Hindi Kasalanan ang Maging Mahina
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ang mga limitasyon at kakulangan ay hindi mga kasalanan at hindi hadlang para maging malinis at marapat tayo sa Espiritu.
“Talaga bang karapat-dapat akong pumasok sa bahay ng Diyos? Paano ako magiging karapat-dapat kung hindi ako perpekto?”
“Talaga bang magagawang kalakasan ng Diyos ang aking kahinaan? Ilang araw na akong nag-ayuno at nanalangin para maalis sa akin ang problemang ito, pero tila walang nagbabago.”
“Sa aking misyon noon mas matatag kong naipamuhay ang ebanghelyo kaysa anumang panahon sa buhay ko, pero ngayon ko lang higit na nabatid ang mga pagkukulang ko. Bakit kung minsan, kapag nagpapakabait ako, hindi maganda ang pakiramdam ko?”
Habang pinag-iisipan natin ang gayong mga tanong, mahalagang maunawaan na samantalang ang kasalanan ay inilalayo tayo sa Diyos, ang kahinaan, sa kabilang banda, ay inaakay tayo nito palapit sa Kanya.
Pagkilala sa Kaibhan ng Kasalanan at ng Kahinaan
Karaniwa’y iniisip natin na ang kasalanan at kahinaan ay magkakaibang laki lang ng itim na mantsa sa ating kaluluwa, magkakaibang tindi ng pagkakasala. Ngunit ipinahihiwatig sa mga banal na kasulatan na ang kasalanan at kahinaan ay talagang magkaiba, nangangailangan ng magkaibang lunas, at maaaring magbunga ng magkaibang resulta.
Karamihan sa atin ay mas pamilyar sa kasalanan kaysa gusto nating aminin, ngunit repasuhin natin: Ang kasalanan ay isang pagpapasiyang suwayin ang mga utos ng Diyos o magrebelde laban sa Liwanag ni Cristo na taglay natin. Ang kasalanan ay isang pagpapasiyang magtiwala kay Satanas kaysa sa Diyos, na dahilan para maging kaaway tayo ng ating Ama. Hindi tulad natin, si Jesucristo ay walang bahid ng kasalanan at maaaring magbayad-sala para sa ating mga kasalanan. Kapag taos-puso tayong nagsisi—kabilang na ang pagbabago ng ating isipan, puso, at pag-uugali; angkop na paghingi ng paumanhin o pagtatapat; pagbabayad kung maaari; at hindi na pag-ulit ng kasalanang iyon sa hinaharap—magkakaroon ng epekto sa atin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mapapatawad tayo ng Diyos, at magiging malinis muli.
Ang pagiging malinis ay mahalaga dahil walang maruming bagay na makapananahanan sa piling ng Diyos. Ngunit kung ang tanging mithiin lamang natin ay manatiling walang malay tulad noong umalis tayo sa piling ng Diyos, mas mabuti pang mahiga na lang tayong lahat nang panatag sa ating kuna sa buong buhay natin. Bagkus, naparito tayo sa lupa upang matuto sa karanasan upang makilala ang mabuti sa masama, umunlad sa karunungan at kasanayan, ipamuhay ang ating mga pinahahalagahan, at magtamo ng mga katangian ng kabanalan—pag-unlad na hindi natin magagawa kung naroon lang tayo sa kuna.
Malaki ang papel na ginagampanan ng kahinaan ng tao sa mahahalagang layuning ito ng mortalidad. Nang mag-alala si Moroni na magiging dahilan ang kanyang kahinaan sa pagsulat para kutyain ng mga Gentil ang mga sagradong bagay, pinanatag siya ng Panginoon sa mga salitang ito:
“At kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27; tingnan din sa I Mga Taga Corinto 15:42–44; II Mga Taga Corinto 12:7–10; 2 Nephi 3:21; at Jacob 4:7).
Ang implikasyon ng pamilyar na banal na kasulatang ito ay malalim at inaanyayahan tayong makilala ang kasalanan (na udyok ni Satanas) mula sa kahinaan (na inilarawan dito bilang isang kundisyong “bigay” sa atin ng Diyos).
Maaari nating ipakahulugan ang kahinaan bilang limitasyon sa ating karunungan, kakayahan, at kabanalan bilang tao. Bilang mga mortal isinilang tayong mahina at umaasa sa iba, na may iba’t ibang mga pisikal na kapintasan at pag-uugali. Lumaki at napapaligiran tayo ng iba pang mahihinang tao, at ang kanilang mga turo, halimbawa, at pakikitungo sa atin ay may mali at kung minsan ay nakapipinsala. Sa ating mahina at mortal na kalagayan dumaranas tayo ng pisikal at emosyonal na karamdaman, gutom, at pagod. Nakadarama tayo ng mga damdaming tulad ng galit, pighati, at takot. Kulang tayo ng karunungan, kasanayan, tibay, at lakas. At dumaranas tayo ng maraming uri ng tukso.
