2014
Tonga: Isang Lupaing Inilaan sa Diyos
Agosto 2014


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Tonga Isang Lupaing Inilaan sa Diyos

Evening shot of the Nuku'alofa Tonga Temple.

Wala pang isang dekada matapos maorganisa ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa New York, USA, bumaling sa Kristiyanismo ang isang kahariang pulo na libu-libong milya ang layo sa malawak na Pacific Ocean. Noong 1839 inilaan ni Haring George Tupou I ng Tonga ang kanyang bansa, mga tao, at mga inapo sa pangangalaga ng Diyos. Ang pahayag ng hari na “ang Diyos at ang Tonga ang aking mana” ay naging sawikain ng Tonga. Malaki ang ginagampanang papel ng relihiyon sa Tonga dahil sa pamanang ito; hanggang ngayon, ginugunita ng bawat Tongan ang Sabbath bilang araw ng pagsamba.

Ang mga Unang Missionary

Habang naglilingkod sa Samoa Mission, inatasan sina Elder Brigham Smoot at Alva Butler na dalhin ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa mga isla ng Tonga. Pagdating nila noong 1891, nakipag-usap sila kay Haring George Tupou I, na pinahintulutan silang ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo. Sa nakahihikayat na mga posibilidad, marami pang missionary ang pinapunta sa mga isla at masigasig nilang ipinalaganap ang ebanghelyo. Nakakalungkot na hindi naging kasing-unlad ng mga isla ng Tahiti, Hawaii, New Zealand, at Samoa sa Polynesia ang Simbahan sa Tonga. Noong 1897 pinabalik sa Samoa ang mga missionary, at panandaliang naiwan ang iilang miyembro sa Tonga na walang pinuno ng Simbahan.

Elders Brigham Smoot and Alva John Butler shaking hands with the king of Tonga as they ask permission to preach the gospel among his people.

Noong 1891, kinausap nina Elder Brigham Smoot at Elder Alva Butler si Haring George Tupou I at pinahintulutan sila nitong ipangaral ang ebanghelyo sa kanyang mga tao.

Isang Lahing Naaalala

“Hindi ba ninyo alam na ako, ang Panginoon ninyong Diyos, … [ay] naaalala ko yaong mga nasa pulo ng dagat?” (2 Nephi 29:7).

Hindi kinalimutan ng Panginoon ang mga Banal sa kahariang pulo ng Tonga. Noong 1907, dumating sina Elder Heber J. McKay at Elder W. O. Facer sa Neiafu, Vava’u, kung saan nila sinimulan ang isang branch at isang maliit na paaralan. Hindi nagtagal nagsimulang umunlad ang gawaing misyonero, at ilang branch at paaralan ng Simbahan ang itinatag sa buong kapuluan nang sumunod na ilang taon.

Tulad sa iba pang mga lugar sa mundo, may mga kumalaban din sa Simbahan sa Tonga, ngunit sa pagkakataong ito ay mananatili rito ang ebanghelyo. Nang umunlad ang gawaing misyonero, tumawag ng mga lider ng Simbahan mula sa mga miyembrong Tongan kaya’t nang ilikas ang mga dayuhan, tulad noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, patuloy na umunlad ang Simbahan.

Pagtatatag ng Isang Sibilisasyong Kristiyano

Nang lumaganap ang ebanghelyo sa buong kapuluan, iba’t ibang paaralan ng Simbahan ang itinatag. Noong 1947 umupa ng isang malaking lote ang Simbahan at nagsimulang magtayo ng bagong paaralan, ang Liahona College, na kilala ngayon bilang Liahona High School.

