Ang Parking Ticket
Ang awtor ay naninirahan sa Baja California, Mexico
Nagpunta ako sa sinehan kasama ang ilang kaibigan ko sa simbahan. Pagpasok namin sa mall, binigyan kami ng tiket sa parking. Nang matapos ang pelikula, naiwala pala namin ang parking ticket. Noong una inisip naming bayaran na lang ang tiket, pero wala ni isa man sa amin ang may 180 pesos na pambayad sa multa.
Kapag hindi namin binayaran ang parking, maiiwan ang kotse sa mall para ipahila, at mas magastos pa iyon. Nanlumo ang mga kaibigan ko, lalo na ang nagmaneho dahil sa tatay niya ang kotse. Lumayo ako para magdasal. Hiniling ko sa Ama sa Langit nang buong pananalig at pagpapakumbaba na maglaan ng paraan para malutas namin ang problema at makauwi kami nang ligtas sa aming mga tahanan. Hindi ko malilimutan ang nangyari ilang segundo lamang pagkatapos kong magdasal.
Habang naglalakad ako pabalik sa kotse, may tumawag sa pangalan ko. Si Francisco iyon, kaibigan ko sa hayskul. Itinanong niya kung ano ang ginagawa ko, at sinabi ko sa kanya ang nangyari. Walang pag-aatubiling inilabas niya ang kanyang pitaka at binigyan ako ng sapat na pambayad sa nawalang tiket. Ang kabaitang ito ay dagliang sagot sa aking mga pagsamo sa Ama sa Langit.
Maaaring hindi malaman ni Francisco kailanman na napakalaking tulong niya, pero alam ko na labis ko itong ipagpapasalamat habang ako’y nabubuhay.
Kung minsan ang mga paraan ng pagsagot ng Ama sa Langit sa ating mga dalangin ay nakakamangha, ngunit hindi iyon nagkataon lamang. Kilalang-kilala tayo ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo at ginagabayan ang ating buhay.
Alam ko na kapag namuhay tayo nang matwid, matatamasa natin ang di-mabilang na mga pagpapalang tanging ang Ama sa Langit ang makapagbibigay sa atin, kabilang na ang Kanyang pangako sa atin na “kung gagawin [natin] ang mga bagay na ito, [tayo] ay dadakilain sa huling araw” (Alma 37:37).