2014
Labanan ang Hatak ng Mundo: Sumulong nang May Pananampalataya
Agosto 2014


Para sa Lakas ng mga Kabataan

Labanan ang Hatak ng Mundo Sumulong nang May Pananampalataya

Larawan
Official portrait of Bonnie Lee Green Oscarson, Young Women general president, 2013. Sustained at the April 2013 general conference.

Habang patuloy kayong sumusulong sa buhay, maaari kayong manatiling matwid kahit sinisikap kayong hatakin ng mga puwersa sa labas.

Larawan
girl on bike on a trail

Paglalarawan ni Julia Yellow

Natanggap ko ang unang bisikleta kong dalawa ang gulong noong walong taong gulang ako. Sa tulong ng kuya at tatay ko, sinimulan ko ang medyo nakakatakot na prosesong pag-aralan kung paano sakyan ito. Parang napakadali at natural sa ibang mga bata sa kapitbahayan na pabalik-balik na patakbuhin nang matulin ang kanilang bisikleta sa kalye. Sumakay ako sa upuan ng bisikleta—na tila di-kukulangin sa 10 talampakan (3 m) ang taas mula sa lupa—at natanto ko na talagang hindi ko maiiwasang matumba at mapatunayan na talagang malakas ang hatak ng mundo.

Nang subukan kong patakbuhin ito, nalaman ko kaagad na kung gusto kong manatiling balanse, kailangan kong pumadyak nang pumadyak. Nang una akong maupo sa upuan, pagpapatulin ang huling bagay na gusto kong idagdag sa nakakatakot na karanasang iyon. Ngunit naunawaan ko kaagad ang dapat kong gawin at kung paano ito patakbuhin. Basta’t pumadyak ako nang pumadyak, mananatiling tuwid ang bisikleta at maiiwasan ko ang mga baku-bakong daan na naghihintay lang na balatan ang mga paa’t kamay ko. Hindi nagtagal mabilis na rin akong magbisikleta sa lugar namin kasama ang mga kaibigan ko.

Ganito rin sa pamumuhay ng ebanghelyo at ng mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Kailangan ng pananampalatayang maniwala na kung lagi nating susundin ang payo ng Unang Panguluhan na nakabalangkas sa buklet na iyon, magiging balanse at matatag ang buhay natin. Tayo ay maaakay kung saan natin gustong pumunta.

Kailangan tayong patuloy na sumulong para hindi tayo matumba. Para magawa iyan, dapat nating gawin ang ilang hakbang nang palagian at matapat:

  • Manalangin sa umaga at gabi.

  • Pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw.

  • Dumalo sa mga miting ng Simbahan at makibahagi ng sakramento nang karapat-dapat.

  • Paglingkuran ang mga nasa paligid natin.

  • Maging karapat-dapat na pumasok sa templo.

Lahat ng hakbang na ito ay patuloy na magsusulong sa atin sa tamang direksyon.

Kaya makakatulong ang pagbabasa at pagiging pamilyar sa mga pamantayang nakalarawan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan para matiyak natin na naaayon sa mga pamantayan ng Diyos ang ating mga pagpapasiya. Ang pamumuhay ayon sa mga alituntuning ito at pagsunod sa mga kautusan ay mag-aanyaya sa Espiritu Santo na makasama natin palagi. Tulad ng mga taong padyak nang padyak sa bisikleta para manatili itong tuwid sa kabila ng hatak ng mundo, malalabanan ng mga taong ginagabayan ng Banal na Espiritu sa lahat ng kanilang ginagawa ang hatak ng kaaway.

Ano ang mga iniisip ninyong patunguhan habang pumapadyak kayo pasulong? Para sa lahat ng kabataang lalaki ng Aaronic Priesthood, ang paghahanda ngayon para sa full-time mission ay mahalaga sa pagsulong at pag-unlad. Para sa lahat ng kabataan, ang pagiging handang makapunta sa templo at tumanggap ng endowment sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan ay dapat ding maging pangunahin ninyong mithiin.

Tulad ng sinasabi sa mensahe ng Unang Panguluhan sa simula ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Sa lahat ng inyong ginagawa, manatiling nakatuon sa templo. Sa templo matatanggap ninyo ang pinakadakila sa lahat ng pagpapala ng Panginoon, kabilang na ang kasal para sa panahong ito at sa kawalang-hanggan.”1 Ang pagtanggap sa tipan ng walang-hanggang kasal sa bahay ng Panginoon at pagiging mabuting asawa, ama, at ina ay tila malayo pang mangyari, ngunit ngayon ang panahon para magsimulang maghanda. Lahat ng bagay na ito ay humahantong sa napakaluwalhati at dakilang patutunguhan ng lahat—ang buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit.

Ibinubuod ng isa sa mga paborito kong talata sa banal na kasulatan ang dapat nating gawin para patuloy tayong sumulong tungo sa ating mga mithiin: “Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig ng Diyos at ng lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20).

Tulad nang matutuhan ko noong walong-taong-gulang na bata ako na kailangan kong pumadyak nang pumadyak at sumulong para malabanan ang hatak ng mundo at manatiling balanse sa aking bisikleta, mahalaga para sa ating lahat na patuloy na sumulong nang may pananampalataya, na nagtitiwala sa payo ng mga buhay na propeta at ng mapagmahal na Ama sa Langit para hindi tayo matumba. Ang ilan sa ating mga patutunguhan ay malapit na nating marating samantalang ang iba ay mangangailangan ng habambuhay na tapat na pamumuhay upang makamtan. Ang mga pangakong naghihintay sa dulo ng landas, kung tayo ay tapat, ay tiyak at maluwalhati at sulit ang paglalakbay.

Tala

  1. Para sa Lakas ng mga Kabataan (2011), ii.

Print