2014
Pagagalingin Ba ng Panginoon ang Aming Anak?
Hunyo 2014


Pagagalingin Ba ng Panginoon ang Aming Anak?

Ana Cremaschi Zañartu, Santiago, Chile

Noong apat na taong gulang ang aming anak, madalas niyang ipakanta sa akin ang “Guro, Bagyo’y Nagngangalit” (Mga Himno, blg. 60). Nagniningning ang kanyang maliliit na mata kapag koro na kung saan nag-uutos ang Panginoon na pumayapa ang hangin at alon. Tatanungin niya ako tungkol sa kapangyarihan ni Jesus. Sasagot ako na magagawa ni Jesus ang lahat sa kabutihan dahil taglay Niya ang lahat ng kapangyarihan. Ang Tagapagligtas ang idolo ng aming anak.

Ngunit noong 13 taong gulang ang aming anak, nagkaroon siya ng matinding depresyon. Ayaw na niyang magsalita o kumain. Nawalan siya ng interes sa mga dati niyang ginagawa, at lalong ayaw niyang sumali sa mga pagdarasal ng pamilya o family home evening. Parang nawalan na siya ng interes sa simbahan o sa ebanghelyo.

Nanalangin at nag-ayuno nang madalas ang aming pamilya para sa kanya, gaya rin ng mga miyembro mula sa aming ward at stake at marami sa aming mga kaibigan at kaanak. Ang aming pagsisikap ay parang tulad ng naranasan ni Nakatatandang Alma sa pagdarasal para sa kanyang anak (tingnan sa Mosias 27:14, 22–23).

Ayaw naming ipilit ang ebanghelyo sa aming anak, kaya sinabi namin sa kanya na hindi niya kailangang makibahagi sa pagdarasal ng aming pamilya o sa family home evening pero gusto naming naroon siya na kasama namin. Nang sundin namin ang mga salita ng Tagapagligtas na “manalangin kayo sa inyong mag-anak sa Ama … nang ang inyong … mga anak ay pagpalain” (3 Nephi 18:21), ang mga panalangin ng aming pamilya at mga family home evening ay lalong naging mas mabisa. Nadama namin ang Espiritu sa aming tahanan. At bagama’t walang imik ang aming anak, naroon siya.

Unti-unti nang sumunod na dalawang taon, nakita namin na nagkaroon ng impluwensya ang aming mga panalangin at family home evening. Sa isang family home evening, nagpatotoo siya tungkol sa Tagapagligtas at itinanong niya kung maaari siyang maghanda ng isang family home evening. Nagsimula siyang makibahagi sa mga panalangin ng pamilya at masayang nagsisimba. Nakaranas siya ng malaking pagbabago ng puso nang madama niya ang mapagtubos na pag-ibig ng Tagapagligtas (tingnan sa Alma 5:26). Ang Panginoon, taglay ang Kanyang kapangyarihang magpagaling, ay tunay na iniligtas ang aming anak.

Muli siyang naging masaya at masigla, at handang tumulong sa iba at magpakita ng pagmamahal. Sinabi niya sa akin na alam niya na pinagaling siya ng Tagapagligtas. Ang mga pagsubok sa aming anak ay nakatulong sa kanya na magkaroon ng malakas na patotoo at ibayong pagmamahal at pagtitiwala sa Tagapagligtas. Siya ay naglingkod sa Panginoon bilang missionary sa Argentina Buenos Aires South Mission. Pagkatapos niyang makabalik mula sa mission nagpakasal siya sa templo, at silang mag-asawa ay nagkaroon ng magandang anak na babae.

Alam ko na ang Tagapagligtas ay may kapangyarihang magpagaling, gumawa ng mga himala, at pasayahin tayo sa buhay na ito at sa buhay na darating.