Isang Basbas para sa Kapatid Ko
Ang awtor ay naninirahan sa Chihuahua, Mexico.
Natutuhan ko ang tungkol sa kapangyarihan at mga basbas ng priesthood sa isang malungkot na panahon. Ilang taon na ang nakalipas, noong 14 anyos ang bunsong kapatid kong lalaki, nadisgrasya siya sa kanyang motorsiklo at nabali sa gitna ang kanyang binti. Tinawagan ako ni Itay at sinabi na dadalhin nila siya sa ospital. Bumabaligtad ang sikmura ko nang magmadali ako papuntang ospital. Pagdating ko roon, nakita ko ang isa sa mga tito ko. Sinabi niya sa akin kung gaano kasama ang aksidente.
Takot sa makikita ko, binuksan ko ang pintuan kung saan naroon ang kapatid ko at pumasok ako sa silid. Humakbang akong minsan, pumikit, at agad na napayapa. Tulad ng hinding-hindi ko malilimutan ang masamang pakiramdam ko, hinding-hindi ko rin malilimutan ang damdamin ng kapayapaan at kapanatagang bumalot sa akin. Nakilala ko ang damdamin—nagmula iyon sa Espiritu.
Pagkatapos ay narinig ko na nagsasalita ang aking ama. Binibigyan nila ng tito ko ng priesthood blessing ang kapatid ko. Mapagpakumbaba niyang binasbasan ang kanyang anak sa pangalan ni Jesucristo na maging MAAYOS ang kalagayan niya, gumaling, at magamit niyang muli ang kanyang binti.
Pagkatapos ng basbas, sandaling tumahimik ang lahat. Alam ko sa sandaling iyon na kailangan akong maging marapat na tumanggap ng Melchizedek Priesthood at makapagsagawa ng mga basbas para sa magiging mga anak ko.
Nang magtipon kami sa pasilyo sa labas ng silid ng kapatid ko, sinimulang talakayin ng mga magulang ko ang dapat nilang gawin. Pinagtalunan nila kung aalis sila ng Mexico para dalhin siya sa isang doktor sa Estados Unidos o kung dito isasagawa ang operasyon. Anumang opsiyon ang naisip nilang pinakamainam para sa kapatid ko, alam ko na natanggap na niya ang pinakamainam na pangangalagang maaari niyang matanggap. Natanggap na niya ang isang basbas ng dalawang lalaking mayhawak ng priesthood, kaya anuman ang ipasiya ng aking mga magulang, gagaling ang kapatid ko.
Ipinasiya nilang manatili sa Mexico para sa operasyon. Nilagyan ng mga doktor ng takip at 10 turnilyo ang binti ng kapatid ko. Gumaling iyon nang husto, at makalipas ang ilang buwan ay sumali siya sa isang football team. Natupad ang basbas tulad ng sinabi ni Itay.
Alam ko na ang priesthood ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos na ibinigay sa tao. Napakadakila ng kaloob na ibinigay Niya sa atin.