2014
Pinalitan Ko ng Pananampalataya ang Takot Ko
Agosto 2014


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Pinalitan Ko ng Pananampalataya ang Takot Ko

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Paano kung wala na akong makitang kadeyt at hindi na ako makapag-asawa kahit kailan?

Nang makita niya ako, nalaman kaagad ng matalik kong kaibigan na may problema. “Wala na kami,” mahinang sabi ko sa kanya. Pauwi na ako matapos ang mahabang pakikipag-usap sa binatang matagal ko nang kadeyt. Kahit nalungkot kami na maghiwalay, nagkasundo kami na tama iyon para sa amin.

Ngunit makalipas ang ilang linggo, nagsimula akong mag-alinlangan sa desisyon ko. Paano kung wala na akong makitang kadeyt at hindi na ako makapag-asawa kahit kailan? Paano kung masyado ko lang pinalaki ang pag-aaway namin?

Nalungkot ako at nag-alinlangan kaya naisip ko pang tiyakin kung gusto niyang magkabalikan kami. Tulad ng inilarawan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “hindi [ako] kuntento sa mga nangyayari at hindi maganda ang pananaw ko sa hinaharap.”1

Ilang linggo matapos kaming maghiwalay, binasa ko isang gabi ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Isinalaysay sa Evangelio ayon kay Lucas na sa ikatlong araw matapos ihimlay sa libingan ang Tagapagligtas, nagtungo roon ang matatapat na alagad para pahiran ng mabangong langis ang Kanyang katawan. Ngunit natuklasan nila na nakagulong ang batong nakatakip sa libingan at wala na ang katawan. Kasunod nito ay nagpakita ang dalawang anghel sa kanila at sinabing, “Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon” (Lucas 24:5–6).

Matindi ang epekto sa akin ng tanong ng mga anghel. Hindi ko naisip kailanman kung ano ang naging pakiramdam ng mga dumalaw sa libingan ni Jesus, batid na mali ang lugar na pinaghanapan nila sa kanilang Tagapagligtas. Hindi ko naisip kung gaano kahirap sa kanila ang maniwala na nadaig ni Jesus ang kamatayan at nagbangon Siya sa kaluwalhatian.

Isang magiliw na pangaral sa akin ang nakasaad sa banal na kasulatan. Natanto ko, tulad ng mga kaibigan ng Tagapagligtas, na mali ang lugar na pinaghanapan ko ng kapanatagan. Ang pagbalik sa nakaraan at “pananabik nang walang-saysay sa kahapon”2 ay hindi nakapapanatag o nakahihikayat sa akin na kumilos nang maayos. Natanto ko na kailangan kong ibaon sa limot ang mga nakaraang karanasan. Kailangan kong palitan ng pananampalataya ang takot ko at magtiwala na ang Tagapagligtas ay lilikha ng panibagong simula mula sa mga nakaraang pangyayari sa aking buhay.

Madalas kong isipin ang talatang iyan sa banal na kasulatan kapag nagsisisi ako sa mga pasiyang nagawa ko o inaasam kong balikan ang mga sandaling nakalipas. Dahil sa Tagapagligtas, makapagsisimula tayong muli. Dahil sa Tagapagligtas, maaari tayong “lumingon upang matuto mula sa magagandang karanasan nang hindi binabalikan ang nakaraan,” batid na “dapat matuto sa nakaraan ngunit huwag nang balikan pa ito.”3 Sa halip na sayangin ang panahon sa pagsisisi, makakaasa tayo sa hinaharap nang may pananampalataya.

Mga Tala

  1. Jeffrey R. Holland, “Remember Lot’s Wife” (Brigham Young University devotional, Ene. 13, 2009), 3; speeches.byu.edu.

  2. Jeffrey R. Holland, “Remember Lot’s Wife,” 2.

  3. Jeffrey R. Holland, “Remember Lot’s Wife,” 2.