2014
Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti
Agosto 2014


Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti

Larawan
Elder Yoon Hwan Choi
Larawan
Korean servicemen.

Mga paglalarawan ni Michael S. Parker

“Sabi ng pinuno ng presidential guard, magkakaroon tayo ng malaking party dahil napakaganda raw ng trabaho natin!” sigaw ng isa sa mga guwardiya.

Dapat ay masaya ako, pero nang marinig ko ang balita, nagsimula akong magdasal. Alam ko na ang pagdiriwang namin ay mauuwi sa inuman. Sapat ang espirituwal na lakas ko para hindi uminom, pero ayaw kong mahirapan ang mga kapwa ko guwardiya nang dahil sa akin.

Sapilitan ang pagpasok sa militar para sa lahat ng binatang South Korean, kaya sumali ako sa hukbo pagkatapos kong magmisyon. Nadestino ako sa presidential guard. Alam ng mga kapwa ko guwardiya na hinding-hindi ako iinom ng anumang alak dahil miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nang ibalita ang party, nagsimula silang kabahan dahil magkakaproblema sila kung hindi ako iinom kapag inutusan kami ng kumander namin na uminom sa party.

May tradisyon noon na sa mga pagdiriwang tatayo ang kumander sa harap ng bawat guwardiya, isa-isa, at pupunuin ng alak ang baso ng guwardiya. Pagkatapos ay itataas ng guwardiya ang baso at sasabihing, “Salamat, sir!” at iinumin kaagad ang alak.

Sa buhay ng sundalo, ang pagsuway sa anumang utos ng isang senior officer ay pagrerebelde at maaaring magkaproblema nang malaki hindi lamang ang taong sumusuway kundi maging ang mga miyembro ng kanyang pulutong. Ang pinakamalala, ang pagrerebelde ay maaari pang mauwi sa pagkabilanggo, at dito kinakabahan ang mga kapwa ko guwardiya.

Dumating ang araw ng party, at naupo kaming 10 guwardiya sa paligid ng mesa. Bawat isa ay may basong walang laman sa kanyang harapan. Nakaupo ako sa ikatlong silya. Pumasok ang kumander namin at pinuno ang unang baso. Itinaas ng guwardiya ang baso niya at sinabing, “Salamat, sir!” Pagkatapos ay uminom siya.

Lumipat ang kumander namin sa pangalawang guwardiya at gayon din ang ginawa. Pagkatapos ay ako naman. Handa akong sundin ang Word of Wisdom, at patuloy akong nagdasal nang tahimik para sa kapakanan ng mga kapwa ko guwardiya. Nang punuin ng kumander namin ang baso ko, malakas kong sinabing, “Salamat, sir!” Pagkatapos ay hihingi sana ako ng paumanhin dahil hindi ako maaaring uminom.

Sa sandaling iyon, pumasok ang kanyang secretary at sinabing, “Sir, may tawag kayo sa telepono.” Bumaling sa kanya ang kumander namin at sinabing, “May ginagawa ako.”

Hawak ko pa rin ang baso nang idagdag ng secretary, “Sir, ang pangulo po iyon.” Sumagot ang kumander namin, “Ah, OK,” at agad siyang umalis.

Biglang ipinalit ng pangalawang guwardiya ang baso niyang walang laman sa baso ko at mabilis na ininom ang alak. Di-nagtagal nagbalik ang kumander namin, nakitang wala nang laman ang baso ko, at sinabi, “Ah, ininom mo na pala!” Pagkatapos ay lumipat na siya sa pang-apat na guwardiya. Nakahinga nang maluwag ang lahat at napanatag.

Pagkaraan ng tatlumpu’t limang taon, matagal na akong tapos sa tungkulin ko sa military, nang makatanggap ako ng tawag mula sa isang branch president ng Simbahan sa South Korea. Itinanong niya kung naaalala ko ang isang Mr. Park na kasama ko sa militar.

“Siyempre po,” sagot ko. Nakasama ko sa hukbo si Mr. Park, at iginalang niya ang mga paniniwala ko at madalas niya akong protektahan sa mahihirap na sitwasyon.

