Kalayaan at mga Sagot: Pagkilala sa Paghahayag
Ang tila di-malampasang hadlang sa komunikasyon kung minsan ay isang malaking hakbang na dapat gawin nang may tiwala.
Nakaupo sa tapat ko ang isang babaeng humihikbi. Puno ng luha ang mga mata, sinabi niya sa akin, “Hindi ko na alam ang paniniwalaan ko.” Binanggit niya na hirap na hirap na siya at maraming araw nang ipinagdasal kung paano gagawin ang isang napakahalagang desisyon sa kanyang buhay, ngunit walang nangyari. Malungkot niyang sinabi, “Hindi ko alam ang gagawin. Kung sasabihin mo sa akin ang gagawin, gagawin ko.” Hawak ang mga banal na kasulatan, sabi niya, “Sabi ng Diyos tutulungan Niya tayo. Sinasagot Niya ang mga panalangin ng iba. Bakit ayaw Niyang sagutin ang panalangin ko?”
Kapag magkakahalo ang damdamin ng isang tao, mahirap itong labanang mag-isa. Dalangin ko na matulungan kayo na gayon din ang nadarama.
Kapag tila hindi dumarating ang mga sagot sa mahalagang panalangin, maaaring hindi natin nauunawaan ang ilang katotohanan tungkol sa panalangin o hindi natin napapansin ang mga sagot kapag dumarating ang mga ito.
Mga Alituntunin ng Panalangin
Ang komunikasyon sa ating Ama sa Langit ay hindi maliit na bagay. Ito ay sagradong pribilehiyo. Batay ito sa di-nagbabagong mga alituntunin. Kapag tumanggap tayo ng tulong mula sa ating Ama sa Langit, ito’y bilang tugon sa pananampalataya, pagsunod, at tamang paggamit ng kalayaan.
Isang pagkakamali ang ipalagay na bawat panalanging iniaalay natin ay sasagutin kaagad. Ang ilang panalangin ay kailangan nating pagsikapan nang husto. Totoo, kung minsan ay dumarating ang mga pahiwatig kahit hindi natin hangarin ang mga ito. Karaniwan ay tungkol ito sa isang bagay na kailangan nating malaman at hindi natin natutuklasan.
Narito tayo sa lupa upang magtamo ng karanasang hindi natin makakamtan sa ibang paraan. Binigyan tayo ng pagkakataong lumago, umunlad, at magtamo ng kahustuhang espirituwal. Para magawa iyan, kailangan tayong matutong mamuhay sa katotohanan. Ang paraan ng pagharap natin sa mga hamon at paglutas sa mahihirap na problema ay napakahalaga sa ating kaligayahan.
Para mas maunawaan ang panalangin, nakinig ako sa payo ng iba, pinagnilayan ko ang mga banal na kasulatan, at pinag-aralan ko ang buhay ng mga propeta at iba pa. Subalit tila ang pinakamalaking tulong ay ang makita sa aking isipan ang isang bata na tiwalang lumalapit sa mapagmahal, mabait, matalino, at maunawaing Ama, na naghahangad ng ating tagumpay.
Huwag mag-alala tungkol sa asiwang pagpapahayag ninyo ng damdamin. Basta kausapin lang ang inyong Ama. Pinakikinggan Niya ang bawat panalangin at sinasagot ito sa Kanyang paraan.
Kapag ipinapaliwanag natin ang isang problema at ang mungkahing solusyon, kung minsan ang sagot ng Ama sa Langit ay oo, kung minsan ay hindi. Madalas Niyang hindi ibinibigay ang sagot, hindi dahil sa kakulangan ng malasakit, kundi dahil mahal Niya tayo—nang ganap. Nais Niyang ipamuhay natin ang mga katotohanan na ibinigay Niya sa atin. Para umunlad tayo, kailangan nating magtiwala sa ating kakayahang magpasiya nang tama. Kailangan nating gawin ang nadarama nating tama. Darating ang panahon na sasagot Siya. Hindi Niya tayo bibiguin.
Nailarawan ko na ang lubos na katunayan ng kaugnayan natin sa ating Ama. Walang anumang tungkol sa atin na hindi Niya alam. Nalalaman Niya ang bawat pangangailangan natin at maibibigay ang lahat ng sagot. Subalit, dahil ang layunin Niya ay ang ating walang-hanggang kaligayahan, hinihikayat Niya tayong gumawa ng mga tamang pasiya.
Tatlong Paraan para Mahanap ang mga Sagot
1. Humanap ng Katunayan na Nasagot na Niya Kayo
Gaya ng marami sa atin, hindi napansin ni Oliver Cowdery ang katunayan ng mga sagot sa mga panalangin na ibinigay na ng Panginoon. Para maunawaan niya—at natin—, ibinigay ang paghahayag na ito sa pamamagitan ni Joseph Smith:
“Pinagpala ka dahil sa iyong ginawa; sapagkat ikaw ay nagtanong sa akin, at masdan, sa tuwing magtatanong ka ikaw ay makatatanggap ng tagubilin mula sa aking Espiritu. Kung hindi magkagayon, ikaw ay hindi makararating sa lugar na kinaroroonan mo sa ngayon.
