Mga Propeta sa Lumang Tipan
Job
“Wala akong alam na anumang higit na kailangan ng mga miyembro ng Simbahan kaysa sa pangangailangan nila sa paniniwala at tiyaga ni Job.”1 —Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol
Kilala ako bilang isang taong may takot sa Diyos at humihiwalay sa kasamaan.2 Biniyayaan ako ng Panginoon ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae, at pinagkalooban Niya ako ng malaking kayamanan, kabilang na ang “pitong libong tupa, at tatlong libong kamelyo, at limang daang magkatuwang na baka, at limang daang [buriko], at isang totoong malaking sangbahayan.”3
Naniwala si Satanas na titigil na akong maging matwid at susumpain ko ang Panginoon kung hindi na ako umuunlad sa temporal. Tinulutan ng Panginoon si Satanas na subukan ako ngunit hindi siya tinulutang pagbuhatan ako ng mga kamay. Si Satanas ang dahilan kaya ninakaw o pinatay ang mga alaga kong hayop at nagpadala siya ng malakas na hanging gumiba sa bahay ko, at pumatay sa aking 10 anak na nasa loob. Sa halip na sumpain ang Panginoon, “hinapak [ko] ang [aking] balabal, at inahitan ang [aking] ulo, at nagpatirapa [ako] sa lupa, at sumamba” sa Panginoon.4
Nang makita ni Satanas na hindi ko susumpain ang Diyos, idinaan niya ako sa pisikal na mga pagsubok. Tinulutan ng Panginoon na gawin ito ni Satanas ngunit hindi Niya ito tinulutang bawiin ang aking buhay. Pinasibol ni Satanas sa katawan ko ang “masasamang bukol na mula sa talampakan ng [aking paa] hanggang sa [aking] puyo.”5 Nanatili pa rin akong tapat, at ayaw kong isumpa ang Panginoon. Kasama kong nagdalamhati ang mga kaibigan ko.
Sinabi sa akin ng mga kaibigan ko na nagdurusa ako dahil sa sarili kong kasamaan at na kailangan kong magsisi, ngunit alam kong ako ay isang taong matwid.6 Kalaunan ay inutusan ng Panginoon ang mga kaibigan ko na magsisi. Sinabihan silang gumawa ng isang handog na susunugin at hilingin sa akin na ipagdasal sila.7
Matapos makita ang aking katapatan, inalis ng Panginoon ang aking matinding pagdurusa, at biniyayaan Niya ako “na makalawa ang higit ng dami kay sa tinatangkilik [ko] dati.”8 Ako ngayon ay may “labing apat na libong tupa, at anim na libong kamelyo, at isang libong tuwang na baka, at isang libong [buriko],” at pito pang anak na lalaki at tatlo pang anak na babae.9 Talagang ginantimpalaan ako nang sagana ng Panginoon dahil sa aking pananampalataya at tiyaga.
Nakita ko ang kamay ng Panginoon sa buhay ko, kapwa sa aking mga paghihirap at sa aking pag-unlad. Buong tapang kong pinatotohanan: “Talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya’y tatayo sa lupa sa kahulihulihan: at pagkatapos na magibang ganito ang aking balat, gayon ma’y makikita ko ang Dios sa aking laman.”10