Kumilos sa Lupaing Ito sa Loob ng Ilang Taon
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Tulad ng agos ng dagat, magagabayan tayo ng banal na impluwensya ng Diyos sa Kanyang plano para sa ating buhay.
Tulad ng maraming bata, pinangarap ko ang gusto kong maging paglaki ko. Sa sitwasyon ko, nakumbinsi ako na magiging bumbero ako sa buwan. Sa isipan ko noong limang-taong-gulang ako, wala nang iba pang kahihinatnan ang buhay ko. Palagay ko karamihan sa atin ay may mga pangarap noong bata pa kung ano ang magiging buhay natin paglaki natin. Palagay ko rin karamihan sa atin, sa isang punto, ay ginunita na ang ating buhay at ibinulalas na, “Hindi ito ang inisip kong mangyayari!”
Dalawang talata ang tutulong sa atin na ituwid ang pananaw natin sa buhay. Una:
“Sapagka’t ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon.
“Sapagka’t kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad, at ang aking mga pagiisip kay sa inyong mga pagiisip” (Isaias 55:8–9).
Ikalawa: “Hindi … gumagawa [ang Diyos] ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan” (2 Nephi 26:24).
Itinuturo sa atin ng mga talatang ito na lahat ng ginagawa ng Ama sa Langit ay para sa ating kapakinabangan sa huli, kahit hindi natin maunawaan kung bakit. At dahil ang mga iniisip at paraan ng Diyos ay mas mataas kaysa atin, kailangan nating iangat ang ating buhay upang mas umayon sa Kanyang plano para sa atin.
Nag-iisip Habang Pagala-gala
Kung minsa’y pinag-uusapan natin ang mga anak ni Israel na nagpagala-gala sa ilang nang 40 taon bago pinayagang makapasok sa lupang pangako. Isang ulap o haliging apoy ang namalagi sa ibabaw ng tabernakulo kapag titigil na sila, at kapag lumipat ito, susunod ang kampamento (tingnan sa Mga Bilang 9:15–18, 21–23). Palagay ko gumugol din sila ng 40 taon na “nag-iisip” sa ilang—nag-iisip kung kailan sila aalis, kailan at saan sila titigil, at kailan nila mararating sa wakas ang lupang pangako.
Ang kuwentong ito ay sagana sa mga simbolo. Sa paglalakbay ng bawat isa sa atin sa sarili nating mortal na ilang, nais nating marating ang “lupang pangako” na makapiling ang Diyos nang walang hanggan. Nangako Siyang aakayin tayo patungo roon. Subalit habang kailangang gumala-gala ng bawat tao sa daan ding iyon—maging masunurin, magsisi, tumanggap ng mga ordenansa ng priesthood, at matapat na magtiis—ang buhay ng bawat tao ay kakaiba.
Sinabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang Panginoon ay nagbigay ng mga pagdaloy ng impluwensya sa inyong buhay mula sa langit na aakay sa inyo sa planong nais Niyang isakatuparan ninyo dito sa lupa. Maghanap sa pamamagitan ng Espiritu upang matukoy at maingat na masundan ang patnubay na iyon na inilagay ng Panginoon sa inyong buhay. Makiayon kayo rito. Kusang pumili, na gamit ang inyong kalayaang sundin ito.”1
Isipin kung alin ang mas mahirap na tiniis ng kampo ng Israel: mag-ukol ng isang taon sa isang hindi kasiya-siyang lugar o umalis sa isang magandang lugar pagkaraan ng dalawang araw? Palagay ko nasubukan sa dalawang sitwasyong ito ang kanilang pananampalataya.
Gayundin tayo. Maaaring hindi tayo nasisiyahan sa ating mga sitwasyon kaya gumugugol tayo ng oras sa pag-iisip kung kailan magbabago ang mga bagay-bagay. O maaari nating maranasan ang isang di-inaasahang pagbabago sa ating kasiya-siyang gawain. Ang pagpapasiya natin kung paano tutugon sa mga karanasang ito ang magpapasiya, sa malaking bahagi, ng ating kaligayahan. At kung gugugulin natin ang ating buhay sa pag-iisip habang gumagala tayo, maaari nating malagpasan ang magagandang pagkakataon para umunlad sa espirituwal.