“Masdan, iyong nalalaman na ikaw ay nagtanong sa akin at aking nilinaw ang iyong pag-iisip; at ngayon ipinaaalam ko sa iyo ang mga bagay na ito upang iyong malaman na ikaw ay naliwanagan sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan” (D at T 6:14–15; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Kung pakiramdam ninyo ay hindi pa sinasagot ng Diyos ang inyong mga dalangin, pagnilayan ang mga talatang ito—pagkatapos ay hanaping mabuti ang katibayan sa sarili ninyong buhay na nasagot na Niya kayo.
2. Pansinin ang Damdamin
Para matulungan ang bawat isa sa atin na mapansin ang mga sagot na ibinigay, sinabi ng Panginoon:
“Kung nagnanais ka ng karagdagang katibayan, ipako mo ang isipan sa gabing ikaw ay nagsumamo sa akin sa iyong puso, upang iyong malaman ang hinggil sa katotohanan ng mga bagay na ito.
“Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito?” (D at T 6:22–23; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Nagbigay ng iba pang kabatiran ang Panginoon nang payuhan Niya tayo na pag-aralan ang problema sa ating isipan at pagkatapos ay itanong kung ito ay tama:
“Kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama.
“Subalit kung ito ay hindi tama wala kang madaramang gayon, kundi ikaw ay magkakaroon ng pagkatuliro ng pag-iisip” (D at T 9:8–9; idinagdag ang pagbibigay-diin).
3. Kumilos Kapag Ipinagkait Niya ang Sagot
Napakahalagang malaman na sumasagot din ang Panginoon sa panalangin sa ikatlong paraan sa pamamagitan ng pagkakait ng sagot kapag inialay ang panalangin. Bakit Niya gagawin iyon?
Siya ang ating sakdal na Ama. Mahal Niya tayo nang higit pa sa kaya nating unawain. Alam Niya ang pinakamainam para sa atin. Nakikita Niya ang wakas mula sa simula. Nais Niya tayong kumilos para magtamo ng kinakailangang karanasan:
Kapag sumagot Siya ng oo, iyon ay para bigyan tayo ng tiwala sa sarili.
Kapag sumagot Siya ng hindi, iyon ay para maiwasan nating magkamali.
Kapag Kanyang ipinagkait ang sagot, iyon ay para palaguin tayo sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya, pagsunod sa Kanyang mga utos, at kahandaang kumilos ayon sa katotohanan. Inaasahang mananagot tayo sa pagkilos ayon sa pasiya na naaayon sa Kanyang mga turo nang walang paunang kumpirmasyon. Hindi tayo dapat maupo at maghintay na lang o bumulung-bulong dahil hindi nangusap ang Panginoon. Dapat tayong kumilos.
Kadalasan ang naipasiya nating gawin ay tama. Pagtitibayin Niya ang katumpakan ng ating mga pasiya sa Kanyang paraan. Ang pagpapatibay na iyon ay karaniwang dumarating sa paunti-unting tulong na natatagpuan habang daan. Natutuklasan natin ang mga ito sa pagiging sensitibo sa espiritu. Parang maiikling liham ito mula sa mapagmahal na Ama bilang katibayan ng Kanyang pagsang-ayon. Kung, dahil sa tiwala, nagsimula tayong gumawa ng hindi tama, ipapaalam Niya iyon sa atin bago mahuli ang lahat. Nadarama natin ang tulong na iyan kapag naligalig o naasiwa tayo.
Makikita sa mga pagpupunyagi ni Nephi na makuha ang mga laminang tanso kung paano nagkakaroon ng epekto ang mga alituntunin (tingnan sa 1 Nephi 3:6–7). Matapos ang dalawang bigong pagtatangka, nanatiling nagtitiwala si Nephi. Tahimik siyang pumasok sa lungsod papunta sa bahay ni Laban kahit hindi niya alam ang lahat ng sagot. Napansin niyang, “Ako ay pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat kong gawin,” at makabuluhang idinagdag na, “gayunman, ako ay yumaon” (1 Nephi 4:6–7; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Handa si Nephi na paulit-ulit itong subukan, sa abot ng kanyang makakaya. Nanampalataya siya na tutulungan siya. Ayaw niyang masiraan ng loob. Ngunit dahil kumilos siya, nagtiwala sa Panginoon, sumunod, at ginamit nang wasto ang kanyang kalayaan, tumanggap siya ng patnubay. Nabigyan siya ng inspirasyon sa bawat hakbang tungo sa tagumpay, at sabi nga ng kanyang ina ay ‘binigyan ng … kapangyarihan na maisagawa ang bagay na iniutos ng Panginoon” (1 Nephi 5:8; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Batid ni Nephi na kailangan niyang magtiwala sa Diyos, manampalataya, at kumilos para tumanggap siya ng tulong, sa bawat hakbang. Hindi siya nagreklamo ni humingi ng lubos na paliwanag. Kundi, pansinin ito, hindi niya hinintay na dumating ang tulong. Kumilos siya! Sa pagsunod sa espirituwal na batas, nagkaroon siya ng inspirasyon at nabigyan ng kapangyarihang kumilos.