The Liahona High School in Tonga

Inilaan noong 1953 ni Elder LeGrand Richards (1886–1983) ng Korum ng Labindalawang Apostol, ito ang magiging “gabay na liwanag” sa lahat ng papasok, at maghahanda sa mga kabataan na maging mga pinuno at maging impluwensya para sa kabutihan ng iba. Naroon din sa paglalaan si Reyna Salote Tupou III, na pinagtibay ang paaralan bilang kasangkapan sa pagtatayo ng isang “sibilisasyong Kristiyano” na pinagkakaisa ang mga tao sa lahat ng antas ng lipunan. Mula nang itatag ang paaralan, libu-libong nagtapos sa Liahona High School ang naglingkod bilang missionary, mga lider ng Simbahan, at kilalang mga lider sa komunidad.

Ngayo’y may dalawang high school na itinataguyod ng Simbahan sa Tonga: ang Liahona High School, sa malaking pulo ng Tongatapu, at ang Saineha High School, sa pulo ng Vava’u. May lima ring middle school na itinataguyod ng Simbahan: tatlo sa Tongatapu, isa sa ‘Eua, at isa sa Ha‘apai.

Isang Propesiyang Natupad

Nang bumisita si Pangulong David O. McKay (1873–1970) at ang kanyang asawang si Emma Ray sa Tonga noong 1955, parang maharlika ang turing sa kanila ng mga Banal. Iyon ang unang pagbisita ng isang Pangulo ng Simbahan sa mga isla o kapuluan. Sa maikling pagbisita nila sa Tongatapu at Vava’u, nagdaos sila ng mga miting ng mga miyembro at nadama nila ang kanilang pagmamahal at katapatan nang magtanghal ng mga tugtog at sayaw at magbigay ng mga mensahe at piging ang mga Tongan. Nang bumisita si Pangulong McKay sa mga Banal sa Vava’u, nagkaroon siya ng inspirasyong ihayag na nakakita siya ng pangitain tungkol sa “isang templo sa isa sa mga pulong ito, kung saan maaaring pumunta ang mga miyembro ng Simbahan at tumanggap ng mga pagpapala ng templo ng Diyos.” Itinala ng isang miyembro ang tugon ng mga Tongan: “Napaluha ang buong kongregasyon.”1

Pagkaraan ng halos 30 taon, noong Agosto 1983, ang Nuku’alofa Tonga Temple ay inilaan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), na noon ay tagapayo sa Unang Panguluhan. Naaalala ko na noong tinedyer pa ako ay nagdatingan ang mga Banal sa mga Huling Araw mula sa mga karatig-pulo at ang mga Tongan mula sa kabilang karagatan para sa pinagpalang okasyon. Nagkaroon ako ng pribilehiyong dumalo sa isa sa mga sesyon sa paglalaan at maging bahagi ng koro. Naaalala ko na ang saya-saya ko nang marinig kong magsalita si Pangulong Hinckley, at nalaman ko noon na siya ay tinawag ng Diyos. Nang kumanta kami ng “Hosanna Anthem,” naunawaan ko rin kung gaano kamahal ng Panginoon ang Kanyang mga anak.

Laging inaalala ng Tagapagligtas ang mga tao sa mga pulo ng dagat, at sa araw na iyon ay natupad ang propesiya ni Pangulong McKay.

Muling Paglalaan ng Bahay ng Panginoon

Dahil sa paglago ng Simbahan sa Tonga, isinara ang templo nang dalawang taon para sa renobasyon. Kabilang sa mga ginawa ang pinalaking mga silid, nagdagdag ng isang sealing room, at idinagdag ang mga Polynesian motif sa mga dingding at kisame.

Sa pagsisimula ng 2007, tinawag kaming mag-asawa para mamahala sa isang kultural na pagdiriwang para sa muling paglalaan ng templo. Ang kaganapan ay idaraos sa Nobyembre 3, isang araw bago ang mga sesyon sa muling paglalaan.

Ang pakay namin ay isali ang maraming kabataan hangga’t maaari mula sa mga stake sa Tongatapu at makabuo ng isang pagtatanghal na espirituwal na maghahanda sa mga Banal para sa paglalaan ng templo kinabukasan. Ang kaganapan ay ibobrodkast at ipapalabas nang live sa malalayong pulo gayundin sa mga Tongan stake sa iba’t ibang dako ng daigdig, kaya malaking trabaho ito.

