Ang Tupa ng Pagpipitagan
“Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo” (Juan 14:27).
Noong ako ay mga pitong taong gulang, gustong tulungan ng Primary president ko ang mga bata na maging mas mapitagan sa aming Primary. Gumawa siya ng malaking bulletin board na korteng tupa. Tuwing mapitagan ang isang bata, naglalagay siya ng korteng-tupang sticker sa bulletin board sa tabi ng pangalan nito. Gusto ko talaga ng isa sa mga korteng-tupang sticker na iyon. Kaya isang araw sa Primary, tahimik akong naupo na nakahalukipkip at nakatitig sa Primary president para mapansin niya na mapitagan ako. Isang mas matangkad na batang lalaki ang naupo sa harapan ko, kaya umusog ako sa silya para makita niya ako.
Pagkatapos, habang nakaupo roon nang mapitagan, nagsimulang tumugtog ang piyanista ng magiliw at mahinang awitin sa Primary. Habang nakikinig ako, napayapa ang damdamin ko, at nagsimulang tumulo ang luha sa aking mga pisngi. Hindi ko alam kung bakit napakasaya at napakapayapa ng pakiramdam ko.
Pagkatapos ng Primary ikinuwento ko sa nanay ko ang aking nadama, at sinabi niya sa akin na Espiritu iyon. Noong araw na iyon, nalaman ko kung ano ang pakiramdam ng mahikayat ng Espiritu. Tuwing kailangan kong gumawa ng mahahalagang desisyon at kailangan ko ng patnubay ng Espiritu, naaalala ko kung gaano ako kapayapa noong araw na iyon, at nalalaman ko kung paano nangungusap sa akin ang Espiritu.