2014
Napakaraming Masasayang Alaala
Agosto 2014


Napakaraming Masasayang Alaala

Gina Sconiers, Utah, USA

Family in a flooded basement.

Mga paglalarawan ni Bradley Clark

Dahil sa mga lumang tubo ng tubig at hindi matatag na pundasyon, binabaha ang bahay na kinalakhan ko tuwing sapat ang ulan na dala ng bagyo. Dahil maaaring tumagal nang ilang oras ang mga bagyo sa Virginia, USA, madalas bumaha sa amin.

Sa tahanang iyon kami nakatira habang lumalaki ako, kaya naisip ko na normal lang ang pagbaha.

Pagkaraan ng ilang bagyo, pinahusay namin ang aming mga panlaban sa baha at natuto kaming magtulungan. Madalas dumating ang bagyo sa hatinggabi, at ginigising kaming lahat ng mga magulang ko para pumuwesto sa kani-kaniya naming trabaho habang unti-unting pumapasok sa silong ang tubig na parang mabagal na daloy ng kumukulong putik. Sasalukin ng kapatid kong lalaki at ni Itay ang tubig-baha sa may hagdanan at itatapon sa labas samantalang kami ng kapatid kong babae ay mabilis na ipinapasipsip sa mga tuwalya ang tubig-baha para hindi masira ang karpet.

Hagikgikan kami habang paluksu-lukso at pasayaw-sayaw sa ibabaw ng mga tuwalyang iyon, na nadarama ang basa sa pagitan ng mga daliri ng aming paa hanggang sa suot naming pantulog. Dali-daling pipigain ni Inay ang basang-basang mga tuwalya, ilalagay ang mga ito sa dryer, at magdadala ng mga bagong tuwalyang tatapakan namin. Kapag nadama namin na ligtas na sa baha ang bahay, pupunta na kami sa kusina para magpatuyo at magmemeryenda ng mainit na cocoa at cookies kapalit ng pagod namin. Pagkatapos, kung hindi pa oras para pumasok sa paaralan, sisikapin naming bumalik sa pagtulog.

Ang mga bahang ito ay malamang na labis na ikinabahala ng mga magulang ko, pero ginugunita ko ang mga ito bilang ilan sa pinakamasasayang sandali ng aking kabataan, kahit malakas ang kulog at matalim ang kidlat noon. Sa katunayan, sa amoy ng basang alpombra ay bumabalik pa rin sa akin ang mga alaalang ito ng pagsasama-sama ng aming pamilya.

Kakayaning mag-isa ng mga magulang ko na harapin ang pagbaha, pero natutuwa ako na pinatulong nila kaming lahat sa pagsasalba sa aming tahanan. Ang paglaban sa tubig-baha ay napakasayang kaganapan dahil sama-sama kami at may bahagi ang bawat isa sa amin.

Ngayong malaki na ako, iniisip ko ang mga araw na iyon at kung paano ako makalilikha ng gayunding saya sa pagtutulungan ng sarili kong mga anak. Bagaman nagpapasalamat ako na hindi binabaha ang bahay ko, alam ko na may isang bagay na hindi namin gusto na di-maiiwasang mangyari sa aming pamilya.

Anuman ang problemang haharapin ng pamilya ko sa hinaharap, sana’y magkasama-sama kami at magtulungan sa pagsalba sa aming mga pinahahalagahan, pananampalataya, at sa isa’t isa. Sa gayon marahil, maging sa paghihirap, maaari kaming magtawanan, ngumiti, at maging masaya habang magkakasama kaming gumagawa.