2014
Ang Panawagang Maging Katulad ni Cristo
Hunyo 2014


Ang Panawagang Maging Katulad ni Cristo

Mula sa mensaheng “Israel, Diyos ay Tumatawag,” sa CES devotional na ibinigay sa Dixie State University sa St. George, Utah, noong Setyembre 9, 2012. Para sa buong mensahe, pumunta sa lds.org/broadcasts.

Elder Jeffrey R. Holland

Tinatawag ng Diyos ang Israel sa mga huling araw na ito na maging higit na katulad ni Cristo, at maging mas banal kaysa ngayon sa determinasyon nating ipamuhay ang ebanghelyo at itatag ang Sion.

Sa kasaysayan ng Israel sa paglipas ng panahon, kapag masyado nang makasalanan o labis na ang kamunduhan sa lipunan o ang buhay kasama ng mga Gentil ay sumisira na sa kagandahang-asal at mga kautusang ibinigay ng Diyos, ang mga anak ng tipan ay pinapupunta sa ilang upang magsimulang muli at itatag muli ang Sion.

Noong panahon ng Lumang Tipan, si Abraham, ang ama ng tipan, ay kailangang iligtas ang kanyang buhay mula sa mga Caldeo—ang Babilonia mismo—sa kagustuhang ilaan ang kanyang buhay sa Canaan, na tinatawag natin ngayon na Banal na Lupain (tingnan sa Abraham 2:3–4). Ngunit ilang henerasyon lamang ang lumipas nang ang mga inapo ni Abraham ay nawalan ng kanilang Sion at naalipin sa malayong bayan ng paganong Egipto (tingnan sa Exodo 1:7–14). Kaya’t si Moises ay kinailangan upang akayin ang mga anak ng pangako pabalik sa ilang.

Pagkaraan lamang ng ilang siglo, isang espesyal na kuwento ang nagsimula nang ang isa sa mga pamilyang Israelita na iyon, na pinamunuan ng isang propetang nagngangalang Lehi, ay inutusang lisanin ang Jerusalem dahil, minsan pa, nariyan na naman ang Babilonia! (Tingnan sa 1 Nephi 2:2.) Hindi nila alam na pupunta sila sa isang bagong kontinente at magtatatag ng isang bagong Sion (tingnan sa 1 Nephi 18:22–24). At hindi nila alam na ang gayong paglalakbay ay nangyari na sa isang grupo ng kanilang mga ninuno na tinawag na mga Jaredita (tingnan sa Eter 6:5–13).

Dapat malaman ng lahat ng nagdiriwang ng Panunumbalik ng ebanghelyo na ang kolonisasyon ng Amerika ay sinimulan ng isang grupong umalis sa kanilang lupang sinilangan upang makasamba ayon sa kanilang kagustuhan. Isang bantog na iskolar ng mga Puritan na nandayuhan sa Amerika ang naglarawan sa karanasang ito bilang “misyon ng Kristiyanismo sa ilang,”—ang pagsisikap ng makabagong mga Israelita na mapalaya ang kanilang sarili sa kawalan ng paniniwala sa Diyos ng Lumang Daigdig at minsan pang hanapin ang landas ng langit sa isang bagong lupain.1

Ipaaalala ko sa inyo ang tungkol sa isang huling pagtakas. Ito’y ang ating Simbahan mismo, na pinamunuan ng ating sariling mga propeta, na namuno sa ating mga ninunong relihiyoso. Sa kalupitang dinanas ni Joseph Smith sa mga estado ng New York, Pennsylvania, Ohio, at Missouri, at sa huli ay pinaslang sa Illinois, nakikita nating muli ang paghahanap ng mga anak ni Israel ng tahimik na lugar sa mga huling araw. Si Pangulong Brigham Young (1801–77), ang Moises ng Amerika, na buong paghangang itinatawag sa kanya, ang namuno sa mga Banal papunta sa mga lambak ng mga bundok habang kinakanta ng pagod na mga Banal ang:

Makikita, lugar na nilaan,

Doon sa Kanluran.

Do’n kung saan may kapayapaan,

Biyaya at yaman.2

Sion. Ang lupang pangako. Ang Bagong Jerusalem. Sa loob ng mahigit 4,000 taon ng kasaysayan ng pakikipagtipan, ganito ang paulit-ulit na nangyari: Tumakas at hanapin. Tumakbo at manirahan. Takasan ang Babilonia. Itayo ang mga pader ng Sion na magpoprotekta.