Bagama’t Siya ay walang kasalanan, lubos na sumama sa atin si Jesucristo sa kalagayan ng kahinaan ng tao (tingnan sa II Mga Taga Corinto 13:4). Siya ay isinilang bilang isang walang-lakas na sanggol na may katawang mortal at pinalaki ng di-perpektong mga tagapag-alaga. Kinailangan niyang matutong lumakad, magsalita, magtrabaho, at makisama sa iba. Siya ay nagutom at napagod, nadama ang nadarama ng tao, at maaaring magkasakit, magdusa, labasan ng dugo, at mamatay. Siya ay “tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayon ma’y walang kasalanan,” at naging mortal upang Siya ay “mahabag sa ating kahinaan” at tulungan tayo sa ating mga kahinaan o karupukan (Sa mga Hebreo 4:15; tingnan din sa Alma 7:11–12).
Hindi natin maaaring pagsisihan lamang ang pagiging mahina—ni hindi tayo nagiging marumi dahil sa ating kahinaan. Hindi maaaring umunlad ang ating espirituwalidad maliban kung tanggihan natin ang kasalanan, ngunit hindi rin umuunlad ang ating espirituwalidad maliban kung tanggapin natin ang ating kahinaan bilang tao, tugunan ito nang may pagpapakumbaba at pananampalataya, at matutong magtiwala sa Diyos dahil sa ating kahinaan. Nang mag-alala si Moroni tungkol sa kahinaan niya sa pagsulat, hindi siya pinagsisi ng Diyos. Sa halip, tinuruan siya ng Panginoon na magpakumbaba at sumampalataya kay Cristo. Kapag tayo ay maamo at tapat, nag-aalok ng biyaya ang Diyos—hindi ng pagpapatawad—bilang lunas sa kahinaan. Ang kahulugan ng biyaya sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan ay isang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan mula sa Diyos na gawin ang hindi natin kayang gawing mag-isa (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya”)—ang angkop na banal na lunas upang magawa Niya “ang mahihinang bagay na maging malalakas.”
Pagpapakumbaba at Pagsampalataya
Noon pa man sa ating karanasan sa Simbahan, itinuro sa atin ang mahahalagang bahagi ng pagsisisi, ngunit paano ba talaga tayo magpapakumbaba at sasampalataya? Isipin ang mga sumusunod:
-
Magbulay-bulay at magdasal. Dahil tayo ay mahihina, maaaring hindi natin malaman kung nahaharap tayo sa kasalanan (na nangangailangan ng agaran at lubos na pagbabago ng isipan, puso, at pag-uugali) o sa kahinaan (na nangangailangan ng pagpapakumbaba, patuloy na pagsisikap, pag-aaral, at pagpapakabuti). Ang pagtingin natin sa mga bagay na ito ay maaaring depende sa pagpapalaki sa atin at kahustuhan ng ating isip. Maaari pa ngang may bahid kapwa ng kasalanan at kahinaan sa iisang pag-uugali. Ang pagsasabi na ang isang kasalanan ay talagang isang kahinaan ay humahantong sa pangangatwiran sa halip na sa pagsisisi. Ang pagsasabi na ang isang kahinaan ay isang kasalanan ay maaaring mauwi sa kahihiyan, paninisi, kawalang-pag-asa, at pagtalikod sa mga pangako ng Diyos. Ang pagbubulay at pagdarasal ay tumutulong sa atin na makita ang mga pagkakaibang ito.
-
Ayusin ang mga prayoridad. Dahil mahina tayo, hindi natin magagawa nang biglaan ang bawat kinakailangang pagbabago. Kapag mapagpakumbaba at tapat nating sinisikap na madaig ang ating kahinaan nang pailan-ilang aspeto sa bawat pagkakataon, unti-unti nating mababawasan ang ating kamangmangan, makakagawian natin ang mabubuting ugali, madaragdagan natin ang ating pisikal at emosyonal na kalusugan at katatagan, at mapapalakas natin ang ating tiwala sa Panginoon. Matutulungan tayo ng Diyos na malaman kung saan magsisimula.
-
Magplano. Dahil mahina tayo, kailangan ng higit pa sa mabuting hangarin at matinding disiplina sa sarili para tayo lumakas. Kailangan din tayong magplano, matuto sa mga pagkakamali, magkaroon ng mas epektibong mga estratehiya, magbago ng ating mga plano, at magsikap muli. Kailangan natin ng tulong mula sa mga banal na kasulatan, mga angkop na aklat, at iba pang mga tao. Magsisimula tayo sa maliit, magagalak sa pag-unlad, at gagawin ang lahat (kahit madali tayong masaktan at manghina dahil dito). Kailangan natin ng suportang tutulong sa atin na gumawa ng mabubuting pasiya kahit pagod tayo o pinanghihinaan ng loob at ng mga plano kung paano magbalik sa tamang landas kapag nagkamali tayo.
