Paano Kung Wala Akong Madamang Pag-aalab sa Dibdib?
Kapag alam ninyo kung ano ang hahanapin, mas madali ninyong makikilala ang Espiritu Santo.
“Anyayahan mo si Mr. Wood* sa seminary.” Pumasok ito sa aking isipan nang marinig ko ang pahayag, at agad kong naisip na kahangalan iyon. Bakit ko aanyayahan sa seminary ang music teacher ko nang alas-5:30 ng umaga?
Kasasabi pa lang ng seminary president sa klase namin na magdaraos kami ng araw ng pasasalamat para sa mga guro. Hinamon kaming anyayahang sumama sa amin ang ilan sa aming mga guro sa paaralan para sa isang umaga ng seminary kung saan namin sila pasasalamatan para sa kanilang paglilingkod. Buong linggo matapos marinig ang pahayag na ito, naisip kong anyayahan si Mr. Wood. Tuwing pupunta ako sa seminary o makikita ko siya sa music class, pumapasok ang ideya sa isipan ko: “Anyayahan mo si Mr. Wood sa seminary.” Pagkaraan ng ilang araw na ganito pa rin ang nangyayari, hindi ko na mabalewala ang ideya.
Isang umaga habang inilalabas ng mga estudyante sa music class ang kanilang mga instrumento, itinabi ko ang trombone ko at nilapitan si Mr. Wood. Kumakabog ang puso ko at nanginginig ang mga kamay ko, pero nang buksan ko ang aking bibig para iparating ang paanyaya, napanatag ako.
Laking gulat ko nang sabihin ni Mr. Wood na sasama siya! Gusto niyang malaman kung bakit ako nagpupunta sa seminary tuwing umaga bago pumasok sa paaralan at marami pa siyang gustong malaman. Matapos ibigay sa kanya ang lahat ng detalye, umalis akong tuwang-tuwa.
Sa karanasang ito, wala akong nadamang pag-aalab sa dibdib (tingnan sa D at T 9:8). Pero nadama ko ang Espiritu Santo. Ang pabalik-balik na ideyang anyayahan si Mr. Wood (tingnan sa D at T 128:1), ang kapanatagang nadama ko nang anyayahan ko siya (tingnan sa Juan 14:26), at ang tuwang nadama ko matapos ko siyang anyayahan (tingnan sa Mga Taga Galacia 5:22) ay nagmulang lahat sa Espiritu. Pero kung ang hinanap ko lang ay pag-aalab sa dibdib, maaaring hindi ko napansin na nagpapahiwatig sa akin ang Espiritu Santo.
Ang Espiritu Santo ay nangungusap sa maraming paraan, at kapag pinag-aralan ninyo kung paano Siya makipag-ugnayan, malalaman ninyo kung ano ang hahanapin kapag sinikap ninyong pansinin na kapiling ninyo Siya at tinuturuan o pinapatnubayan kayo.
Hanapin ang Maliliit at Simpleng Bagay
Bago tingnan ang maraming paraan na nangungusap sa atin ang Espiritu Santo, kailangan nating alalahanin na kadalasan, ang paghahayag ay tahimik at bahagya. Kung hinahanap natin ang karanasan ni Nakababatang Alma sa anghel at sa lindol, maaaring hindi natin makita ang mas madalas at mas tahimik na mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Nagbabala si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na kung ating “binibigyang-diin ang kagila-gilalas at madamdaming mga espirituwal na pagpapakita,” maaaring hindi natin mapansin ang “maliliit at unti-unting espirituwal na pahiwatig” na mas karaniwan.1 Kapag sinikap ninyong pansinin ang Espiritu Santo, hanapin ang maliliit at simpleng mga pahiwatig.
Hanapin ang mga Paraan ng Pakikipag-ugnayan ng Espiritu Santo
Kung wala pa kayong nadamang pag-aalab sa dibdib, huwag mag-alala. Maraming tao ang nakapapansin sa impluwensya ng Espiritu Santo sa ganitong paraan, ngunit nangungusap din Siya sa maraming iba pang paraan, at hindi kayo kailangang makadama ng pag-aalab sa dibdib para madamang naroon Siya. Katunayan, kapag pinag-aralan ninyo ang mga paraan na binigyan kayo ng inspirasyon ng Espiritu Santo at hinanap ninyo ang mga ito sa inyong buhay, maaari ninyong makita na nakikipag-ugnayan Siya sa inyo nang higit kaysa nalalaman ninyo.
Ilang paraan lamang ng pakikipag-ugnayan ng Espiritu Santo ang kasama sa listahang ito. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga makabagong propeta at maging ang mga pahina 107–8 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004) para tuklasin ang iba pang mga paraan na mangungusap Siya sa inyo.