Kumilos Na at Gumawa
Noong tagsibol ng 1831, nagsimulang magtipon ang mga Banal sa Kirtland, Ohio. Isang miyembro na nagngangalang Leman Copley ang pumayag na manatili ang isang grupo mula sa Colesville, New York, sa kanyang bukirin sa Thompson, na di-kalayuan sa Kirtland. Noong Mayo 1831 inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith:
“At inilalaan ko sa kanila ang lupaing ito sa maikling panahon, hanggang sa ako, ang Panginoon, ay maglaan para sa kanila ng iba, at utusan silang umalis mula rito;
“At ang oras at ang araw ay hindi ibinigay sa kanila, kaya nga kikilos sila sa lupaing ito sa loob ng ilang taon, at ito ay makabubuti para sa kanila” (D at T 51:16–17; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Tulad din ng mga anak ni Israel na sinusundan ang ulap sa ilang, alam ng mga Banal na ito na hindi sila maninirahan nang permanente sa bukirin ng mga Copley. Darating ang araw na lilipat sila. Subalit gaano man sila katagal manatili, kikilos sila na parang lalagi sila roon nang maraming taon.
Kaya bakit ito ipapayo sa kanila ng Panginoon? Ang ilan ay maaaring panghinaan ng loob sa pagtira sa isang bagon o tolda sa maputik na bukirin habang nakikita nila na mas mabuti ang kalagayan ng iba. Malamang na sa payo ng Panginoon ay pinalitan ng pag-asa ang panghihina ng kanilang loob.
Gayundin, kapag nakikita natin ang iba na may mga bagay na pinapangarap natin—magandang pamilya, tahanan, trabaho, at malinaw na direksyon sa buhay—maaari tayong panghinaan ng loob. Halimbawa, kung alam natin na hindi tayo magtatagal sa isang ward o branch, maaari nating isiping, “Bakit pa ako tatanggap ng tungkulin? Bakit pa ako makikipagkilala kaninuman?” Maaari pa rin tayong magsimba, ngunit hindi tayo nakikinabang nang husto sa karanasan. Kung gugugulin natin ang ating buhay sa pagtutuon sa mga bagay na wala sa atin, maaaring hindi natin tunay na mapasalamatan ang mga bagay na mayroon tayo.
Tulad ng kinakanta natin sa isa sa ating mga himno, na “sa ngayo[n ay] marami pang maitutulong, pagkakatao’y naririyan. H’wag mo nang hayaang ipagpabukas pa, kumilos na at gumawa.”2
Kapag “kumilos tayo sa lupaing ito sa loob ng ilang taon,” makikita na natin ang mga pagkakataong maaaring hindi natin nakita noon. Maaari din nating makita na ang ilan sa mga pagkakataong ito ay maaaring hindi na natin maranasang muli sa ating buhay. Pagkatapos ay iisipin natin, “Hangga’t narito ako, makikibahagi ako, gagawin ko ang lahat, at pipiliin kong maging masaya. Patuloy akong aasa sa hinaharap, ngunit samantala, hayaan ninyong gumawa ako ng kaunting kabutihan dito.” Ito ang kaibhan ng paglangoy nang hindi nababasa ang ulo at ng talagang paglangoy.
Ang nangyari, hindi nga nagtagal ang mga Banal sa Thompson. Sinira ni Leman Copley ang kanyang pangako na hahayaan niyang mamalagi ang mga Banal sa kanyang lupain. Kalaunan ay isinugo ng Panginoon ang mga Banal na ito sa Missouri, ngunit ginawa nila ang lahat habang nakatira sila sa bukid ng magsasaka, at pinagpala sila ng Panginoon dahil dito.
Sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kadalasan ang malalalim na lambak ng ating kasalukuyan ay mauunawaan lamang sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa mga ito mula sa mga kabundukan ng ating karanasan sa hinaharap. Kadalasan ay hindi natin nakikita ang kamay ng Panginoon sa ating buhay hanggang sa matagal nang nakalipas ang mga pagsubok. Kadalasan ang pinakamahihirap na panahon sa ating buhay ay mahahalagang batong pagtatayuan ng pundasyon ng ating pagkatao at nagbibigay-daan sa pagkakataon, pang-unawa, at kaligayahan sa hinaharap.”3
Huwag Ibaling ang Inyong Isipan
Kung minsan nasasangkot tayo sa gulo kapag ipinipilit nating gawin ang mga bagay ayon sa ating sariling takdang panahon, sa halip na magtiwala sa Panginoon.
Isipin ang kuwento ng paglisan ni Lehi mula sa Jerusalem ayon sa pananaw nina Laman at Lemuel. Ang maginhawa nilang buhay ay biglang natigil nang sabihin ni Lehi na kailangang tumakas ang pamilya dahil ang Jerusalem ay lilipulin. Kaya’t tumakas sila at nagtungo sa ilang—para lamang bumalik kaagad para kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban. Buong panahon ba silang naglakbay nang napakahirap sa malupit na disyerto para lamang nakawin ni Laban ang kanilang mahahalagang ari-arian at tangkain silang patayin? Magagalit din ako!
Bukod pa rito, ang makitang hindi pa rin nagbabago ang Jerusalem ay malamang na nakaragdag sa galit nina Laman at Lemuel. Hindi ko alam kung inasahan nilang makita na nawasak ang lungsod, ngunit para ko nang nakinita ang nasa isip nila: “Hindi ba dapat ay nalipol na ang Jerusalem? Bakit tayo nagsasayang ng oras sa ilang samantalang maayos naman ang lahat dito?” Ano’t anuman, lahat ng ito ay agad nauwi sa pananakit nila kina Nephi at Sam (tingnan sa 1 Nephi 3:29).
Kapag hindi nangyari ang mga bagay-bagay ayon sa iniisip nating dapat mangyari; kapag inisip natin na hindi talaga makakakilos nang mabilis ang haligi ng apoy; kapag tumingin tayo sa paligid at ang nakita lang natin ay isang bukirin ng magsasaka, maaari din tayong panghinaan ng loob hanggang sa, tulad nina Laman at Lemuel, mawalan tayo ng pananampalataya at ilabas natin ang ating mga sama-ng-loob sa Diyos.
Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kapag wala tayong pasensya sa takdang panahon ng Diyos na nakakaalam sa lahat ng bagay, ipinahihiwatig natin talaga na alam natin kung ano ang pinakamainam. Kakatwa, hindi ba—na tayong mga nagsusuot ng relo ay gusto nating payuhan Siya na nangangasiwa sa mga orasan at kalendaryo ng sansinukob.”4
Siyempre ang buhay ay hindi palaging madali, at wala akong kilalang sinuman—kasama na ako—na magsasabi na ang buhay ay ang mismong inakala nila. Ngunit marami din akong kakilala na magsasabi na sa kabila ng lahat ng ito, masaya sila sa buhay nila ngayon—kahit hindi sila naging isang bumbero sa buwan!
Ang positibong pananaw na iyan ay dumarating kapag matapat nating sinusunod ang Panginoon nang may magandang pananaw sa pamamagitan ng sarili nating mga pagsubok. Kapag ginawa natin ito, isang araw ay matutuklasan natin na ang ating mga karanasan sa ilang ay hindi naman talagang napakahirap na gaya ng inakala natin. Maaari din nating aminin na talagang sulit naman. Sa bawat isa sa atin sinasabi ng Panginoon:
“Magpatuloy sa pagtitiyaga hanggang sa kayo ay maging ganap.
“Huwag ibaling ang inyong isipan; at kapag kayo ay karapat-dapat, sa aking sariling takdang panahon, inyong makikita at malalaman” (D at T 67:13–14).