Mormon Ka Ba?
Carol A. Bowes, North Carolina, USA
Malayo ako sa pamilya nang dumalo ako sa isang international conference para sa trabaho ko. Daan-daang tao ang dumalo rito, ngunit mag-isa lang ako mula sa aming estado at rehiyon.
Isang gabi, isang hapunan ang inihanda para sa lahat ng dumalo. Nang pumasok kami sa dining hall, bawat isa sa amin ay tumanggap ng apat na tiket na gagamitin sa bar para makaorder ng libreng alak. Naisip ko kung gaano kadali sa isang tao na malayo sa tahanan ang matukso sa gayong pagkakataon, iniisip na walang ibang makakaalam. Sumagi lang iyon sa isip ko, at ibinalik ang mga tiket sa tao na nasa pinto.
Sa hapunan naupo ako kasama ang pitong taong hindi ko kilala. Uminom ako ng tubig habang kumakain kami, nagtatawanan, at nagpapalitan ng impormasyon na makakatulong sa aming trabaho.
Kinabukasan sa almusal binati ko ang isang ginoo na kasama ko sa mesa. Natuwa ako nang mapansin ko sa kanyang name tag na mula siya sa bayang kinalakhan ko—isang bayan na hindi ko na natirhan sa loob ng 35 taon. Pagkatapos ng high school nilisan ko ang bayang iyon para mag-aral sa kolehiyo, nag-asawa, at lumipat ng tirahan.
Habang pinag-uusapan namin ang mga lugar at mga kaganapan na pareho naming alam, tinanong niya ako kung may pamilya pa ako roon. Sumagot ako na wala na akong pamilya roon pero marami akong mabubuting kaibigan doon at may komunikasyon pa kami. Tinanong niya kung sino sila, at sinabi ko ang pangalan ng ilan sa kanila.
Matapos kong banggitin ang ilang pangalan pinatigil niya ako at sinabing, “Teka, Mormon ka ba? Lahat ng taong binanggit mo ay mga Mormon.”
Nang aminin ko na ako ay isang Banal sa mga Huling Araw, sinabi niya sa akin kung gaano kababait na mamamayan ang mga kaibigan kong iyon at kung paano sila naglingkod sa komunidad at naging mabubuting halimbawa sa lahat. Ilang minuto niyang ibinahagi ang kanyang paghanga sa Simbahan at sa aking mga kaibigan, at ikinuwento sa akin kung gaano nila tinutulungan ang komunidad para mapabuti ito.
Nang maghiwalay kami, hindi ko maiwasang isipin kung ano kaya ang nangyari kung ginamit ko ang mga tiket na iyon sa alak. Naturuan akong piliin ang tama ng mismong mga taong iyon na pinag-usapan namin. Maaasiwa at mahihiya siguro akong aminin na miyembro ako ng Simbahan kung ginamit ko ang mga tiket na iyon.
Lubos akong nagpapasalamat sa halimbawa ng marapat, aktibo, at matulunging mga kaibigang iyon—35 taon na ang nakararaan at 2,000 milya (3,220 km) ang layo mula sa bayang kinalakhan ko.