Bakit Natin Ibinabahagi ang Ebanghelyo
Mula sa isang mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission president sa Provo Missionary Training Center noong Hunyo 22, 2008.
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, bawat isa sa atin ay may layunin bilang missionary—ang anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo.
May tanong sa unang kabanata ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo na angkop sa bawat miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw: “Ano ang layunin ko bilang misyonero?”
Ang sagot, na ibinuod sa isang pangungusap, ay ibinigay roon ayon sa sumusunod: “Imbitahin ang iba na lumapit kay Cristo sa pagtulong sa kanila na matanggap ang [ipinanumbalik] na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.”1
Mga Miyembro Bilang mga Missionary
Hinihilingan tayong lahat na maging mga missionary. At para maging epektibo sa pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo, kailangan nating isaisip ang layuning ito, madama ito sa ating puso, tanggapin ito sa ating kaluluwa, at kumilos ayon dito. Kapag ginagawa natin ito, nagbibigay ito ng inspirasyon at gumagabay sa atin sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Dapat nating linawin ang pagkakaiba ng layunin ng pagbabahagi ng ebanghelyo, sa isang banda, at ng paraan para makamtan ang layuning iyon, sa kabilang banda.
Hindi natin layuning makilahok lamang sa mga talakayan tungkol sa ebanghelyo o makipag-usap kaninuman at sa lahat ng makakausap natin tungkol sa Simbahan o para lamang magtakda ng mga mithiin at magplano. Ang mga bagay na ito ay mahalaga, ngunit mga paraan ito para makamtan ang layunin, at ang layuning iyon ay ang madala ang mga tao kay Cristo.
Nakasentro sa Layunin ng Missionary
Isipin ang ilang halimbawa ng mga resulta kapag ang ating mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo ay nakasentro sa layunin ng missionary:
-
Tuturuan natin ang mga tao sa paraan na talagang mauunawaan nila ang ebanghelyo at kung bakit at paano sila nararapat magsisi. Makikinig at tutugon tayo sa anumang nasa puso’t isipan ng investigator.
-
Hahangarin at pakikinggan natin ang Espiritu Santo para malaman kung sino ang nakadama sa Espiritu habang nagsasalita tayo.
-
Ang pagpaplano—bilang mga pamilya, sa mga ward council, at kasama ang mga full-time missionary—ay magiging kasangkapan sa pagtiyak na ang mga bagay na kailangang mangyari upang makapagpabago ng buhay at makapagbinyag ay talagang natukoy, naalala, at nasubaybayan para sa bawat investigator.
-
Magagalak tayo sa pagkakataon nating magpakabusog sa salita ng Diyos dahil ang ating pag-aaral ay magkakaroon ng layunin. Maghahanap tayo ng mga sagot sa taos-pusong mga tanong ng ating mga investigator at maging sa sarili nating mga tanong.
-
Aanyayahan natin ang mga tao na dumalo sa mga miting ng Simbahan, hindi lamang dahil naniniwala tayo na iyon ang dapat nating gawin kundi dahil nauunawaan din natin na mahalagang makibahagi sa simbahan ang investigator para tumindi ang hangarin niyang magpabinyag at magkaroon siya ng pundasyong magtiis hanggang wakas sa tipan ng ebanghelyo. Nasasaisip ang pangunahing layuning iyon, ang paanyayang magsimba ay magkakaroon ng higit na kahalagahan, ang paliwanag tungkol sa kahalagahan ng pagsamba sa araw ng Sabbath at kung ano ang aasahan sa serbisyo ng mga Latter-day Saint sa araw ng Linggo ay mag-iiba, at ang lakas ng ating mga salita ay magkakaroon ng kakayahang manghikayat na hindi makakamtan kung hindi natin iyon iisipin.
Pag-isipan at Unawain
Huwag sana ninyong balewalain ang kabanata 1 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo at ang tanong doon na “Ano ang layunin ko bilang misyonero?” Pag-isipan ang layuning magdala ng mga tao kay Cristo sa pamamagitan ng mga alituntunin at ordenansa ng ipinanumbalik na ebanghelyo, at mauunawaan ninyo na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi isang programa; ito ay isang layunin—ang layunin ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. Pag-isipan ang layuning anyayahan ang mga tao na lumapit kay Cristo, at malalaman ninyo na hindi mauunawaan ng mundo ang nagbabayad-salang biyaya at kaligtasan kundi sa pamamagitan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Mauunawaan ninyo kung tungkol saan ang pagbabahagi ng ebanghelyo, at magiging abala kayo sa gawain ng inyong Ama. Malalaman ninyo na ang mga full-time missionary, tulad ng ginawa ng mga anak ni Mosias, ay nagtuturo “nang may kapangyarihan at karapatan ng Diyos” (Alma 17:3), at aanyayahan ninyo silang ituro ang ebanghelyo sa mga taong naanyayahan na ninyong “magsiparito …, at inyong makikita” (Juan 1:39).
