Pagpapakita ng Talento sa Musika sa Uganda
Kumumpas sa pagkanta sa harap ng lahat? Kaya ni George iyan.
Bibihirang bata ang may tungkulin sa Simbahan bago sila makatapos sa Primary. Pero si George N.na mula sa Uganda ay limang taong gulang lang nang tawagin siyang maging chorister sa branch nila.
Ang chorister ang taong tumatayo sa harap ng lahat tuwing sacrament meeting para kumumpas sa pagkanta. Mahalagang tungkulin ito!
“Kabadung-kabado ako dati noong bata-bata pa ako,” sabi ni George. Magkagayunman ay ginawa niya palagi ang kanyang makakaya. Lalo siyang humusay sa bawat linggo. Di-nagtagal may kumpiyansa na siyang kumumpas sa pagkanta.
Masayang ginagampanan ni George ang kanyang tungkulin. “Masaya ako,” sabi niya. “Ramdam ko ang Espiritu sa loob ng silid.”
Malaking bahagi ng buhay ni George ang musika. Tumutugtog din siya ng piyano at gitara. Siyempre, nakakatulong na nagmula si George isang pamilyang mahilig sa musika. Mahilig silang kumantang lahat nang sama-sama—si George, ang kanyang mga magulang, ang anim na kapatid niyang babae, at ang kaisa-isa niyang kapatid na lalaki. Mula sa panganay hanggang sa bunso ang mga pangalan nila ay Rosillah, Mirriam, Nancy, Ashley, George, Chayene, Onidah, at Gideon. Ang paboritong kantahin ng kanilang pamilya ay “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6).
Ngayong 12 anyos na si George, abala siya sa bahagi ng sacrament meeting na tumutulong siya sa pagpapasa ng sakramento. Ang kanyang nakababatang kapatid na si Gideon, edad 5, ay tumutulong din sa pagkumpas sa pagkanta paminsan-minsan. Itinuro ni George kay Gideon kung paano.
Masayang nakangiti ang magkapatid kapag kumukumpas sila sa pagkanta. Alam nila na tumutulong silang maipadama ang Espiritu sa pulong.