Paghahanap Ko ng Daan Pabalik sa Simbahan
Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.
Sinikap kong hanapin ang mga sagot sa labas ng ebanghelyo, ngunit kahungkagan lamang ang natagpuan ko.
Lumaki ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ngunit sa kolehiyo ipinasiya ko na hindi ko na kailangan ang Simbahan. Sinimulan ko ang mababaw at makasariling paghahanap sa “katotohanan” sa ibang lugar. Nang hindi ko matagpuan ang mga sagot na nagbigay sa akin ng kapayapaan o galak, nahulog ako sa malalim na espirituwal na kadiliman. Pakiramdam ko’y hinding-hindi na ako muling liligaya.
Gayunman, nakikita ko pa na naging mas maligaya ako noong aktibo ako sa Simbahan. Nagsimula akong magbalik sa pagiging aktibo sa Simbahan, sa pag-asang makatagpo ng kaunting paglaya sa kalungkutang pumigil sa buhay ko. Ngunit walang gaanong nagawa ang matamlay na mga pagsisikap ko. Nagtuon ako sa aking pag-aaral, sa pag-asang mapapawi nito ang kahungkagang nadama ko. Pansamantala itong nakatulong, ngunit wala itong naibigay na sagot.
Matapos matisod at matanto na wala akong kapupuntahan, ipinasiya kong tumigil muna sa pag-aaral at maglakbay. Nakapag-ipon ako ng kaunting pera ngunit hindi iyon sapat para tumagal. Bago umalis, ipinasiya kong magkaroon ng tunay na pananampalataya at magbayad ng ikapu mula sa maliit kong ipon. Hindi ito madali. Malalayo ako sa pamilya, at di-magtatagal ay mauubusan ako ng pera. Gayunpaman, umasa ako na may isang Diyos, at alam ko na kakailanganin ko ang Kanyang tulong.
Sumulat ako ng tseke para sa aking ikapu, ipinadala ito sa aking bishop, ibinalot ang aking Aklat ni Mormon, at humayo. Halos agad kong nadama ang pagmamahal ng Espiritu. Namangha akong madama na napalitan ng pag-unawa at magandang pananaw sa hinaharap ang aking pag-aalinlangan at kalungkutan. Mula Idaho hanggang Washington, D.C., tinulungan ako ng mga miyembro ng Simbahan at, ang mas mahalaga, tinulungan nila akong magkaroon ng pananampalataya at mabubuting hangarin. Para akong napaligiran ng pamilya.
Pagkaraan ng maikling panahon, nalaman ko na ititigil ko na ang paglalakbay—hindi dahil sa kawalan ng pera kundi dahil mas magandang paglalakbay ang naghihintay sa akin. Pag-uwi ko, kinausap ko ang aking bishop at stake president. Sa tulong nila, hindi nagtagal ay naglingkod ako sa Panginoon bilang missionary.
Ngayon tuwing magbabayad ako ng ikapu o kakausapin ko ang mga lider ng Simbahan, naaalala ko ang “simula” ng aking tunay na pagbabalik-loob. Simula noon dumanas na ako ng saya at kalungkutan, ngunit nagsikap akong manatiling espirituwal na matatag. Lagi kong pasasalamatan ang pagtanggap ng Ama sa Langit sa munting alay kong pananampalataya at ang pagmamahal Niya sa akin.