-
Magtiyaga. Dahil mahina tayo, maaaring matagalan ang pagbabago. Hindi natin basta tinatalikuran ang ating kahinaan sa paraan ng pagtalikod natin sa kasalanan. Ang mapagpakumbabang mga disipulo ay kusang ginagawa ang kailangan, natututo ng katatagan, patuloy na nagsisikap, at hindi sumusuko. Ang pagpapakumbaba ay tinutulungan tayong maging matiyaga sa kahinaan natin at ng iba. Ang pagtitiyaga ay nagpapakita ng ating pananampalataya sa Panginoon, ng pasasalamat sa Kanyang tiwala sa atin, at ng tiwala sa Kanyang mga pangako.
Kahit tayo ay taos na magsisi sa ating mga kasalanan, magtamo ng kapatawaran, at maging malinis na muli, nananatili tayong mahina. Nakakaranas pa rin tayo ng karamdaman, silakbo ng damdamin, kamangmangan, mga likas na ugali, kapaguran, at tukso. Ngunit ang mga limitasyon at kakulangan ay hindi kasalanan at hindi hadlang sa ating pagiging malinis at marapat sa Espiritu.
Kahinaan tungo sa Kalakasan
Bagama’t pursigido si Satanas na gamitin ang ating kahinaan para tuksuhin tayong magkasala, maaaring gamitin ng Diyos ang kahinaan ng tao para turuan, palakasin, at pagpalain tayo. Gayunman, salungat sa ating inaasahan o inaasam, hindi laging ginagawa ng Diyos “ang mahihinang bagay na maging malalakas” sa atin sa pamamagitan ng pag-aalis ng ating mga kahinaan. Nang paulit-ulit na manalangin si Apostol Pablo sa Diyos na alisin ang “tinik sa laman” na ginamit ni Satanas para pahirapan siya, sinabi ng Diyos kay Pablo, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo: sapagka’t ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan” (II Mga Taga Corinto 12:7, 9).
Maraming paraan ang Panginoon para gawin “ang mahihinang bagay na maging malalakas.” Bagama’t maaalis Niya ang kahinaan sa pamamagitan ng pambihirang lunas na inaasam natin, sa aking personal na karanasan ay medyo bihira ito. Halimbawa, wala akong nakikitang katibayan na inalis ng Diyos ang kahinaan ni Moroni sa pagsulat matapos ang pamilyar na talata sa Eter 12. Magagawa rin ng Diyos na maging malalakas ang mahihinang bagay sa pamamagitan ng pagtulong sa atin na lunasan ang ating mga kahinaan, magkaroon ng angkop na kasiyahan o pananaw tungkol dito, at unti-unti itong palakasin sa paglipas ng panahon. Gayundin, madalas ay magkakaugnay ang mga kalakasan at kahinaan (katulad ng kalakasan na pagiging matiyaga at ng kahinaan na katigasan ng ulo), at maaari tayong matutong pahalagahan ang kalakasan at pigilin ang kahinaang kaakibat nito.
May isa pa, na mas mabisang paraan na ginagawa ng Diyos para gawing malakas sa atin ang mahihinang bagay. Sabi ng Panginoon kay Moroni sa Eter 12:37, “Dahil sa kinilala mo ang iyong kahinaan ikaw ay gagawing malakas, maging hanggang sa pag-upo sa lugar na inihanda ko sa mga mansiyon ng aking Ama.”
Dito ay hindi nag-alok ang Diyos na baguhin ang kahinaan ni Moroni, kundi baguhin si Moroni. Sa pagsisikap na madaig ang kahinaan ng tao, maaaring matuto si Moroni—at tayo—ng pag-ibig sa kapwa, habag, kaamuan, tiyaga, lakas ng loob, mahabang pagtitiis, karunungan, tibay ng katawan, pagpapatawad, katatagan, pasasalamat, pagkamalikhain, at marami pang ibang magagandang katangian na ginagawa tayong mas katulad ng ating Ama sa Langit. Ito mismo ang mga katangiang pagbubutihin natin kaya tayo naparito sa lupa, mga katangian ni Cristo na maghahanda sa atin para sa mga mansiyon sa langit.
Higit na napatunayan ang pag-ibig, karunungan, at kapangyarihang tumubos ng Diyos sa Kanyang kakayahan na gawing makadiyos na mga katangian at kalakasan ang ating pakikibaka sa kahinaan kaya tayo nagiging higit na katulad Niya.