Hindi at Oo ang Sagot ng Ama sa Langit
Ang awtor ay naninirahan ngayon sa California, USA.
Akala ko sumagot ng hindi ang Ama sa Langit, pero ang sagot Niya pala talaga ay oo sa mas dakilang plano para sa buhay ko.
Sa Sweden, sa huling taon ko sa high school, nagpasiya akong mag-aplay sa Brigham Young University sa Utah. Isa lang ang problema: gaano ko man kataimtim na ipagdasal sa Diyos na pagtibayin ang desisyon ko, hindi naging tama ang pakiramdam ko kahit kailan. Naisip ko, “Hindi naman siguro posibleng hindi ang sagot, hindi kaya? Sa napakaraming paraan, tila BYU dapat ang tamang desisyon, lalo na dahil gusto kong makasal sa templo at mas malaki ang potensyal ko sa BYU kaysa sa Sweden.” Maliban kung hindi ito tama. Hindi tama para sa akin. Hindi pa panahon.
Dahil nasiraan ako ng loob, kinalimutan ko na ang plano kong mag-aral sa BYU at nag-aplay ako sa isang unibersidad sa Sweden. Halos kasabay ng pag-alis ko sana papuntang BYU, umibig ako kay Jonas—isang bagong returned missionary. Bagama’t maaari kaming dumalo pareho sa ilang aktibidad ng mga kabataan bago umalis si Jonas papuntang misyon, hindi ko siya napansin kahit kailan. Kung paanong hindi ko napansin ang kanyang karisma at nakakahawang halakhak ay isang hiwaga pa rin!
Noong bago pa lang ang aming relasyon, sinabi sa akin ni Jonas na nag-aplay siya sa BYU at inaasam niyang makapag-aral nang sumunod na semestre. Matapos ang kanyang unang semestre sa Provo, ikinasal kami sa templo at sabay kaming nag-aral sa BYU, at sabay kaming nakatapos ng pag-aaral.
Ngayon ay nililingon at nauunawaan ko kung bakit hindi ang sagot ng Ama sa Langit noong una—o talagang, “hindi pa”—sa aking taimtim na dalangin tungkol sa pag-aaral sa BYU. Bagama’t hindi ang sagot Niya sa hangarin ko noong panahong iyon, ang sinasabi Niya talaga ay oo sa isang mas mahalagang hangarin. Noong bata pa ako, madalas kong ipanalangin na sana’y magkatagpo kami ng mapapangasawa ko pagdating ng tamang panahon. Maaaring nagkita na kami sa BYU, pero naniniwala ako na, bilang bahagi ng mas dakilang plano, kinailangan naming magkatagpo ni Jonas sa Sweden. Marahil marami sa mga sagot na “hindi” ng Ama sa Langit sa ating mga dalangin ay mahahalagang bahagi ng mga sagot Niyang “oo” sa mas dakilang mga plano para sa ating buhay.
Mangyari ang Inyong Kalooban
Sa Getsemani, nanalangin si Jesucristo nang buong taimtim, “Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito.” Pagkatapos ay idinagdag Niya, “Gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39). Piniling inumin ni Jesucristo ang mapait na saro dahil alam Niya na bahagi ito ng mas dakilang plano ng Diyos na maglaan ng isang Tagapagligtas, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan (tingnan sa 3 Nephi 11:11).
Gayundin, alam natin na may plano ang ating Ama sa Langit para sa buhay natin. Kahit hindi natin alam ang mga detalye ng plano ng Diyos para sa atin, maaari tayong magtiwala sa mga sagot ng Ama sa Langit sa ating mga dalangin at magsabing, “Mangyari ang Inyong kalooban.”
Iniayon ni Cristo ang Kanyang kalooban sa Diyos, at nahayag ang dakilang planong kinabilangan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas para sa buong sangkatauhan. Gayundin, kapag iniayon natin ang ating kalooban sa Diyos, maihahayag ng Ama sa Langit ang mas dakilang plano para sa atin. Habang tayo’y nabubuhay, matatanggap natin ang mga pagpapalang isinamo ni Jesucristo sa Kanyang Panalangin ng Pamamagitan: “Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo, na sila nama’y sumaatin” (Juan 17:21).
Labis akong nagpapasalamat na magiliw na bumubulong ng hindi ang ating Ama sa Langit sa ilang dalangin para makasagot Siya ng matunog na oo sa iba.