Hindi Pagiging Kuntento sa Ating Espirituwalidad
Ang hindi pagiging kuntento sa ating espirituwalidad ay magtutulak sa atin na kumilos nang may pananampalataya, sumunod sa paanyaya ng Tagapagligtas na gumawa ng kabutihan, at mapagkumbabang ilaan ang ating buhay sa Kanya.
Noong nasa elementarya ako, naglalakad kami pauwi sa aspaltadong bulaos na paliku-liko sa itaas ng gilid ng burol. May isa pang bulaos, na hindi aspaltado, na tinatawag na “boys’ trail.” Ang boys’ trail ay isang daanan sa lupa na hindi aspaltado na dire-diretso paakyat ng burol. Mas maikli iyon pero mas matarik. Noong bata pa ako, alam ko na kaya kong lakarin ang anumang bulaos na kayang lakarin ng mga batang lalaki. Ang mas mahalaga, alam ko na nabubuhay ako sa mga huling araw at na kailangan kong gumawa ng mahihirap na bagay, tulad ng ginawa ng mga pioneer—at gusto kong maging handa. Kaya paminsan-minsan, nagpapahuli ako sa mga kaibigan ko sa aspaltadong bulaos, naghuhubad ng sapatos, at naglalakad nang nakapaa paakyat ng boys’ trail. Sinubukan kong palakasin ang mga paa ko.
Noong nasa Primary ako, iyan ang inakala kong kaya kong gawin upang makapaghanda. Ngayo’y iba na ang alam ko! Sa halip na maglakad nang nakapaa paakyat ng mga bulaos sa bundok, alam ko na maihahanda ko ang mga paa ko sa pagtahak sa landas ng tipan sa pamamagitan ng pagtugon sa mga paanyaya ng Espiritu Santo. Sapagkat tinatawag ng Panginoon ang bawat isa sa atin, sa pamamagitan ng Kanyang propeta, na mamuhay at mangalaga sa “mas dakila at mas banal na paraan” at “magpakabuti pa nang kaunti.”1
Ang mga panawagang ito ng propeta na kumilos, na sinamahan ng ating likas na pakiramdam na may mas magagawa at mas kahihinatnan pa tayo, ay nagpapadama sa atin kung minsan ng tinatawag ni Elder Neal A. Maxwell na “hindi pagiging kuntento sa ating espirituwalidad.”2 Hindi tayo nakukuntento sa ating espirituwalidad kapag ikinukumpara natin “kung sino tayo [sa] kung ano ang ating maaabot.”3 Nadarama ng bawat isa sa atin, kung tayo ay matapat, na may kaibhan ang ating kasalukuyang kakayahan at espirituwalidad sa kung sino tayo, at ang ating kasalukuyang kakayahan at espirituwalidad sa kung ano ang nais nating kahinatnan. Hinahangad nating maragdagan pa ang ating kakayahan. Nadarama natin ito dahil tayo ay mga anak ng Diyos, na isinilang na may Liwanag ni Cristo ngunit nabubuhay sa mundong puno ng kasamaan. Ang mga damdaming ito ay mula sa Diyos at nagbubunsod ng agarang pagkilos.
Dapat nating tanggapin ang pakiramdam na hindi tayo kuntento sa ating espirituwalidad na naghihikayat sa atin na piliin ang mas mataas na landas, habang inaalam at iniiwasan natin ang panlilinlang ni Satanas—ang nakapaparalisang panghihina ng loob. Ito ay isang pagkakataong gustung-gustong samantalahin ni Satanas. Maaari nating piliing lumakad sa mas mataas na landas na umaakay sa atin na hanapin ang Diyos at ang Kanyang kapayapaan at biyaya, o maaari tayong makinig kay Satanas, na walang tigil sa pagsasabi sa atin na kailanma’y hindi tayo magiging sapat: sa yaman, sa talino, sa ganda, o sa anupaman. Ang hindi natin pagiging kuntento ay maaaring maging banal—o manghina.