Hanggang dito, sa ating panahon.

Itayo ang Sion Saanman Kayo Naroon

Isa sa maraming kakaibang katangian ng ating dispensasyon ay ang iba-ibang paraan kung paano natin itinatayo ang kaharian ng Diyos sa lupa. Ang dispensasyong ito ay panahon ng malalaki at mabibilis na pagbabago. At ang isang bagay na nagbago ay hindi na muling tatakas ang Simbahan ng Diyos. Hindi na nito muling lilisanin ang Ur para lisanin ang Haran para lisanin ang Canaan para lisanin ang Jerusalem para lisanin ang England para lisanin ang Kirtland para lisanin ang Nauvoo para pumunta sa kung saan.

Hindi na, gaya ng sinabi ni Brigham Young sa ating lahat, “Tayo ay hinango mula sa kahirapan tungo sa kamatayan, hinango sa kamatayan tungo sa kawalan, at tayo’y naririto at mamamalagi rito.”3

Mangyari pa, ang pahayag na iyon ay naging pahayag ng mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo. Sa mga huling araw na ito, sa ating dispensasyon, naging sapat na ang pag-unlad natin para tumigil na sa pagtakbo. Naging sapat na ang pag-unlad natin para maging matatag tayo at ang ating mga pamilya at ang ating pundasyon sa bawat bansa, lahi, wika, at mga tao nang permanente. Ang Sion ay matatagpuan sa lahat ng dako—saanman naroon ang Simbahan. At sa pagbabagong iyan, hindi na natin iniisip ang Sion bilang lugar kung saan tayo maninirahan kundi kung paano tayo maninirahan.

Para maipaliwanag ang bagong gawaing ito, tatalakayin ko ang tatlong pangyayari.

Tatlong Pangyayari at Tatlong Aral

1. Ilang taon na ang nakararaan isang batang kaibigan ko—na returned missionary—ang napabilang sa isa sa mga college basketball team sa Utah. Siya ay napakagaling na binata at napakahusay maglaro, pero hindi siya gaanong nakapaglaro gaya ng kanyang inasahan. Ang angkin niyang mga talento at kahusayan ay hindi ang mismong kailangan ng kanyang team sa panahong iyon ng kanilang pag-unlad. Nangyayari ito sa paglalaro. Kaya’t sa buong suporta at panghihikayat ng kanyang mga coach at kasamahan sa team, ang batang kaibigan ko ay lumipat sa ibang paaralan, kung saan umasa siyang mas makapag-aambag pa siya.

Naging maayos naman siya sa bagong paaralan, at di-nagtagal nagsimula nang maglaro ang kaibigan ko. At alam ba ninyo—dahil sa iskedyul ng team, ang binatang ito ay bumalik para maglaro laban sa kanyang dating team sa Salt Lake City.

Ang matinding pagmamalupit ng mga manonood nang gabing iyon sa binatang ito—bagong kasal na nagbabayad ng kanyang ikapu, naglilingkod sa elder’s quorum, nagkakawanggawa sa kabataan sa kanyang komunidad, at sabik na naghihintay sa pagsilang ng kanilang sanggol—ay hindi dapat danasin ng sinumang nilalang saanman, kailanman, anuman ang kanyang isport o unibersidad, o anuman ang kanyang personal na desisyon tungkol sa mga ito.

Ang coach ng bumisitang team na ito, na bantog sa kanyang larangan, ay bumaling sa kanya pagkatapos ng napakagandang laro at nagsabing: “Ano’ng nangyayari? Tagarito ka at naging matagumpay ka. Mga kababayan mo sila. Mga kaibigan mo sila.” At ang pinakamatindi sa lahat, sinabi niya nang buong pagtataka, “Di ba’t karamihan sa mga taong ito ay mga miyembro ng iyong Simbahan?”

2. Inimbita akong magsalita sa isang stake single-adult devotional. Pagpasok ko sa pinto sa likod ng stake center, isang mga 30-anyos na dalaga ang halos kasabay kong pumasok. Kahit napakarami ng mga pumapasok sa chapel, mahirap na hindi siya mapansin. May ilang tattoo siya, may iba’t ibang hikaw sa tainga at ilong, naka-spike ang buhok na may iba’t ibang kulay, suot ang napakaikling palda, at blusang napakalalim ng tabas sa dibdib.

