Sundin ang mga Mumunting Panghihikayat
Bawat bulong ng Espiritu Santo ay nararapat pakinggan.
Kung ibabalibag ng ipu-ipo ang isang malaking puno sa kama ninyo sa gabi, malamang na gugustuhin ninyong malaman ito nang maaga.
Minsa’y natutulog sa labas ng bagon si Wilford Woodruff (1807–98), na kalauna’y naging ikaapat na Pangulo ng Simbahan, kasama ang kanyang asawa’t anak nang ibulong ng Espiritu na, “Bumangon ka at ilipat mo ang karwahe [mo].”1 Maaari sana niyang iwaksi ang kakaibang ideyang iyon, ngunit sa halip ay sumunod siya. Makalipas ang kalahating oras, isang ipu-ipo ang bumunot sa isang malaking puno at inihagis ito sa ere. Bumagsak ang puno sa mismong pinanggalingan ng bagon.
Maraming gayong halimbawa ng mga himala na nangyari dahil sa pagsunod sa mga panghihikayat.
Ngunit paano naman ang isang panghihikayat na nagbigay sa inyo ng inspirasyong tawagan ang isang kaibigan para lamang mangumusta? O ang isang panghihikayat na maglagay ng isa pang pares ng medyas sa inyong backpack para sa susunod ninyong paglalakad nang malayo? Ang pagsunod sa gayong mga panghihikayat ay malamang na hindi hahantong sa malalaking pangyayari, ngunit mahalaga pa rin ang mga ito.
Ang kaibigang tatawagan ninyo ay maaaring puno ng problema. Maaaring magpasaya sa kanya ang pagtawag ninyo sa telepono. Sa paglalakad, ang isang pares ng ekstrang medyas ay maaaring mangahulugan ng kaibhan sa pagitan ng komportableng pagliliwaliw at masasakit na paltos kung mababasa nang di-inaasahan ang inyong mga paa.
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Nagmamasid tayo. Naghihintay tayo. Pinakikinggan natin ang marahan at banayad na tinig na yaon. Kapag nagsasalita ito, sumusunod ang matatalinong lalaki’t babae. Hindi natin ipinagpapaliban ang pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu.”2
Kung minsa’y nag-aapura ang mga espirituwal na pahiwatig. Gayunman, mas madalas ay banayad ang mga ito. Nangako ang Ama sa Langit na tuturuan tayo “[na]ng taludtod sa taludtod, [na]ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon” (2 Nephi 28:30).
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kadalasan, ang paghahayag ay dumarating nang paunti-unti [sa paglipas ng panahon] at ibinibigay ayon sa ating hangarin, pagkamarapat, at paghahanda.”3
Malamang, walang sinuman sa atin ang mangangailangang umilag sa isang punong inihagis sa atin ng ipu-ipo. Subalit makatitiyak tayo na lagi tayong may magagawang maliit at simpleng kabutihan kapag nakinig tayo sa Espiritu.