. Craig A. Cardon, mula sa isang interbyu sa awtor noong Hunyo 2013.

  8. Thomas S. Monson, sa Jason Swenson, “Rome Italy Temple Groundbreaking,” Church News, Okt. 23, 2010, ldschurchnews.com.

  9. “Interview with President Massimo De Feo—Italy—Episode 1,” Into All the World (archived radio program); mormonchannel.org.

Tumutulong ang mga kabataan ng Rome Italy East Stake sa paglilinis at pagpipintura ng isang kanlungan para sa mga walang tirahan.

Pinulong ni Elder Ezra Taft Benson (gitna) ang mga missionary ng bagong tatag na Italian Mission.

Ang meetinghouse ng Catania Ward sa baybayin ng Sicily. Ang Catania Branch ay binuo noong 1967, isang taon matapos maorganisa ang Italian Mission.

Mga larawang kuha ni Massimo Criscione, maliban kung iba ang nakasaad; larawan ng Cinque Terre na kuha ni Daniel John Anderson; larawan ng kabundukan © Corbis

Larawan ng estatwa ni Constantino na kuha ng Tetra images/Thinkstock

Dulong kaliwa: mga larawang kuha nina Massimo Criscione at Kimberly Reid; kanan: Roman columns ng hamai/iStockphoto/Thinkstock