May ilang tanong na pumasok sa isipan ko: Ang babae bang ito ay puno ng problema at hindi miyembro ng ating Simbahan, na inakay—o kaya naman ay isinama ng isang tao—sa debosyonal na ito ayon sa patnubay ng Panginoon upang tulungan siyang mahanap ang kapayapaan at patnubay ng ebanghelyo na kailangan niya sa kanyang buhay? O miyembro kaya siya na medyo nawalan ng pag-asa at nalihis sa mga pamantayang ipinapayo ng Simbahan na sundin ng mga miyembro nito ngunit nakikihalubilo pa rin siya at piniling dumalo sa aktibidad na ito ng Simbahan nang gabing iyon?

3. Habang nasa paglalaan ng Kansas City Missouri Temple, kami ni Sister Holland ay nakituloy sa tahanan ni Brother Isaac Freestone, isang police officer at high priest sa Liberty Missouri Stake. Sa pag-uusap namin ay naikuwento niya na isang gabi ay tinawag siya para imbestigahan ang isang reklamo sa mapanganib na bahagi ng lungsod. Sa gitna ng malakas na tunog ng musika at amoy ng marijuana sa paligid, natagpuan niya ang isang babae at ilang lalaki na nag-iinuman at nagmumurahan, at lahat sila ay halatang walang pakialam sa limang maliliit na bata—mga edad dalawa hanggang walong taon—na nagsisiksikan sa isang silid, pinipilit na matulog sa maruming sahig na walang higaan, walang kutson, walang unan, walang kahit ano.

Binuksan ni Brother Freestone ang mga kabinet sa kusina at refrigerator para tingnan kung may kahit isang lata o kahon ng kahit anong pagkain—pero wala siyang makita. Sinabi niya na ang asong tumatahol sa bakuran ay may mas marami pang pagkain kaysa sa mga batang iyon.

Sa silid ng ina ay nakakita siya ng kutson na walang sapin, nag-iisa ito sa buong kabahayan. Naghanap pa siya hanggang sa makakita siya ng ilang kubrekama, isinuot ito sa kutson, at doon pinahiga ang limang bata. At, habang naluluha, siya ay lumuhod, nag-alay ng panalangin sa Ama sa Langit na pangalagaan sila, at nagpaalam na.

Nang tumayo siya at naglakad papunta sa pinto, isa sa mga bata ang biglang bumangon, tumakbo sa kanya, hinawakan ang kanyang kamay, at nakiusap na, “Puwede n’yo po ba akong ampunin?” Lalong napaluha, ibinalik ni Brother Freestone sa higaan ang bata, nakita ang bangag na ina (nakaalis na ang kalalakihan) at sinabi dito: “Babalik ako bukas, at sana makakita ako ng ilang pagbabago sa bahay na ito pagpasok ko sa pintong ito. At marami pang magbabago pagkatapos noon. Pangako iyan.”4

Ano ba ang magkakapareho sa tatlong pangyayaring ito? Ang mga ito ay tatlong maliliit, magkakaiba, na tunay na halimbawa ng Babilonia—ang isa ay kahangalan ng napakasamang pag-uugali sa isang laro ng basketbol, ang isa ay mas ukol sa kultura at nagsasaad ng hamon na kinakaharap ng mga taong kaiba sa atin ang pamumuhay, at ang isa naman ay napakalaki at napakabigat na problema.

Aral 1: Huwag Kailanman Iwan sa Pintuan ang Inyong Relihiyon

Una, tapusin muna natin ang nangyari sa basketbol. Kinabukasan pagkatapos ng laro, nang may reaksyon na ang publiko at nanawagan ng paghingi ng paumanhin sa nangyari, ganito ang sabi ng isang binata: “Makinig kayo. Ang pinag-uusapan dito’y basketbol, hindi Sunday School. Kung ayaw ninyong makantiyawan ng mga manonood, huwag kayong maglaro. Mahal ang ibinayad namin para mapanood ang mga larong ito. Puwede naming gawin ang gusto namin. Iniiwan namin sa pintuan ang aming relihiyon.”

“Iniiwan namin sa pintuan ang aming relihiyon?” Unang aral sa pagtatatag ng Sion sa ika-21 siglo: Kailanman ay huwag ninyong iwan sa pinto ang inyong relihiyon.

