Ang Sulat na Iniwan Ko sa Puntod
Marianne Chaplin Stovall, California, USA
Noong tag-init ng 2003, ako ay nasa Michigan, USA, nagsasaliksik tungkol sa aking ninunong tiyo na si Robert Hall. Sa pagtatapos ng aking biyahe, muli akong dumalaw sa sementeryong napuntahan ko 20 taon na ang nakararaan.
Nang dumalaw ako noon sa sementeryo, napansin ko ang mga bulaklak sa isa sa mga puntod na ang apelyido ay Hall. Sa pagkakataong ito gumawa ako ng maikling sulat, nilagyan ito ng petsa, at ni-laminate para maproteksyunan mula sa klima. Pagkatapos ay mapanalanging iniwan ang sulat sa puntod, umaasang makikita ito ng taong makakatulong sa akin na malaman pa ang tungkol kay Robert Hall. Umuwi na ako sa California umaasa pero hindi gaanong kumbinsido na magkakaroon ng resulta ang sulat na iyon.
Makalipas ang isang linggo nakatanggap ako ng sulat mula sa isang malayong pinsan na nagngangalang Deke Bentley.
“Kahapon kakatwa ang naranasan ko,” ang isinulat niya. “Bandang alas-3 n.h. lumabas ako para bumili ng mga strawberry nang magpasiya akong dumaan sa Plains Road Cemetery para dalawin ang mga puntod ng aking mga ninuno. Ilang taon na akong hindi pumupunta roon. Nasa tabi ng mga puntod ang iyong postcard.”
Nagpunta si Deke sa sementeryo nang araw ring iyon na nag-iwan ako ng sulat. Agad ko siyang tinawagan. Sa pag-uusap namin nalaman ko na nakatira siya sa Hillsdale, mahigit 50 milya (80 km) mula sa sementeryo.
Pagkaraan ng ilang buwan sabik akong bumalik sa Michigan para bisitahin si Deke. Sinabi niya sa akin na may mga kamag-anak siya na nakalibing sa sementeryo sa kabilang kalsada sa tapat ng kanyang bahay, at tinanong kung gusto kong pumunta roon. Sinabi niya sa akin na may apat na puntod ng mga Hall sa sementeryong iyon, at wala siyang alam tungkol sa dalawa rito.
Sa sementeryo, ipinakita sa akin ni Deke ang mga puntod. Ang dalawang hindi niya kilala ay kina Martin at Anna Hall. Hindi ko dala ang mga rekord ko, pero natatandaan ko na may nasaliksik ako na Martin Hall.
Nagpunta kami sa county courthouse isang oras bago ito magsara, umaasang matutukoy sa death record ang mga magulang ni Martin. At natukoy nga! Ang ama ni Martin ay si Robert Hall! Tiniyak sa akin ng Espiritu Santo na ang matagal ko nang paghahanap ay natapos na.
Si Deke, na hindi miyembro ng Simbahan, ay nagsabing ang pagkahanap kay Robert Hall ay tila “halos espirituwal.” Ngumiti ako, nalalamang inakay ako ng Espiritu.
“Maaaring manghinayang ka na hindi ka nag-iwan ng sulat 20 na ang nakararaaan,” sabi ni Deke, “pero sa totoo lang tatlong taon pa lang akong naninirahan sa Hillsdale!”
Ang karanasang ito ay aral sa akin na ang family history ay talagang bahagi ng gawain ng Diyos at aakayin Niya tayo sa ating mabubuting gawa.