Ang Ating Paanyaya—Lumapit kay Cristo
Para sa akin, ang layunin ng missionary ay nakaugnay sa karingalan ng gawain at kaluwalhatian ng Diyos (tingnan sa Moises 1:39). Anong pagsisikap ang mas kamangha-mangha kaysa pagdadala ng mga anak ng Diyos sa lubos na kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya ng kanilang Manunubos, ang Panginoong Jesucristo? Alalahanin na ang layunin natin bilang missionary ay hindi lamang para balaan ang iba kundi para iligtas sila, hindi lamang para magturo kundi para din magbinyag, hindi lamang para ilapit ang iba kay Cristo kundi para gawin din silang matatag kay Cristo hanggang wakas.
Ang ating paanyaya sa mundo ay lumapit kay Cristo. Ang paglapit kay Cristo ay isang daglat, isang paraan ng pagpapaliwanag ng plano ng kaligtasan sa tatlong salita. Ang ibig sabihin nito ay matamo ang mga bunga ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli—na buhay na walang hanggan sa huli. Ang buhay na walang hanggan ay nakasalalay sa paggamit ng ating kalayaang moral, ngunit posible lamang ito sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo. Ang ibig sabihin ng lumapit sa Kanya ay gawin ang kailangan para matamo natin ang biyayang iyon—ang nagpapatawad, nagpapabanal, nagpapabago, tumutubos na kapangyarihan ng Kanyang walang-hanggan at nagbabayad-salang sakripisyo.
Ang mabuting balita, ang ebanghelyo, ay pinakamainam na ipinahayag mismo ni Jesus sa Aklat ni Mormon:
“Masdan, naibigay ko na sa inyo ang aking ebanghelyo, at ito ang ebanghelyo na aking ibinigay sa inyo—na ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking ama, sapagkat isinugo ako ng aking Ama.
“At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus; at matapos na ako ay maipako sa krus, upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin, at katulad ng pagtataas sa akin ng mga tao gayundin ang mga tao ay ibabangon ng aking Ama, upang tumayo sa harapan ko, upang hatulan sa kanilang mga gawa, kung ang mga yaon ay mabuti o kung ang mga yaon ay masama—
“At sa dahilang ito ako ay ipinako; kaya nga, alinsunod sa kapangyarihan ng Ama ay hihikayatin ko ang lahat ng tao sa akin, upang sila ay mahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa” (3 Nephi 27:13–15).
Masayang Balita at Mabuting Balita
Sa gayon, sa pundasyon nito, ang ebanghelyo, o mabuting balita, ay na mayroon tayong isang Ama sa Langit na isinugo ang Kanyang Bugtong na Anak, dahil sa Kanyang pagmamahal sa atin, upang tubusin tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Ang Anak, sa lubos na pagsunod sa Ama, na Kanyang niluluwalhati, ay inialay ang Kanyang buhay para sa layuning iyon. Binili niya tayo ng Kanyang dugo, at pananagutan natin sa Kanya ang ating buhay (tingnan sa I Mga Taga Corinto 6:19–20). Siya ngayon ang ating Hukom. Siya mismo ang katarungan.
Ipinahayag pa ng mensahe ng ebanghelyo na masayang balita na dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, si Jesus din ay puno ng awa. Ang kanyang awa, mga kabutihan, at biyaya ay sapat upang patawarin at linisin tayo upang maging banal tayo at walang bahid-dungis sa Kanyang harapan sa Araw ng Paghuhukom. (Tingnan sa 2 Nephi 2:8; Moroni 10:32–33.)
Ang layunin ng missionary sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay nagpapaliwanag kung ano ang dapat gawin para mangyari ito. Sabi roon, upang mapatawad at malinis kailangan ng “pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.”2
Bukod pa rito sa 3 Nephi 27, tinapos ng Tagapagligtas ang Kanyang pahayag kung ano ang nakapaloob sa Kanyang ebanghelyo:
“At ito ay mangyayari, na sinuman ang magsisisi at mabibinyagan sa aking pangalan ay mapupuspos [ng Espiritu Santo]; at kung siya ay magtitiis hanggang wakas, masdan, siya ay pawawalan ko ng sala sa harapan ng aking Ama sa araw na yaon kung kailan ako tatayo upang hatulan ang sanlibutan. …
“At walang maruming bagay ang makapapasok sa kanyang kaharian; anupa’t walang makapapasok sa kanyang kapahingahan maliban sa mga yaong nahugasan ang kanilang mga kasuotan ng aking dugo, dahil sa kanilang pananampalataya, at sa pagsisisi ng lahat ng kanilang mga kasalanan, at sa kanilang katapatan hanggang sa wakas.
“Ngayon, ito ang kautusan: Magsisi, lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, at lumapit sa akin at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay pabanalin sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo, upang kayo ay makatayong walang bahid-dungis sa aking harapan sa huling araw.
“Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ito ang aking ebanghelyo” (3 Nephi 27:16, 19–21).