Ang produksyon ay pinamagatang “Kayamanang Nagtatagal.” Binuo ito ng mga katutubong sayaw ng Tonga, Hawaii, Tahiti, New Zealand, Fiji, at Samoa. Ang kuwento ay tungkol sa isang mag-asawa na, nang mamatay ang bata pang anak, ay naghanap ng kayamanan sa maraming pulo sa Polynesia na magpapalubag sa kanilang pagdadalamhati. Bagama’t nakakita sila ng magagandang bagay sa bawat pulo, walang makapawi ng kanilang pasakit. Pagbalik nila sa Tonga, itinuro sa kanila ng mga misyonero ang ebanghelyo at nalaman nila ang tungkol sa “kayamanang nagtatagal”—mga walang-hanggang pamilya at pagpapala na balang-araw ay muli nilang makakapiling ang kanilang pumanaw na anak.

Sa buong linggo ng muling paglalaan, napakalakas ng ulan. Sa huling praktis namin, noong Nobyembre 2, makulimlim ang kalangitan. Pinauwi ko ang mga kabataan at ipinagdasal kong gumanda ang panahon para makapagtanghal sila para sa Tonga at sa mga taong manonood sa pamamagitan ng satellite, lalo na ang propeta. Nang gabing iyon umulan nang malakas, at kinabukasan ay nagbabanta pa ring umulan.

Pagsapit ng Sabado ng gabi, 3,000 kabataan ang nagtipon sa Teufaiva Stadium para makinig kay Elder Russell M. Nelson ng Korum ng abindalawang Apostol, na ipinadala roon upang muling ilaan ang templo dahil mahina na ang katawan ni Pangulong Hinckley. Hindi ko kailanman malilimutan ang pagtatanghal. Lahat ay nangyari ayon sa plano. Napakaganda ng panahon, ang sound system na hindi gumana dati ay gumana nang maayos, at ang mga kabataang lalaki at babae ay masiglang nangagsayawan.

Nasaksihan namin ang isang himala. Dininig ng Ama sa Langit ang mga panalangin ng Kanyang mga anak at pinatigil ang ulan. Kasabay nito, nagawa naming espirituwal ang kapaligiran para sa paglalaan ng templo kinabukasan, ipinapaalala sa mga miyembro na ang mga walang-hanggang pamilya ang kayamanang nagtatagal at na itinatayo ang mga templo para mapasakanila ang mga pagpapalang iyon.

Isang Lahing Tapat sa Panginoon

Ngayo’y patuloy na lumalago ang Simbahan sa Tonga, at mga katutubong miyembro ang namumuno. Maraming chapel sa kapuluan, at ang pagdami ng mga missionary ay nagpapabilis sa gawain. Ang mga paaralan ng Simbahan ay matatag na nakatayo at patuloy na naghahanda ng magigiting na missionary, mga lider sa hinaharap, at karapat-dapat na mga ina at ama.

Ang mga Banal ay hindi na kailangang bumiyahe nang gayon kalayo na sakay ng barko papunta sa malaking pulo para sa pangkalahatang kumperensya. Sa halip, dahil sa teknolohiya nananatili na ang mga miyembro sa kanilang stake para panoorin ang pangkalahatang kumperensya at ang mga area conference broadcast mula sa New Zealand.

Sa kabila ng maraming pagbabagong nangyayari sa Tonga, patuloy sa pagsampalataya ang mga Banal. Sila ay isang lahing inilaan sa Diyos 175 taon na ang nakararaan. Sila ay isang lahi na ngayon ay patuloy na inilalaan sa Panginoon ang kanilang buhay at lahat ng mayroon sila.

Tala

  1. R. Lanier Britsch, Unto the Islands of the Sea: A History of the Latter-day Saints in the Pacific (1986), 472.