2014
Ang Pangakong Magkakasama Kami sa Hinaharap
Agosto 2014


Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo

Ang Pangakong Magkakasama Kami sa Hinaharap

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nang matuklasang may kanser ang asawa ko, pakiramdam ko ay magugunaw ang aming mundo. Sa walong anak na aalagaan, paano ko ito magagawa nang nag-iisa?

Profile of woman standing at the kitchen sink washing dishes, pondering. (horiz)

Isang maulap na umaga ng Linggo noon habang nakatayo ako sa tabi ng lababo sa kusina at hinuhugasan ang mga pinggan na ginamit sa almusal. Pinanonood ng dalawang pinakabata kong anak ang isang video ng banal na kasulatan sa sala na malapit sa kusina. Marami akong iniisip noon, at basa ng luha ang aking mga pisngi. Tila hindi ko maalis sa aking isipan ang kanser na dumapo sa aming tahanan. Ilang taon na itong nilalabanan ng aking asawa, ngunit ngayon ay kumalat na ito. Parang humihina na ang pananampalataya ko. Punung-puno ang isip ko ng mga tanong na “paano kung?”

Biglang natigil ang pag-iisip ko nang marinig ko mula sa video ng banal na kasulatan ang isang banayad na tinig, na nagsasabing: “Pumayapa, tumahimik ka. …

“Bakit kayo nangatakot? wala pa baga kayong pananampalataya?” (Marcos 4:39–40).

Binitawan ko ang pamunas ng pinggan at lumingon sa TV. Ang video ay tungkol sa Tagapagligtas na pinatitigil ang bagyo. Para bang ang mga salita ay sinabi sa akin mismo ng Tagapagligtas. Napuspos ako ng sigla at kapayapaan. Iyon ay paalala na dapat manatili akong tapat sa pananampalataya na lalo ko pang natutuhan sa napakaraming taon ng pakikipaglaban sa kanser. Ito ay pananampalataya na sinuportahan ng mga salita sa aking patriarchal blessing.

Natanggap ko ang aking patriarchal blessing noong 15 anyos ako. Ang isang pangungusap doon na tila naglalarawan ng isang bahagi ng aking kasal sa templo ang may dakilang pangako ngayon sa akin. Nagbanggit ito tungkol sa mabuting mayhawak ng priesthood na mapapangasawa ko at sinabi na siya ang “tutulong sa iyo, gagabay sa iyo at aalalay sa iyo, hindi lamang sa iyong kabataan kundi hanggang sa darating pang mga taon.”

Habang binabasa ko at muling binabasa ang aking patriarchal blessing sa mga taon ng pakikipaglaban sa kanser, ang pangungusap na iyon ay nagbigay sa akin ng malaking pag-asa. Sa bawat pagkakataon, napapalakas ang aking pananampalataya sa pangako na haharapin namin ang aming bukas nang magkasama. Naalala ko ang matinding kapanatagan na ibinigay sa akin ng Espiritu nang unang masuri ang asawa ko. Isinaulo ko ang bahaging iyon ng aking patriarchal blessing, at nang dumating ang hindi magandang resulta ng mga pagsusuri sa kanser, naalala ko ang pangakong iyon.

Natutuhan kong hayaan ang Tagapagligtas na buhatin kami, natutuhan ko na dapat palagi kong patatagin ang aking pananampalataya, at natutuhan kong labanan ang tumitinding pangamba nang may pananampalataya. Ang video nang umagang iyon ay nagpaalala sa akin na umasa sa Panginoon.

Ang pagkakaroon ng pananampalataya ay nagbibigay sa akin ng kakayahan na ipaubaya kay Jesucristo ang aking pasanin. Tulad ng mga tao ni Alma na hindi nadama ang bigat ng pasaning ipinataw sa kanila (tingnan sa Mosias 24:14), gayundin ang mangyayari sa aming pamilya sa pakikipaglaban sa kanser. Hinarap ng aming pamilya ang kanser nang hindi nadarama ang bigat na dulot ng pasaning ito.

Sumasailalim pa rin ang aking asawa sa mga pagsusuri para hanapin pa ang mga cancer cell o para makita ang posibleng mga bukol. May mga medical bills pa rin kami at natitirang epekto ng panggagamot. At palagi pa rin akong nananalangin araw-araw na mawala na ang kanser ng asawa ko. Dalangin ko na kapwa kami mabuhay nang matagal pa. Sinasabi ko rin sa Ama sa Langit na, “Gawin nawa ang Iyong kalooban.”

Hindi ko alam kung kailan ang “darating pang mga taon” na binanggit sa aking basbas. Umaasa ako na ang ibig sabihin ng mga salita sa aking patriarchal blessing ay makapagmimisyon pa kaming mag-asawa kapag malalaki na ang aming mga anak. Umaasa ako na ang ibig sabihin niyon ay ang aking asawa ang magpapatakbo sa aming kabayo habang nakasakay ang aming mga apo at mapapatalun-talon pa niya ang aming mga apo sa kanyang kandungan. Ngunit alam ko na kapag kinuha siya ng Diyos sa daigdig na ito, iyon ay ayon sa Kanyang panahon.

Hindi ko na iniisip pa kung kailan ang “darating pang mga taon” na iyon. Hindi na iyon mahalaga. Tiwala ako na tutuparin ng Panginoon ang ipinangako sa akin sa patriarchal blessing ko. Pinangalagaan Niya kami sa nakalipas na mga taon, at pangangalagaan Niya kami sa hinaharap.