Pagiging Magulang, Mag-unplug
Binigkas ng Tagapagligtas ang limang simpleng salita: “Masdan ang inyong mga musmos.” Tiningnan ng mga Nephita ang kanilang mga anak. At ang sumunod na nangyari ay isa sa mga pinakasagradong kaganapan sa buong banal na kasulatan. (Tingnan sa 3 Nephi 17:23–24.)
Una kong “namasdan” nang lubos ang panganay kong anak na babae noong siya ay bagong silang. Ang kanyang munti, at patuloy na pag-iyak ang gumising sa akin nang bandang hatinggabi, at pasususuhin ko na siya nang mangyari iyon. Idinilat niya ang kanyang mga mata at tumitig nang matagal at magiliw sa aking mga mata. Nang “mamasdan” namin nang lubos ang isa’t isa sa unang pagkakataon, nadama ko ang walang hanggang pagkakabigkis namin.
Ang pag-aaral tungkol sa neurobiology ay nagpapatunay na mahalagang “masdan” ng magulang at anak ang isa’t isa. Ayon sa neurobiologist na si Dr. Allan N. Schore, ang komunikasyon sa pamamagitan ng “pagtingin sa isa’t isa” ay mahalaga sa maayos na pag-unlad ng utak ng sanggol.1 Sa pagdaan ng mga taon, nananatiling mahalaga ang koneksyong ito sa pag-unlad ng isipan, puso, at espiritu ng ating mga anak.
Ang “pagmasdan” ay hindi karaniwan at balewalang pagsulyap. Ito ay paglingap sa isang tao nang buong puso at isipan. Ito ay lubos na pagtutuon ng pansin na nagsasabing, “Nakikita kita. Mahalaga ka sa akin.”
Sa mga magulang ngayon, ang uring ito ng lubos na pagtutuon ng pansin ay kadalasang nangangailangan ng disiplinang mag-unplug, piliing umalis sa harap ng ating mga screen at patayin ang ating mga digital device. Maaaring ang ibig sabihin nito ay paglabanan ang tukso na tingnan ang ating mga text message o mga social media post. Maaaring kasama rito ang maingat na paggawa ng mga patakaran para sa sarili at pamilya sa paggamit ng media, pagtatakda ng mga hangganan na poprotekta sa sagradong oras na ibinibigay natin sa isa’t isa sa ating pamilya sa araw-araw.
Sa pagsisikap na mas lubos at mas madalas na pagtuunan ng pansin ang ating mga anak, mapag-iibayo natin ang pagpapahalaga nila sa kanilang sarili, mapalalakas ang ugnayan natin sa isa’t isa, at lalong masisiyahan sa mga sagradong sandaling iyon kapag nakikita natin ang kalooban ng ating mga anak.