Mensahe sa Visiting Teaching
Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Mesiyas
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa buhay at mga tungkulin ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
Itinuturo ng mga banal na kasulatan na maaari nating makapiling ang Diyos “sa pamamagitan ng kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” (2 Nephi 2:8). Ang Mesiyas ay “isang salitang Aramaic at Hebreo na nangangahulugang hinirang o ‘ang pinahiran ng langis.’ … Sa Bagong Tipan si Jesus ay tinatawag na Cristo, na sa wikang Griyego ay katumbas ng salitang Mesiyas. Ang ibig sabihin nito ay hinirang na Propeta, Saserdote, Hari, at Tagapagligtas.”1
Nagpatotoo si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Alam kong [si Jesucristo] ang Banal ng Israel, ang Mesiyas na balang-araw ay paparitong muli sa kaluwalhatian, upang mamuno sa lupa bilang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Alam ko na walang ibang pangalan na ibinigay sa silong ng langit upang maligtas ang [isang lalaki o babae].”2
“[Si Jesucristo] ang Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig,” sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “Siya ang ipinangakong Mesiyas. Namuhay Siya nang perpekto at nagbayad-sala sa ating mga kasalanan. Siya ay laging nasa ating panig. Ipaglalaban Niya tayo. Siya ang ating pag-asa; Siya ang ating kaligtasan; Siya ang daan.”3
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Ang mga babaeng disipulo ni Cristo ay naging mga saksi ng Kanyang tungkulin bilang Mesiyas. Si Maria Magdalena ay isang disipulo ni Jesucristo. Siya ang unang nakakita sa “bato na naalis na sa libingan” noong umaga ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo. Siya ay “nakatayo sa labas ng libingan na umiiyak” matapos matuklasan na ang Kanyang katawan ay wala na sa libingan.
Pagkatapos “siya’y lumingon, at nakitang nakatayo si Jesus, at hindi nalalaman na yaon ay si Jesus.
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, bakit ka umiiyak? sino ang iyong hinahanap? Siya, sa pagaakalang yao’y maghahalaman, ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kaniya, ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at akin siyang kukunin.
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Maria. Lumingon siya, at nagsabi sa kaniya sa wikang Hebreo, Raboni; na ang ibig sabihin ay, Guro.” Natanto ni Maria na hindi Siya ang hardinero kundi si Jesucristo, ang Mesiyas. (Tingnan sa Juan 20:1–17.)