Ang Bahaging para sa Atin
Mga Pamantayan at mga Kaibigan
Simula nang mag-aral ako, nagkaroon na ako ng mga kaibigang hindi makaunawa sa mga pamantayan ng moralidad ng ating relihiyon. Mahirap noong una, ngunit sa paglipas ng panahon nasanay na sila sa ideya na malinis ang aking pagkatao. Gumawa ako ng mithiin sa buhay na maging malinis at dalisay, at nangyari naman ito, kapwa para sa akin at sa mga taong dating namimintas sa akin. Sa paglipas ng panahon, ang paggalang, kapayapaan at kagalakan ay naging bahagi ng aming pagmamahalan bilang magkakaibigan.
Vitória M., Brazil
Pagpapatawad sa Aking mga Kaibigan
Dahil ako lang ang miyembro ng Simbahan sa barkadahan namin, may ilang pagkakataon na sumama ang loob ko sa mga kaibigan ko. Kung minsan hinuhusgahan at pinipintasan nila ang aking relihiyon. Pakiramdam ko ay nag-iisa ako, subalit nagpapasalamat ako na alam ko ang mga pamantayan ng Simbahan.
Kung sumasama ang loob ko sa mga kaibigan ko, sinisikap kong magpakumbaba at umiwas sa pagtatalo, dahil alam kong masama ang makipagtalo. Kapag sinisimulan nilang pag-usapan ang ilang bagay tungkol sa Simbahan, pinatototohanan ko lang ang paniniwala ko sa ebanghelyo.
Lagi kong pinatatawad ang mga kaibigan ko humingi man sila ng tawad o hindi. Ang pagpapatawad ay hindi lamang pagsasabi ng, “Pinatatawad na kita” o “OK lang,” dahil malalim ang kahulugan ng pagpapatawad: si Jesucristo ay nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan para mapatawad tayo ng Ama sa Langit.
Kahit hindi nauunawaan ng mga kaibigan ko ang pananampalataya ko ngayon, alam ko na maaari akong maging kasangkapan ng Diyos para ituro sa kanila ang ebanghelyo. Tinutulungan ko sila, at kasabay nito ay tinutulungan ko ang sarili ko na umunlad sa espirituwal at maghanda sa misyon.
Josue V., Philippines
Isa sa mga Paborito Kong Talata sa Banal na Kasulatan
Ginagamit ng ating Ama sa Langit ang “maliliit at mga karaniwang bagay” (Alma 37:6) upang isulong ang Kanyang gawain. Si Joseph Smith ay hindi isang dakilang tao sa paningin ng mundo, subalit ginamit siya ng Diyos para ipanumbalik ang Simbahan. At isang napakasimpleng bagay ang humantong sa Panunumbalik: ang panalangin. Huwag ninyong isipin na napakahamak ninyo para gumawa sa ubasan ng Panginoon. Ang pagiging mabuting halimbawa ay makakatulong sa kapitbahay ninyo na maging miyembro ng Simbahan. Hindi kailangan ng Diyos ang malalaking personalidad kundi mga tao lamang na tapat at masunurin.
Ronick R., Haiti