Ibinigay sa akin ng branch president ang numero ng telepono ni Mr. Park, at tinawagan ko siya kaagad. Habang kausap ko siya, sinabi sa akin ni Mr. Park na noong magkakasama kami bilang mga presidential guard, may nakita siyang liwanag mula sa akin at nadama niya na dapat niya akong tulungan. Pagkatapos, tuwing mahihirapan siya, iniisip daw niya ako.

Sabi sa akin si Mr. Park, may dalawa siyang anak na lalaki na gusto niyang maging katulad ko. Isinama pa niyang magsimba ang mga anak niya sa isang chapel ng mga Banal sa mga Huling Araw. Isa sa kanila ang nabinyagan na, bagamat hindi pa nabibinyagan si Mr. Park. Gayunman, hindi na gaanong aktibo ngayon ang kanyang anak. Gusto ni Mr. Park na tulungan at payuhan ko siya.

Pinuntahan ko si Mr. Park pagkaraan ng isang linggo. Naging masaya naman ang pag-uusap namin, at hindi nagtagal ay nakausap ko ang kanyang anak at hinikayat itong bumalik sa Simbahan. Mapagpakumbaba niyang tinanggap ang payo ko, naging aktibo, at nagmisyon. Sa mga pagliham niya sa pamilya habang nasa misyon, hinikayat niya ang kanyang ama at tinulungan itong maghanda para sa binyag. Isang araw ng tag-init nang sumunod na taon pagkatapos ng unang pag-uusap namin, bininyagan ko si Mr. Park bilang miyembro ng Simbahan.

Larawan
Elder Yoon Hwan Choi with another man. Both are dressed in white.

Kaylaking himala! Nabago ang kanilang buhay dahil sa pananampalataya ng isang binata 35 taon na ang nakararaan.

Pag-iwas sa mga Patibong at Bitag

Sa Lumang Tipan, tinuruan ni Josue ang mga anak ni Israel tungkol sa mga patibong at bitag na makakaharap nila habang narito sila sa masamang mundong ito:

“Tatalastasin ninyong lubos na hindi pa palalayasin ng Panginoon ninyong Dios ang mga bansang ito sa inyong paningin: kundi sila’y magiging silo [patibong] at lalang [bitag] sa inyo, at panghampas sa inyong tagiliran at mga tinik sa inyong mga mata hanggang sa kayo’y malipol dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Dios” (Josue 23:13).

Para sa akin, ang pag-aakalang magkakaroon ng problema ang mga kapwa ko guwardiya dahil sa akin ay isang bitag na maaaring tumukso sa akin na uminom ng alak. Gayunman, pinili ko ang tama at handa akong sundin ang Word of Wisdom anuman ang mangyari.

Natutuhan ko sa aking karanasan sa militar na pagpapalain at poprotektahan ng Panginoon ang Kanyang mga anak kung tayo ay “magpa[pa]kalakas at magpa[pa]katapang na mabuti” (Josue 1:6). Halimbawa, pinrotektahan Niya ang mga Israelita nang tawirin nila ang Ilog Jordan. Ngunit ipinakita muna ng mga saserdoteng nagdala ng kaban ng tipan ang kanilang pananampalataya at tapang sa pagpasok sa umaapaw na ilog. Noon lamang ginawa ng Panginoon na “[mahawi] … ang tubig” at ang ilog na “[mag-isang] bunton” (tingnan sa Josue 3:13–17).

Para “magpakalakas … at magpakatapang na mabuti,” kailangan nating “lumakip sa Panginoon” (Josue 1:6; 23:8). Lumalakip tayo sa Panginoon kapag nagdaos tayo ng personal at pampamilyang pag-aaral ng banal na kasulatan, personal at pampamilyang panalangin, at family home evening. Lumalakip din tayo sa Kanya kapag nakibahagi tayo ng sakramento, ginampanang mabuti ang ating mga tungkulin, sumamba sa templo nang madalas, sinunod ang mga utos, at nagsisi kapag nagkasala tayo. Ang mga kaugaliang ito ay nagtutulot sa Espiritu Santo na manatili sa atin at tinutulungan tayong makilala at maiwasan ang mga patibong at bitag.