Ang ganyang uri ng pagkadisipulo ay hindi maaari—hindi ito pagiging disipulo kailanman. Gaya ng itinuro ni propetang Alma, tayo ay “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan [tayo] ay maaaring naroroon,” (Mosias 18:9)—hindi kung minsan lamang, sa ilang lugar, o kapag nananalo ang ating team.

Anuman ang sitwasyon o kagalit-galit na bagay o problema, walang tunay na disipulo ni Cristo ang mag-iiwan ng kanyang relihiyon sa pinto.

Aral 2: Magpakita ng Awa, Ngunit Maging Tapat sa mga Kautusan

Dahil diyan naisip ko ang dalaga sa debosyonal. Ano man ang maging reaksyon ng sinuman sa kanya, ang tuntunin magpakailanman ay kailangang makita ang ating paniniwala sa relihiyon at katapatan sa ebanghelyo sa ating kilos. Ibig sabihin, anuman ang ating reaksyon sa alinmang sitwasyon dapat makabuti ito, hindi lalong magpasama. Hindi tayo maaaring kumilos sa paraan na mas malaki pa ang nagawa nating kasalanan, sa sitwasyong ito, kaysa sa kanya.

Hindi ibig sabihin nito na wala tayong mga opinyon, wala tayong mga pamantayan, o sa anumang kaparaanan ay lubos na binabalewala natin ang mga iniutos na “dapat gawin” at “hindi dapat gawin.” Kundi ang ibig sabihin nito ay dapat nating ipamuhay ang mga pamantayang iyon at ipagtanggol ang mga kautusang iyon sa mabuting paraan sa abot ng makakaya natin, sa paraang ipinamuhay at ipinagtanggol ito ng Tagapagligtas. At ginawa Niya sa tuwina ang dapat gawin para mapabuti ang sitwasyon—mula sa pagtuturo ng katotohanan hanggang sa pagpapatawad sa mga makasalanan hanggang sa paglilinis ng templo.

Kaya hinggil sa babaing kakaiba, simulan natin sa pag-alaala na siya ay anak ng Diyos at walang-hanggan ang kanyang kahalagahan. Simulan natin sa pag-alaala na siya ay anak ng isang tao. Simulan natin sa pasasalamat na dumalo siya sa aktibidad ng Simbahan, at hindi umiiwas kanino man. Sa madaling salita, sinisikap nating gawin ang pinakamainam sa ganitong sitwasyon sa hangaring tulungan siyang gawin ang pinakamainam.

Patuloy nating tahimik na ipanalangin: Ano ba ang tamang gawin dito? Ano ang tamang sabihin? At sa huli ano ba ang magpapabuti sa sitwasyong ito at sa kanya? Ang ganitong mga pagtatanong at talagang pagsisikap na gawin ang gagawin ng Tagapagligtas ang sa palagay ko ay ibig Niyang sabihin sa, “Huwag kayong magsihatol ayon sa anyo, kundi magsihatol kayo nang matuwid na paghatol” (Juan 7:24).

Hindi kailanman babaguhin ng Simbahang ito ang doktrina nito para lamang umangkop sa lipunan o maging katanggap-tanggap ito. Tanging ang seguridad ng inihayag na katotohanan ang naglalagay sa atin sa katayuan na kung saan maiaangat natin ang isang taong nababagabag o pinabayaan. Ang ating pagkahabag at pagmamahal—na mahahalagang katangian ng ating pagiging Kristiyano—ay hindi kailanman dapat ituring na pagkompromiso sa mga kautusan.

Kapag nahaharap tayo sa gayong mga situwasyon, maaaring napakahirap nito at nakalilito. Maaaring magtanong ang mga kabataan, “Hindi nga tayo naniniwala na ganoon dapat ang maging pamumuhay o ikilos natin, pero bakit kailangan nating sabihin sa ibang tao na gayon din ang gawin? Hindi ba’t may kalayaan silang pumili? Hindi ba tayo nagiging mapagmagaling at mapanghusga, na ipinipilit ang pinaniniwalaan natin sa iba, na hinihiling na kumilos sila sa gayong paraan?”

Sa gayong mga sitwasyon kailangan ninyong ipaliwanag nang buong ingat kung bakit ang ilang prinsipyo ay ipinagtatanggol at ang ilang kasalanan ay tinututulan saanman matagpuan ang mga ito dahil ang mga isyu at batas ukol dito ay hindi lamang hanggang lipunan o pulitika ang epekto kundi walang-hanggan. At bagama’t hindi natin nais saktan ang kalooban ng mga taong iba ang paniniwala sa atin, mas ayaw nating saktan ang kalooban ng Diyos.