Pagtitiwala sa Kalooban at Paraan ng Diyos
Kung minsa’y hindi napapansin ang mga sagot sa dalangin dahil gustung-gusto nating mapagtibay ang sarili nating mga naisin. Hindi natin nakikita na may ipinagagawang iba ang Panginoon sa atin. Tiyaking hangarin ang Kanyang kalooban.
Aaminin ko na hindi ko alam kung paano gumawa ng tamang desisyon maliban kung mayroong kabutihan at tiwala sa isang Ama sa Langit. Talagang mawawalan ng epekto ang mga alituntunin kapag sadyang ginamit ang kalayaan nang taliwas sa kalooban ng Diyos. Kung may kasalanang hindi pinagsisihan, naiiwan tayo na mag-isang nagpupunyagi. Tayo’y maaaring masagip sa pamamagitan ng sarili nating pagsisisi.
Kapag naghangad tayo ng inspirasyon na tulungan tayong magdesisyon, nagbibigay ng magigiliw na pahiwatig ang Panginoon. Inuutusan tayo nitong mag-isip, manampalataya, magsikap, magpunyagi kung minsan, at kumilos. Bihirang dumating kaagad ang buong sagot sa isang napakahalagang bagay o mahirap na problema. Mas madalas, dumarating ito nang paunti-unti, nang hindi pa nakikita ang mangyayari sa huli.
Nilagpasan ko ang pinakamahalagang bahagi tungkol sa panalangin para sa huli. Iyon ay ang pasasalamat! Ang pinakataimtim naming mga pagsisikap na pasalamatan ang ating pinakamamahal na Ama ay nagdudulot ng nakamamanghang mga damdamin ng kapayapaan, kahalagahan ng sarili, at pagmamahal.
Bakit kaya ang pinaka-naghihirap ang tila higit na nakaaalam kung paano pasalamatan ang Panginoon? Sa kabundukan ng Guatemala, halos walang makain ang mga miyembro. Ang pagpunta sa templo ay malaking sakripisyo. Isang taon silang naghahanda para makabisita. May pagsusumikap, sakripisyong mag-impok ng pera at pagkain, maghabi, magtina, at manahi ng bagong pananamit. May mahabang paglalakad nang nakapaa sa kabundukan, pagtawid sa Lake Isabel, pagsakay sa bus na kakaunti ang dalang pagkain. Pagod at patang-pata, dumarating sila sa templo. Naghihilod sila hanggang sa kuminis, nagbibihis ng bago nilang damit, at pumapasok sa bahay ng Panginoon.
Nakapagbihis ng puting damit, tinuturuan sila ng Espiritu, tumatanggap ng mga ordenansa, at gumagawa ng mga tipan. Isang babaeng tagabundok ang labis na naantig ng espiritu at ng kahulugan ng endowment. Pagpasok niya sa silid-selestiyal, nakita niyang nakaupo na ang iba, at mapitagang nakayuko. Walang kamalayang lumuhod siya sa pasukan ng silid, na hindi alintana ang iba. Yumuko siya, humikbi, at sa loob ng dalawampung minuto ay ibinuhos niya ang kanyang puso sa kanyang Ama sa Langit. Sa huli, basa ng luha ang damit, nagtuwid siya ng ulo. Nagtanong ang temple matron na matalas ang pakiramdam, “May maitutulong ba ako?” Tumugon siya, “Ay, puwede ba? Ito ang problema ko: Sinubukan kong pasalamatan ang Ama sa Langit para sa lahat ng pagpapala sa akin, pero palagay ko hindi Niya ako narinig. Matutulungan mo ba akong sabihin sa Kanya kung gaano kalaki ang pasasalamat ko?”
Ang payong ito tungkol sa panalangin ay totoo. Nasubukan ko na ito nang husto sa pamamagitan ng personal kong karanasan. Natuklasan ko na ang tila di-malampasang hadlang sa komunikasyon kung minsan ay isang malaking hakbang na dapat gawin nang may tiwala.
Kung hihingin ninyo ang Kanyang tulong, tiyaking malinis ang inyong buhay, karapat-dapat ang inyong mga layon, at handa kayong gawin ang Kanyang ipinagagawa—sapagkat Kanyang sasagutin ang inyong mga dalangin. Siya ang inyong mapagmahal na Ama; kayo ang Kanyang pinakamamahal na anak. Sakdal ang pagmamahal Niya sa inyo at nais Niya kayong tulungan.