2014
Pag-ani ng Diyos
Agosto 2014


Mensahe ng Unang Panguluhan

Pag-ani ng Diyos

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf
Larawan
Zucchini squash.

Paglalarawan ni Andrew Banneker

Minsa’y nagtrabaho ang isang babaeng nagngangalang Christa sa isang maliit na kumpanyang nagbebenta ng mga binhi. Mahal niya ang kanyang trabaho. Kahanga-hanga na bawat munting binhing ibinebenta niya ay nakayang baguhin ang sarili nito sa mahimalang paraan—naging isang carrot, repolyo, o malaking puno ng oak.

Gustung-gustong maupo ni Christa sa harap ng kanyang computer para tumanggap ng mga order at sumagot sa mga tanong. Ngunit isang araw nakatanggap siya ng reklamo na ipinagtaka niya.

“Hindi tumutubo ang mga binhi,” sabi ng kostumer. “Dalawang buwan ko nang nabili ang mga ito at wala pa rin.”

“Itinanim mo ba ito sa matabang lupa at diniligan mo at pinaarawan?” tanong ni Christa.

“Hindi, pero ginawa ko ang bahagi ko,” sagot ng kostumer. “Binili ko ang mga binhi. Tutal, garantisado namang tutubo ang mga ito.”

“Pero hindi mo itinanim ang mga ito?”

“Aba, hindi. Marurumihan ang mga kamay ko.”

Pinag-isipan ito ni Christa at nagpasiya siya na kailangang isulat ang mga gabay sa pagtatanim. Nagpasiya siya kung ano ang magiging unang gabay: “Kailangan ninyong sundin ang mga instruksyon para umusbong ang mga binhi. Hindi ninyo maaaring ilagay ang mga ito sa istante at asahan itong tumubo.”

Hindi nagtagal isa pang reklamo ang ipinagtaka niya.

“Hindi nagbubunga ang mga binhi,” reklamo ng kostumer.

“Itinanim mo ba ang mga ito sa matabang lupa?” sagot ni Christa. “Diniligan mo ba at pinaarawan nang sapat?”

“Oo naman,” giit ng kostumer. “Ginawa kong lahat iyan―ang mismong nakasaad sa pakete. Pero walang nangyari.”

“Wala nga bang nangyari? Umusbong ba ang mga ito?”

“Walang nangyari,” sabi ng kostumer. “Itinanim ko ang mga ito ayon sa tagubilin. Umasa akong makakakain ng kamatis sa hapunan. Ngayo’y lungkot na lungkot ako.”

“Sandali,” sagot ni Christa. “Sinasabi mo bang itinanim mo ang mga binhi ngayon?”

“Huwag kang magpatawa,” sagot ng kostumer. “Itinanim ko ang mga ito noong isang linggo. Hindi ko inasahang makakita ng mga kamatis sa unang araw; nagtiyaga ako. Ikukuwento ko sa iyo, ilang beses akong nagdilig at naghintay mula noon hanggang ngayon.”

Alam ni Christa na kailangan niyang magdagdag ng isa pang gabay: “Ang mga binhing ito ay sumusunod sa mga batas ng biology. Kung itatanim ninyo ang mga binhi sa umaga at aasahan ninyong makakain ng mga kamatis sa linggong iyon kalaunan, mabibigo kayo. Kailangan ninyong magtiyaga at maghintay na likas itong bumukadkad.”

Naging maayos ang lahat hanggang sa makatanggap si Christa ng isa pang reklamo.

“Dismayado ako sa mga binhi ninyo,” pagsisimula ng kostumer. “Itinanim ko ang mga ito ayon sa nakasaad sa pakete. Diniligan ko ang mga ito, tiniyak na maarawan ang mga ito, at naghintay ako hanggang sa wakas ay tumubo na rin ang mga ito.”

“Mukhang tama ang lahat ng ginawa mo,” sabi ni Christa.

“Ayos naman ang lahat,” sagot ng kostumer. “Pero zucchini ang naging bunga!”

“Nakasulat sa talaan ko na iyan nga ang mga binhing inorder mo,” sabi ni Christa.

“Pero ayaw ko ng zucchini; kalabasa ang gusto ko!”

“Hindi ko maintindihan.”

“Itinanim ko ang mga binhi sa taniman ko ng kalabasa—ang mismong lupang tinubuan ng mga kalabasa noong isang taon. Pinuri ko ang mga tanim araw-araw, na sinasabi sa mga ito kung gaano kagagandang kalabasa ang kalalabasan nila. Pero sa halip na malalaki, bilog, at kulay-kahel na mga kalabasa, mahahaba at berdeng zucchini ang nakuha ko. Tone-tonelada ang mga ito!”

Nalaman ni Christa noon din na maaaring hindi sapat ang mga gabay at kailangang maglagay rito ng isang tuntunin: “Ang binhing itatanim mo at ang panahon ng pagtatanim ang magpapasiya ng iyong aanihin.”

Ang Batas ng Pag-ani

Nagturo si Apostol Pablo tungkol sa pag-ani ng Diyos:

“Huwag kayong padaya; ang Dios ay hindi napabibiro: sapagka’t ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya.

“Sapagka’t ang naghahasik ng sa kaniyang sariling laman ay sa laman magaani ng kasiraan; datapuwa’t ang naghahasik ng sa Espiritu ay sa Espiritu magaani ng buhay na walang hanggan.

“At huwag tayong mangapagod sa paggawa ng mabuti: sapagka’t sa kapanahunan ay magsisipagani tayo, kung hindi tayo manganghihimagod” (Mga Taga-Galacia 6:7–9).

Nitong huling mga panahon, binigyan tayo ng Panginoon ng karagdagang karunungan at ideya tungkol sa di-mababagong batas na ito:

“May isang batas, hindi mababagong utos sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalay—

“At kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay” (D at T 130:20–21).

Kung ano ang ating itanim, siyang ating aanihin.

Ang kaluwalhatian ng pag-ani ng Diyos ay hindi kayang ilarawan. Sa mga taong gumagalang sa Kanya, dumarating ang Kanyang saganang pagpapala na “takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw. … Sapagka’t sa panukat na inyong isukat ay doon kayo muling susukatin”(Lucas 6:38).

Tulad ng mga binhi na nangangailangan ng pagsisikap at tiyaga, gayon din ang marami sa mga pagpapala ng langit. Hindi natin maaaring ilagay sa istante ang ating relihiyon at asahang aani tayo ng espirituwal na mga pagpapala. Ngunit kung itatanim at pangangalagaan natin ang mga pamantayan ng ebanghelyo sa buhay ng ating pamilya araw-araw, malaki ang posibilidad na magsisilaki ang ating mga anak na nagbubunga ng espirituwal na bunga na napakahalaga sa kanila at sa darating na mga henerasyon.

Ang mga sagot ng Diyos sa ating mga dalangin ay hindi laging dumarating kaagad—kung minsa’y parang hindi nga dumarating ang mga ito—ngunit batid ng Diyos ang pinakamainam para sa Kanyang mga anak. Tiyak na balang-araw ay mas malinaw tayong makauunawa; at sa araw na iyon ay makikilala natin ang kabaitan at kabutihang-loob ng langit.

Samantala, ang ating mithiin at malaking kagalakan ay ang sumunod sa mga yapak ng ating Panginoon at Tagapagligtas at mabuhay nang mabuti at dalisay para mapasaatin ang ipinangakong mahalagang pag-ani ng walang katumbas na mga pagpapala ng Diyos.

Kung ano ang ating itanim, siyang ating aanihin.

Iyan ang batas ng langit.

Iyan ang batas ng pag-ani ng Diyos.

Print