Alam Ko na ang Diyos ang Maglalaan
Abethemia Trujillo, Albay, Philippines
Bago ako sumapi sa Simbahan, nagkasakit nang malubha ang asawa ko. Nagdasal ako nang taimtim, na hinihiling sa Diyos na hayaan pang mabuhay ang asawa ko alang-alang sa aming limang anak at sa sanggol na nasa sinapupunan ko pa noon. Ngunit nawalan ng saysay ang mga dalangin ko.
Nang mamatay ang asawa ko, namatay rin ang pagmamahal ko sa Diyos at ang pananampalataya at tiwala ko sa Kanya. Nabigatan ako sa mga responsibilidad na nasa mga balikat ko ngayon. Mabuti na lang, naroon ang mga magulang ko para tumulong.
Isang araw pagkaraan ng ilang taon, nakarinig ako ng katok sa pintuan ko. Dalawang dayuhan ang nakatayo roon na magiliw na nakangiti at may hawak na aklat. Nagpakilala sila na mga missionary sila mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noon ko lang narinig ang tungkol sa kanilang simbahan. Umalis sila nang sabihin ko sa kanila na abala ako, pero hindi sila mawala sa isip ko.
Kinabukasan nakita ko sila na ipinapakita ang kanilang aklat sa kapitbahay ko. Para mag-usisa, lumapit ako. Napansin ako ng mga missionary at muling nagtanong kung puwede nila akong bisitahin. Nagulat ako sa sagot ko: “Oo, kahit anong oras!”
Nang makinig ako sa turo ng mga missionary at nang pag-aralan ko ang Aklat ni Mormon, natanto ko ang mga pagkakamaling nagawa ko sa buhay, pinagsisihan ko ang aking mga kasalanan, at lalo akong napalapit sa Diyos. Gayunman, nang mabalitaan ng mga magulang ko na tinuturuan ako ng mga elder, nagalit sila. Nagbanta silang itatakwil nila kami ng mga anak ko. Inanyayahan ako ng mga missionary na magpabinyag, pero tumanggi ako dahil hindi kami mabubuhay nang walang tulong ng mga magulang ko.
Bago umalis ang mga elder, ipinabasa nila sa akin ang 3 Nephi 13:31–34. Nang mabasa ko ang “hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos at ang kanyang kabutihan, at lahat ng ito ay idaragdag sa inyo” (talata 33), nalaman ko na ang Ama sa Langit ang maglalaan kung uunahin ko Siya at susundin ang Kanyang mga utos. Pagbalik ng mga misyonero, iniskedyul namin ang binyag ko.
Sa araw ng binyag ko, sumagi sa isipan ko ang galit na boses ng nanay ko. Kinabahan ako, pero lumusong ako sa tubig at nabinyagan. Pagkatapos ay napakasaya ko, at nang makumpirma akong miyembro ng Simbahan at binigyan ng kaloob na Espiritu Santo, pakiramdam ko’y naalis ang aking mga pasanin.
Nang mabalitaan ng mga magulang ko na sumapi ako sa Simbahan, itinakwil nila ako. Pero nagkabati rin kami makalipas ang isang taon, pagkatapos ay nabinyagan ang dalawang kapatid kong babae sa pahintulot ng aming mga magulang.
Tatlo sa mga anak ko ang naglingkod kalaunan sa full-time mission, at malapit ko nang ipagdiwang ang ika-40 taon ko bilang miyembro ng Simbahan. Napakalaki ng mga pagpapala sa akin—lahat dahil sa dalawang missionary na kumatok sa pintuan ko, naglahad sa akin ng Aklat ni Mormon, at tinulungan akong manumbalik ang pagmamahal ko sa Diyos at ang pananampalataya at tiwala ko sa Kanya.