Pananampalataya at Katapatan
Kapag pinatotohanan natin ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu, ang mga taong handang makinig ay tatanggap ng sapat na patotoo para magsimulang sumampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ang pananampalatayang iyon ay magbibigay sa kanila ng kahandaang magsisi. Maituturo sa kanila ng mga miyembro at full-time missionary, sa pamamagitan din ng Espiritu, ang mga pagbabagong kailangan nilang gawin at aanyayahan at pangangakuin silang kumilos. Ang huling pangakong inaanyayahan naming tanggapin at gawin ng investigator ay ang magpabinyag sa tubig. Ang binyag na ito ay sinusundan, o sa madaling salita, nakukumpleto, ng pagtanggap ng Espiritu Santo, na naghahatid ng kapatawaran ng mga kasalanan gayundin ng pagpapabanal (tingnan sa 2 Nephi 31:17).
Ang kalagayang ito na napawalang-sala at naging walang bahid-dungis sa harap ng Panginoon ay maiingatan habambuhay kung ang isang tao ay patuloy na mamumuhay sa pananampalataya, nagsisisi kung kailangan at pinaninibagong muli ang kanyang mga pangako sa binyag. Tinatawag natin iyan na pagtitiis hanggang wakas. Ang mga nagtitiis hanggang wakas ay hindi matatakot na mahatulan ayon sa kanilang mga gawa, sapagkat sila ay nananampalataya at nagsisisi at nagpapabinyag sa tubig at sa Espiritu.
Unahin ang mga Pangunahing Alituntunin
Ang pahayag ni Hyrum Smith na binanggit sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay malalim: “Ipangaral ang mga [pangunahing] alituntunin ng Ebanghelyo—paulit-ulit na ipangaral ang mga ito: makikita mo na araw-araw ay may ihahayag sa iyong mga bagong ideya at dagdag na pang-unawa ukol sa mga ito. Madaragdagan ang pang-unawa [mo] sa mga ito at magiging mas malinaw ito sa iyo. Dahil dito ay mas malinaw mo itong maipapaunawa sa iyong mga tinuturuan.”3
Sa pahayag na ito, ipinaliwanag ni Hyrum Smith, ang Patriarch, na ang mga pangunahing alituntuning ito, ang sentro ng ebanghelyo, ay hindi lubusang nauunawaan sa isang pag-aaral. Darating ang dagdag na liwanag at mas malalim na pagkaunawa sa paglipas ng panahon sa iba’t ibang mga karanasan sa paghahayag.
Kapag nagpatotoo ang mga miyembro at nakiusap sa mga full-time missionary na tulungan sila sa pamamagitan ng pagtuturo ng ebanghelyo, tandaan na ang isang lumalagong pag-unawa sa ebanghelyo ay hindi lamang nagmumula sa pag-aaral kundi maging sa pagbabahagi natin ng ebanghelyo. Kung tayo ay mag-aaral, maghahanda, at magbabahagi ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu, “mas malinaw [natin] itong maipapaunawa,” at tuturuan at patototohanan ng Espiritu ang lahat ng nakikibahagi—ang mga miyembro, missionary, at maging ang investigator.
Ang Tanong na Bakit, Ano, at Paano
Ang tanong na bakit, ano, at paano tungkol sa gawaing misyonero ay mas lubos na ipinahayag sa Aklat ni Mormon kaysa iba pang aklat. Ito ay puno ng mga halimbawa ng mga taong nakaunawa at nagpagal sa pagtupad ng layunin ng missionary. Naglalaman ito ng pinakamalilinaw na paglalahad sa buong banal na kasulatan tungkol sa mga pangunahing doktrinang dapat nating ituro. Naroon ang diwang nagpapabalik-loob at patotoo sa katotohanan ng mga doktrinang ito. Babaguhin nito ang buhay ng lahat ng babasa nito at magdarasal dito nang taos-puso at may tunay na layunin (tingnan sa Moroni 10:3–5).
Pinagtitibay ng Aklat ni Mormon ang tunay na ginagampanan ni Jesucristo bilang Anak ng Diyos at Banal na Mesiyas. Pinalalakas nito ang pananalig sa Kanya. Inilalapit nito ang mga tao kay Cristo. Walang hanggan ang utang-na-loob natin sa mga may-akda nito at kay Propetang Joseph Smith na nagsalin nito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.
Pinatototohanan ko, tulad ng katiyakang buhay ang Panginoon, na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Ang patotoo nito tungkol kay Jesucristo ay totoo. Ang tagapagsalin nito, si Joseph Smith, ay dakilang Propeta ng Panunumbalik. Matuto mula sa Aklat ni Mormon, pag-aralan ito, magturo mula rito, mahalin ito, at kumilos ayon sa turo nito, at malalaman ninyo kung bakit natin ibinabahagi ang ebanghelyo at na pribilehiyo at tungkulin nating anyayahan at tulungan ang iba na lumapit kay Cristo.