Mensahe sa Visiting Teaching
Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Maglingkod
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa buhay at misyon ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
Sa paglilingkod natin sa iba, nagiging tunay tayong mga disipulo ni Jesucristo, na nagpakita sa atin ng halimbawa. Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Napaliligiran tayo ng mga taong nangangailangan. … Tayo ang mga kamay ng Panginoon dito sa lupa, na inutusang maglingkod at tulungan ang Kanyang mga anak.”1
Itinuro ni Linda K. Burton, Relief Society general president: “Kung palaging ginagawa, bawat isa sa atin ay magiging higit na katulad ng Tagapagligtas kapag pinaglingkuran natin ang mga anak ng Diyos. Upang matulungan tayo na lalo pang [paglingkuran] ang isa’t isa, gusto kong magmungkahi ng anim na salita na aalalahanin: ‘Magmasid muna at pagkatapos ay maglingkod.’ … Kapag ginawa natin ito, tinutupad natin ang ating mga tipan, at ang ating paglilingkod, tulad ng kay Pangulong Monson, ay magpapakita ng ating pagiging disipulo.”2
Maipagdarasal natin tuwing umaga na makita ang mga pagkakataong mapaglingkuran ang iba. “Gagabayan kayo ng Ama sa Langit, at tutulungan kayo ng mga anghel,” sabi ni David L. Beck, Young Men general president. “Bibigyan kayo ng kapangyarihang magpala ng mga buhay at sumagip ng mga kaluluwa.”3
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Mula sa Ating Kasaysayan
Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1856, ibinalita ni Pangulong Brigham Young (1801–77) na ang mga handcart pioneer ay tumatawid pa sa kapatagan at bawat isa ay dapat tumulong na magtipon kaagad ng mga suplay para sa kanila. Isinulat ni Lucy Meserve Smith na ang kababaihan ay “naghubad ng kanilang mga petticoat [mga pang-ilalim sa palda], stocking, at bawat bagay na maibibigay nila, doon mismo sa Tabernacle, at ikinarga [ang mga ito] sa mga bagon.”
Nang magsimulang dumating sa Salt Lake City ang mga nailigtas na pioneer, isinulat ni Lucy, “Hindi pa ako kailanman higit na … natuwa sa anumang pagsisikap na ginawa ko sa aking buhay, gayon ang nanaig na damdamin ng pagkakaisa. Ang kailangan ko lang gawin ay magpunta sa tindahan at sabihin kung ano ang aking kailangan; kung tela man iyon, sinusukat at pinuputol iyon at ibinibigay nang libre.”4
Ganito ang sabi ni Pangulong George Albert Smith (1870–1951) tungkol sa paglilingkod sa iba: “Ang ating kaligayahan sa walang-hanggan ay ibabatay sa paraan ng pag-uukol natin ng ating sarili sa pagtulong sa iba.”5