Para bang sinasabi ng isang kabataan na, “Ngayong puwede na akong magmaneho, alam kong dapat akong tumigil sa pulang ilaw, pero dapat ba tayong manghusga at patigilin ang lahat sa mga pulang ilaw? Kailangan bang gawin ng lahat ang mga ginagawa natin? Di ba’t malayang pumili ang ibang tao? Kailangan bang tulad ng sa atin ang kilos nila?” Sa gayon ay dapat ninyong ipaliwanag kung bakit, oo, umaasa tayo na lahat ay titigil sa pulang ilaw. At dapat ninyong gawin ito nang hindi minamaliit ang mga taong nagkakasala o kaiba ang paniniwala sa atin dahil, oo, mayroon nga silang kalayaang moral.

Maraming iba’t ibang paniniwala sa mundong ito, at may kalayaang moral para sa lahat, ngunit hindi malaya ang sinuman na kumilos na para bang pipi ang Diyos sa mga bagay na ito o na parang mahalaga lang ang mga kautusan kung nagkakasundo ang publiko ukol sa mga ito. Sa ika-21 siglo hindi na tayo makatatakas pa. Kailangan nating ipaglaban ang mga batas at kalagayan at kapaligiran na nagtutulot ng kalayaan sa relihiyon at ang karapatan natin dito. Isang paraan iyan na maaari tayong mamuhay sa Babilonia ngunit hindi maka-Babilonia.

Wala akong alam na mas mahalagang kakayahan at integridad na dapat ipakita sa isang mundo na hindi natin matakasan maliban sa maingat na pagtahak sa landas na iyon—paninindigan sa moralidad na naaayon sa ipinahayag ng Diyos at sa mga batas na ibinigay Niya ngunit gawin ito nang may pagkahabag, pang-unawa at malaking pagmamahal sa kapwa.

Aral 3: Gamitin ang mga Pinahahalagahan ng Ebanghelyo para sa Kapakanan ng mga Komunidad at Bansa

Ilan lang sa atin ang maaaring maging pulis o mga social service agent o hukom na uupo sa korte, ngunit tayong lahat ay dapat magmalasakit para sa kapakanan ng iba at sa kaligtasan ng moralidad ng ating komunidad. Hinggil sa pangangailangan na impluwensyahan natin ang lipunan bukod sa ating sariling tahanan, sinabi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Bukod sa pagprotekta sa ating mga pamilya, dapat tayong pagmulan ng liwanag sa pagprotekta sa ating mga komunidad. Sinabi ng Tagapagligtas, ‘Hayaan na ang inyong ilaw ay magliwanag sa harapan ng mga taong ito, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.’ …

“Sa tumitinding kasamaan sa ating mundo, mahalagang gawing bahagi ng pampublikong diskurso ang mga pinahahalagahang batay sa paniniwala sa relihiyon. …

“Ang pananampalataya sa [Diyos] ay pinagmumulan ng liwanag, kaalaman, at karunungan at kapaki-pakinabang sa lipunan sa malaking paraan.”5

Kung hindi natin dadalhin ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa ating mga komunidad at ating bansa, hindi tayo kailanman magkakaroon ng sapat na bilang ng kapulisan—hindi magkakaroon ng mga Isaac Freestone—na magpapatupad ng mabuting pag-uugali kahit maaaring ipatupad ito. At hindi ito nangyayari. Ang mga bata sa tahanang iyon na walang pagkain o kasuotan ay mga anak ng Diyos. Ang inang iyon, na mas malaki ang pananagutan dahil mas matanda siya at dapat ay mas responsable siya, ay anak din ng Diyos. Sa gayong mga situwasyon maaaring kailangan ang mapagkastigong pagmamahal sa pormal, at legal na paraan, ngunit kailangan nating sikaping tumulong hangga’t maaari dahil hindi natin iniiwan sa pinto ang ating relihiyon, kahit na iresponsable ang ilang tahanan.