“Ang diwa ng paghahayag [ay] karaniwang dumarating [bilang mga kaisipan at damdamin] sa ating isipan at puso sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. (Tingnan sa D at T 8:1–2; 100:5–8.)”2 Ang Espiritu Santo ay maaaring mangusap sa inyo sa pamamagitan ng:
-
Damdamin ng pagmamahal, galak, kapayapaan, pasensya, kabutihan, pananampalataya, kaamuan (tingnan sa Mga Taga Galacia 5:22–23).
-
Mga kaisipang sumasaklaw sa isipan o tumitimo sa inyong damdamin (tingnan sa D at T 128:1).
-
Isang hangaring gumawa ng mabuti at sundin ang mga kautusan (tingnan sa Mosias 5:2).
-
Damdamin na ang isang bagay ay tama (tingnan sa D at T 9:8).
-
Damdamin ng kaaliwan (tingnan sa Juan 14:26).
-
Damdaming “pa[la]lakihin ang [inyong] kaluluwa” (Alma 32:28).
-
Mga kaisipang “[li]liwanagin ang [inyong] pang-unawa” (Alma 32:28).
-
Pagkagutom sa iba pang katotohanan (tingnan sa Alma 32:28).
-
Napipilitan (nahihikayat) na kumilos o napipigilan (naaawat) na gawin ang isang bagay (tingnan sa 1 Nephi 7:15; 2 Nephi 32:7).
Paano Darating ang mga Kaisipan at Damdaming Ito
Ang mga kaisipan at damdaming nagmumula sa Espiritu Santo ay maaaring dumating nang:
-
“Kaagad at matindi.”
-
“Di-kapansin-pansin at dahan-dahan.”
-
“Napakabanayad kaya hindi man lang ninyo ito mapapansin.”3
Ang mga kaisipan at damdaming nagmumula sa Espiritu Santo ay maaaring dumating para:
-
Ipaalala sa atin ang mga bagay-bagay (tingnan sa Juan 14:26).
-
Hindi tayo malinlang (tingnan sa D at T 45:57).
-
Patotohanan ang Ama sa Langit at si Jesucristo (tingnan sa 2 Nephi 31:18).
-
Tulungan tayong magturo (tingnan sa D at T 84:85).
-
Ibigay ang mga kaloob ng Espiritu (tingnan sa D at T 46:11).
-
Maghatid ng kapatawaran ng mga kasalanan (tingnan sa 2 Nephi 31:17).
Hanapin ang Mabuti
Kapag sinisikap ninyong mapansin ang Espiritu, isipin ang layong kahinatnan ng nadarama ninyo: hinihikayat ba kayo ng kaisipan o damdamin na gumawa ng mabuti? Sabi sa Moroni 7:16, “Samakatwid, ipakikita ko sa inyo ang paraan sa paghatol; sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa Diyos.”
Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Paano natin makikilala ang mga pahiwatig ng Espiritu? Palagay ko hindi iyan masyadong mahirap. … Hinihikayat ba ako nitong gumawa ng mabuti, bumangon, manindigan, gumawa ng tamang bagay, maging mabait, maging mapagbigay? Kung gayo’y nagmumula ito sa Espiritu ng Diyos. Kung ito ay madilim, masama, pangit, hindi mabuti, maaari ninyong malaman na nagmumula ito sa kaaway.”4
Kung iniisip ninyo kung nadarama ninyo ang Espiritu o hindi, itanong sa inyong sarili kung ang kaisipan o damdamin ay hinihikayat kayong gumawa ng mabuti. Kung gayon, makatitiyak kayo na nagmula iyon sa Diyos.
Humanap ng Pagkakataong Gamitin ang Inyong Kalayaan
Kung kayo ay karapat-dapat at nahihirapan pa rin kayong mapansin ang Espiritu Santo, kumilos. Biniyayaan kayo ng Ama sa Langit ng kalayaan, at kung minsan ay uutusan Niya kayong kumilos nang walang patnubay Niya. Hihilingin Niyang manampalataya kayo sa pamamagitan ng pagpasok sa dilim. Sabi ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa paghahanap ninyo ng espirituwal na kaalaman, may isang ‘lukso ng pananampalataya.’ … Ito ang sandaling narating na ninyo ang dulo ng liwanag at napunta kayo sa kadiliman para matuklasan na sa isa o dalawang hakbang lamang ay may liwanag na sa daan.”5 Kung kumilos kayo nang may pananampalataya sa kaalamang mayroon na kayo, kahit hindi ninyo mapansin ang mga panghihikayat ng Espiritu Santo, titiyakin ng Ama sa Langit na hindi kayo maliligaw ng landas.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.