Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary
Ang mga Makabuluhang Aktibidad ay Magpapatatag sa Aking Pamilya
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Alamin ang iba pa tungkol sa tema ng Primary sa buwang ito!
Nainip si Lucas. Nilibot niya ang buong kabahayan para makahanap ng kalaro. Ang kapatid niyang si Ben ay naglalaro sa computer. Ang kapatid niyang si Sophie ay nagte-text sa kanyang kaibigan. Iniisa-isa naman ni Inay ang mga liham, at nagbabasa si Itay.
“Nakakainip naman dito,” sabi ni Lucas.
Tumigil si Itay sa kanyang pagbabasa at tumingin sa kanya. “Ano ang ibig mong sabihin?”
“Wala po tayong magawa nang sama-sama,” sabi ni Lucas. “Lahat tayo ay may kani-kanyang ginagawa.”
Isinara ni Itay ang kanyang aklat. “Tama ka,” sabi niya. “Titipunin ko ang pamilya, at may gagawin tayong nakakatuwa.”
Ngumiti si Lucas. “Ayos!”
Pagkaraan ng ilang minuto magkakasamang naupo ang pamilya ni Lucas, na iniisip kung ano ang gagawin. Gustong i-text ni Sophie ang kaibigan niya. Gustong laruin ni Ben ang kanyang computer game.
“Gusto ng kaibigan kong si Paul na maglakad-lakad na kasama ang kanyang pamilya,” sabi ni Lucas. “At gusto ng pamilya ni Alexander na maglaro ng isport.”
Pero ayaw lumabas ni Sophie kapag mainit ang panahon, at ayaw maglaro ni Ben dahil masakit ang paa niya.
“Nakakatuwa ang ginagawa ng mga kaibigan mo, Lucas,” sabi ni Inay, “pero ano ang gustong gawin ng ating pamilya?”
Sinabi ni Ben na gusto niyang maglaro ng board games. Sinabi ni Sophie na gusto niyang magbasa. Sinabi ni Lucas na gusto niya ng karerahan ng kotse.
“Pumili tayo ng isa sa mga iyon na gagawin natin ngayon,” sabi ni Itay. “Bakit hindi muna tayo maglaro ng board game?”
Di nagtagal at pumalibot na sila at nagsimulang maglaro. Maya-maya ay itinabi ni Sophie ang cell phone niya. Tumigil si Ben sa pagtingin sa computer. Sa pagtatapos ng laro, nakangiti ang lahat, pero ang ngiti ni Lucas ang pinakamalaki.