Hindi, hindi natin magagawa ang lahat, ngunit may magagawa tayo kahit paano. At bilang sagot sa panawagan ng Diyos, ang mga anak ni Israel ang gagawa nito—hindi para takasan ang Babilonia ngayon kundi para salakayin ito. Nang hindi nagiging inosenteng gaya ng isang bata, maipamumuhay natin ang ating relihiyon sa maraming paraan at nang buong katapatan at magkakaroon tayo ng mga pagkakataon na tulungan ang mga pamilya, pagpalain ang ating kapwa, at pangalagaan ang iba, pati na ang susunod na henerasyon.

Ipakita ang Inyong Pagmamahal kay Jesucristo

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay tinatawagan na maging lebadura sa tinapay, asin na hindi tumatabang, ilaw sa ibabaw ng bundok na hindi inilalagay sa ilalim ng takalan. Kaya’t simulan na ang pagtuturo!

Kung tama ang ginagawa at sinasabi natin at bukas-palad na tumutulong sa ating mga salita at gawa, at kapag minadali ng Tagapagligtas ang Kanyang gawa sa kabutihan, sabihin nating wala nang panahon sa huling dispensasyong ito, at narito na ang Kanyang kaluwalhatian, matatagpuan Niya tayo na ginagawa ang lahat sa abot ng ating makakaya, sinisikap na ipamuhay ang ebanghelyo, pinagbubuti ang ating buhay at ating Simbahan at ating lipunan sa pinakamainam na paraan.

Kapag dumating Siya, gustung-gusto ko na abutan Niya akong ipinamumuhay ang ebanghelyo. Gusto kong masorpresa mismo sa aktong ipinalalaganap ko ang pananampalataya at gumagawa nang mabuti. Gusto kong sabihin sa akin ng Tagapagligtas: “Jeffrey, nakikilala kita hindi dahil sa katungkulan mo kundi sa iyong pamumuhay, sa paraan ng iyong pamumuhay, at sa mga pamantayang sinisikap mong ipagtanggol. Nakikita ko ang katapatan ng iyong puso. Alam kong sinikap mong pagbutihin ang mga bagay sa pagiging mabuti mo mismo at sa pagpapahayag ng aking salita at pagtatanggol ng aking ebanghelyo sa ibang tao sa pinakamahabaging paraan.”

Tiyak na sasabihin pa Niya: “Alam kong hindi ka palaging nagtatagumpay dahil sa sarili mong mga kasalanan o sa kalagayan ng iba, pero naniniwala akong nagsikap kang mabuti. Naniniwala ako na sa puso mo ay talagang mahal mo ako.”

Gusto kong katulad niyan ang marinig ko balang-araw dahil wala na akong iba pang hangad sa mortal na buhay na ito. At gusto ko iyan para sa inyo. At gusto ko iyan para sa ating lahat. “Israel, Israel, Diyos ay tumatawag”6—tinatawagan tayong ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo sa maliliit at malalaking paraan, tulungan ang mga taong maaaring hindi natin katulad sa anyo o pananamit o pag-uugali, at (kung kaya natin) maglingkod tayo sa iba pang paraan sa komunidad sa abot-kaya natin.

Mahal ko ang Panginoong Jesucristo, na sinisikap kong paglingkuran. At mahal ko ang ating Ama sa Langit, na lubos na nagmalasakit para ibigay Siya sa atin. Hinggil sa kaloob na iyan, alam ko na tinatawag ng Diyos ang Israel sa mga huling araw na ito na maging higit na katulad ni Cristo, at maging mas banal kaysa ngayon sa determinasyon nating ipamuhay ang ebanghelyo at itatag ang Sion. Alam ko rin na bibigyan Niya tayo ng lakas at kabanalan na maging tunay na mga disipulo kung isasamo natin ito.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Perry Miller, Errand into the Wilderness (1956), 2–3.

  2. “Mga Banal, Halina,” Mga Himno, blg. 23.

  3. Brigham Young, sa James S. Brown, Life of a Pioneer: Being the Autobiography of James S. Brown (1900), 121.

  4. Isaac Freestone, karanasan na ibinahagi sa awtor, Mayo 5, 2012.

  5. Quentin L. Cook, “Magkaroon ng Liwanag!” Liahona, Nob. 2010, 28, 29.

  6. “Israel, Diyos ay Tumatawag,” Mga Himno, blg. 6.

Larawan ng lungsod na kuha ng tla144/iStockphoto/Thinkstock; larawan ng kandila na kuha ng Enskanto/iStockphoto/Thinkstock