“Simula sa ating pagkabata, yaong mga may responsibilidad na alagaan tayo ay nagtakda ng mga tuntunin at patakaran para tiyakin ang ating kaligtasan,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson. “Mas magiging madali ang buhay sa ating lahat kung lubos nating susundin ang mga tuntunin. …

“Ang pagsunod ay katangian ng mga propeta; ito ay nagbibigay ng lakas at kaalaman sa kanila sa lahat ng panahon. Mahalaga sa atin na maunawaan na matatamo rin natin ang lakas at kaalamang ito. Ito ay madaling makamtam ng bawat isa sa atin kapag sinusunod natin ang mga utos ng Diyos.”1

Pagsulong nang May Pananampalataya

Hindi nagtagal matapos tawagin si Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, bilang General Authority, nagpunta siya kay Elder Harold B. Lee (1899–1973) para humingi ng payo. Paggunita ni Pangulong Packer:

“Pinakinggan niyang mabuti ang aking problema at iminungkahing makipagkita ako kay Pangulong David O. McKay [1873–1970]. Pinayuhan ako [ni] Pangulong McKay kung anong direksiyon ang dapat kong tahakin. Gustung-gusto kong sumunod ngunit wala akong nakitang posibleng paraan upang magawa ko ang ipinayo niya.

“Nagbalik ako kay Elder Lee at sinabi ko sa kanyang wala akong makitang paraan upang tahakin ang direksiyong ipinayo sa aking tahakin. Sinabi niyang, ‘Ang problema sa iyo ay nais mong malaman ang resulta bago ka magsimula.’ Sinabi ko na nais kong makita man lamang ang isa o dalawang hakbang nito. Sa gayon ay itinuro niya sa akin ang isa sa pinakamahalagang aral sa aking buhay. ‘Kailangang matuto kang lumakad sa gilid ng liwanag, at humakbang ng ilang hakbang patungo sa kadiliman; sa gayon ang liwanag ay lilitaw at ituturo sa iyo ang daan sa unahan.’”2

Bilang mga anak ng ating Ama sa Langit, kung minsan ay nais nating unawain nang detalyado ang mga bagay na kailangan nating tanggapin o isagawa nang may pananampalataya. Gayunman, hindi natin kailangang maunawaan ang lahat ng bagay. Kailangan lang nating sumulong tulad ng ipinagagawa sa atin ng Panginoon at tulad ng ginawa ng mga saserdote ng mga Israelita sa pagpasok sa umaapaw na Ilog Jordan. Bagama’t hindi natin nakikita o nauunawaan ang lahat ng bagay, tutulungan tayo ng Panginoon na lumakad sa tuyong lupa kung tayo ay “magpa[pa]kalakas at magpa[pa]katapang na mabuti.”

Magkakaroon tayo ng kapangyarihang maging matatag kapag ipinamuhay natin ang Kanyang salita—na hinahangad at sinusunod ang Kanyang patnubay sa mga banal na kasulatan at mula sa Kanyang mga lingkod. Oo, nabubuhay tayo “sa teritoryo ng kaaway,”3 subalit hindi madaraig ng kaaway ang Panginoon, na ating Tagapagligtas, na isinugo upang tulungan at iligtas tayo.

Alam ko na maaari tayong maging mga tunay na disipulo ni Jesucristo sa “pagsunod at pagiging matatag sa doktrina ng ating Diyos.”4 Kapag nagpakatapang tayong gawin ito, tumatayo tayo sa mga banal na lugar, saanman tayo naroon.

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng mga Pagpapala,” Liahona, Mayo 2013, 89, 90.

  2. Boyd K. Packer, “The Edge of the Light,” BYU Today, Mar. 1991, 22–23; tingnan din sa Lumang Tipan: Manwal ng Guro sa Doktrina ng Ebanghelyo (2001), 102.

  3. Boyd K. Packer, “Payo sa Kabataan,” Liahona, Nob. 2011, 16.

  4. Robert D. Hales, “Tumayo nang Hindi Natitinag sa mga Banal na Lugar,” Liahona, Mayo 2013, 51.

Print