2014
Ang Kapangyarihan ng Katagang Kapag
Hunyo 2014


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ang Kapangyarihanng Katagang Kapag

Ang awtor ay naninirahan sa British Columbia, Canada.

Alam namin kung paano masdan ang kamay ng Panginoon sa aming buhay, dahil ang Kanyang kapangyarihan ay hindi nakikita sa kung kundi sa kapag.

Bigla ang pagkakasakit ng aking asawa. Nagtatabas pa lang siya ng mga damo isang umaga, at bigla na lamang siyang nagkasakit. Kinabukasan ay naka-life support na siya. Sa paglipat namin sa operating room mula sa emergency room, sinabi ng isa sa mga doktor ang katagang kung maililigtas pa nila siya.

Kakaiba ang sakit na dumapo sa kanya, at napakaliit ng tsansa niyang mabuhay. Hindi ako makapaniwala sa biglang pagbabago ng mga pangyayari. Nakadama ako ng matinding panlulumo.

Salamat na lang at nakaraos si Pierre sa kanyang unang operasyon at ipinasok na sa intensive care unit (ICU). Marami pang pagsubok na darating, ngunit lumalaki ang tsansang makakaligtas siya sa paglipas ng bawat oras. Kinausap ako ng isa sa mga nars kinaumagahan nang matapos ang unang operasyon. Binanggit niya ang tungkol sa kapag kaya na ni Pierre ang susunod na gagawin sa pagpapagamot. Napatigil ako sa dating sa akin ng salitang iyon. Mas malaki ang pag-asang nakapaloob sa kapag kaysa sa kung—nagpapahiwatig ito ng kumpiyansa, na may maaasahan pa. Pinasalamatan ko siya sa pagpili ng katagang iyon, at ngumiti siya na nalalaman ang ibig kong sabihin.

Tumanggap si Pierre ng maraming basbas ng priesthood, na nagpalakas ng aming loob. Alam namin kung paano masdan ang kamay ng Panginoon sa aming buhay, dahil ang Kanyang kapangyarihan ay hindi nakikita sa kung kundi sa kapag. Sa tuwing malalagay sa panganib ang kundisyon ng katawan ni Pierre, ipinapaalala ko sa kanya ang mga basbas at na kailangan naming sumampalataya sa Panginoon. Ito ay espirituwal na paglalakbay, at bawat araw ay isang biyaya.

Ang pag-asang dulot ng kapag ay patuloy na nagbigay sa amin ng pag-asa. Gayunpaman, makalipas ang 18 araw na pakikibaka sa karanasang ito, may napakalungkot na nangyari. Sa ikapitong operasyon, natiyak ng mga doktor na kumalat na ang sakit. Naluluhang ipinahayag ng grupo ng mga doktor at narses ang kanilang kalungkutan nang sabihin sa akin na hindi matatapos ang magdamag at papanaw na si Pierre.

Naroon ako sa tabi ng taong makakasama ko sa kawalang-hanggan nang siya ay pumanaw. Mapalad kami at nakausap namin ang kanyang nag-iisang buhay na anak sa unang asawa at nasabi nito ang kanyang pagmamahal sa kanyang ama sa pamamagitan ng telepono. Payapang pumanaw si Pierre.

Ilang linggo mula noon, sa kanyang puntod, nakapapanatag ang mga salitang mula sa Mosias 2:41: “Inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, … kungsila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (idinagdag ang pagbibigay-diin).

Noon pa man ay nagpasiya na kami ni Pierre na ang katagang kung sa talatang iyan ay magiging kapag para sa amin. Alam namin na kung mananatili kaming matapat sa aming mga tipan, magkakasama kaming muli—at mangyayari ito kapag panahon na. Nagtitiwala kami sa plano ng Panginoon ukol sa mga pamilya na walang-hanggan at sa buhay na walang hanggan. Ang kapangyarihan ng katagang kapag ang nagpapanatili sa amin na magpatuloy.

Siya ay Nagbangon, ni Del Parson