2014
Nadama Ko ang Espiritu Santo
Agosto 2014


Nadama Ko ang Espiritu Santo

Madalas kong itanong sa mga magulang ko ang ibig sabihin ng “madama ang Espiritu Santo.” Narinig ko na silang pinag-uusapan ito, pero hindi ako sigurado kung ano ang pakiramdam niyon. Sabi ni Inay napakaganda ng pakiramdam na iyon, pero hindi ko pa rin sigurado kung ano ang ibig sabihin niyon.

Isang umaga nagtatatakbo sa paligid ang isang-taong-gulang na kapatid kong lalaki at aksidenteng tumama ang kanyang ulo sa heater. Nagkaroon siya ng malaking sugat sa ulo. Umiyak siya, at nagdurugo ang ulo niya. Takot na takot ako at alalang-alala. Ginamot ni Inay ang sugat at binendahan ito. Pagkatapos ay inihatid niya ako sa paaralan.

Sa paaralan takot at nag-aalala pa rin ako tungkol sa kapatid ko. Pagkatapos ay naalala ko na maaari akong manalangin. Nagpunta ako sa banyo at taimtim na nagdasal sa Ama sa Langit at hiniling ko sa Kanya na basbasan ang aking kapatid. Pagkatapos kong magdasal, nawala ang takot ko. Lubos akong napanatag, at bumalik na ako sa klase.

Pag-uwi ko nang araw na iyon, ikinuwento ko kay Inay ang nangyari. Masaya niyang sinabi sa akin na ang masaya at payapang damdaming iyon ay ang Espiritu Santo na nagbibigay ng kapanatagan sa kalooban ko. Sinabi niya na karaniwan ay hindi tayo kinakausap ng Espiritu Santo na kagaya ng pagkausap sa atin ng ibang tao. Sa halip ay pinapanatag Niya ang damdamin natin.

Pagkatapos niyon napansin ko ang iba pang mga pagkakataon na nadama ko ang Espiritu Santo. Nang basbasan ni Itay si Inay, pumikit ako at sinikap kong lubos na magpitagan. Pagkatapos ay muli kong nadama ang masayang pakiramdam na iyon. Alam ko na para mas madaling madama ang Espiritu Santo, kailangan nating maging mapitagan.