2014
Ano ang Kakantahin Ko?
Agosto 2014


Ano ang Kakantahin Ko?

David M. Flitton, Utah, USA

A group of people sitting around a fire.  One man is standing.

Mga paglalarawan ni Bradley Clark

Noong naglilingkod ako bilang full-time missionary halos 40 taon na ang nakalipas sa bayan ng Levin, New Zealand, ako ang tumutugtog ng piano tuwing Martes para sa mga batang Primary. Tandang-tanda ko pa ang napakagandang damdamin ko sa mga batang ito habang sabay-sabay naming kinakanta ang mga awit sa Primary.

Noong Pebrero 2013, bumalik ako sa New Zealand para magbakasyon. Dahil hilig ko ang hiking, kumuha ako ng tiket para sa apat na araw na hiking excursion sa bantog na Milford Track sa Fiordland National Park sa South Island.

Kasama ko ang tatlong Amerikano at 37 iba pang mga hiker mula sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang na ang Australia, Brazil, England, Finland, Germany, Israel, at Uruguay. Sa aming pakikipagsapalaran, nagpalitan kami ng mga ideya, karanasan, at opinyon sa abot ng aming makakaya sa kabila ng pagkakaiba ng aming mga wika. Hindi nagtagal at naglaho ang aming mga pagkakaiba sa kultura at opinyon dahil lumalim ang aming pagkakaibigan.

Sa pagtatapos ng aming ikatlong araw sa hiking, gusto ng isa sa mga hiker na tumatag pa ang aming pagkakaibigan at biglang tumayo, at sinabing dapat kaming magdaos ng talent show. Siya raw ang magpapasimula ng pagtatanghal. Pinili niyang ibahagi ang kanyang talento sa pagkukuwento, na ginagawa niya sa kanyang opisina sa Cesarea, Israel. Maganda ang kuwento niya, kaya’t sinabi niya na may isa pa siyang ikukuwento. Ngunit nang gumamit siya ng ilang malalaswang pananalita, natanto ko na madaling papangit ang gabing iyon.

Habang nagkukuwento siya, nakadama ako ng malakas na impresyong kumanta para sa grupo. Ngunit ano ang kakantahin ko para sa mga bagong kaibigan ko na nagmula sa iba’t ibang panig ng mundo? Malakas ang dating ng sagot sa akin: “Ako ay Anak ng Diyos” (Mga Himno, blg. 189).

Nag-alala ako ngunit humugot ako ng lakas sa mga alaala at pagmamahal ko sa mga batang Primary ng New Zealand. Tumayo ako at nagpaliwanag na kakantahin ko ang isang espesyal na awiting halos 40 taon na ang nakalipas mula nang kantahin namin ng mga bata sa New Zealand. Ipinaliwanag ko na naging missionary ako, tinuruan ko ang mga batang ito, at natutuhan ko silang mahalin. Pagkatapos ay tahimik akong nanalangin, at humingi ng tulong na makakanta ako sa paraang mapagpapala ang grupo.

Maganda ang pagkaawit ko, at pagkatapos ay nadama ko ang Espiritu. Ngumiti ang mga bago kong kaibigan, at tila binuksan ng awitin ang puso nila. Hindi nagtagal ay tumayo ang iba at nagsimulang magbahagi ng kanilang talento sa musika. Isang grupo ng apat na babae, na atubiling sumali noong una, ang kumanta ng mga piling tugtugin mula sa koro ng kanilang simbahan. Isa pang hiker ang nagturo sa amin ng isang katutubong awiting Judio.

Sa pagtatapos ng talent show, kumanta ang isang magandang dalaga mula sa Australia ng tatlong awitin sa Maori, na kanyang katutubong wika. Tunay na napuspos kami ng Espiritu ng ating Ama sa Langit at natulungan kaming matanto na kaming lahat ay anak ng Diyos, hindi na “mga taga ibang lupa at mga manglalakbay” (Mga Taga-Efeso 2:19) mula sa iba’t ibang lupain.

Nagpapasalamat ako sa mga batang iyon sa Primary sa maliit na bayan ng Levin na tumulong na maituro sa akin ang katotohanan na lahat tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit. Masaya rin ako na ang mga alaalang iyon ay nagpalakas ng loob ko na ibahagi ang patotoong iyon sa pamamagitan ng awit.