Kumilos nang May Pananampalataya
Ang isang paraan para makilala ang kaibhan sa pagitan ng hindi pagiging kuntento sa ating espirituwalidad at ng panlilinlang ni Satanas ay na ang hindi pagiging kuntento sa ating espirituwalidad ay hihikayatin tayong kumilos nang may pananampalataya. Ang hindi pagiging kuntento sa ating espirituwalidad ay hindi isang paanyaya na gawin lang natin ang mga bagay na komportable na tayong gawin, ni hindi tayo uudyukan nito na mawalan ng pag-asa. Nalaman ko na kapag lagi kong iniisip ang mga bagay na hindi akma sa akin, hindi ako umuunlad at mas nahihirapan akong madama at masunod ang Espiritu.4
Noong binatilyo na si Joseph Smith, alam na alam na niya ang kanyang mga kahinaan at nag-alala siya sa “kapakanan ng imortal [niyang] kaluluwa.” Sinabi niya, “Nabagabag nang husto ang aking isipan, sapagkat nadama ko ang bigat ng aking mga kasalanan at … nagdalamhati ako dahil sa sarili kong mga kasalanan at sa mga kasalanan ng mundo.”5 Inakay siya nito sa “matamang pagmumuni-muni at malaking pagkabahala.”6 Pamilyar ba sa inyo iyan? Nababahala ba kayo o nababagabag sa inyong mga pagkukulang?
May ginawa si Joseph tungkol diyan. Sabi niya, “Madalas kong sabihin sa aking sarili: Ano ang nararapat gawin?”7 Kumilos si Joseph nang may pananampalataya. Bumaling siya sa mga banal na kasulatan, binasa niya ang paanyaya sa Santiago 1:5, at humingi siya ng tulong sa Diyos. Ang ibinungang pangitain ang nagpasimula sa Panunumbalik. Nagpapasalamat ako na ang hindi pagiging kuntento ni Joseph sa kanyang espirituwalidad, ang kanyang pagkabahala at pagkalito, ay nagtulak sa kanya na kumilos nang may pananampalataya.
Sundin ang mga Pahiwatig na Gumawa ng Kabutihan
Kadalasa’y idinadahilan ng mundo ang hindi pagiging kuntento para magtuon tayo sa sarili, mabaling ang ating isipan sa nakaraan at lagi nating pag-isipan kung sino ako, ano ang hindi ako, at ano ang gusto ko. Ang hindi pagiging kuntento ay naggaganyak sa atin na sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas, na “naglilibot na gumagawa ng mabuti.”8 Habang tinatahak natin ang landas ng pagkadisipulo, tumatanggap tayo ng mga espirituwal na panghihikayat na tumulong sa iba.
Nakatulong sa akin ang isang kuwentong narinig ko maraming taon na ang nakararaan para matukoy ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo at kumilos ayon dito. Ibinahagi ni Sister Bonnie D. Parkin, dating Relief Society General President ang sumusunod:
“Si Susan … ay isang napakahusay na mananahi. Kamiyembro niya sa ward si Pangulong [Spencer W.] Kimball. Isang araw ng Linggo, napansin ni Susan na bago ang suot nitong amerikana. Ang kanyang ama kamakailan … ay binilhan siya ng napakagandang telang seda. Naisip ni Susan na bagay na bagay ang telang iyon na gawing kurbata para iterno sa bagong amerikana ni Pangulong Kimball. Kaya pagsapit ng Lunes tinahi niya ang kurbata. Ibinalot niya ito sa papel at pumunta sa tahanan ni Pangulong Kimball.
“Nang malapit na siya sa pintuan, bigla siyang huminto at nag-isip, ‘Sino ako para gumawa ng kurbata para sa propeta? Siguro marami na siyang kurbata.’ Nang maisip niya na nagkamali siya, humanda na siya sa pag-alis.
“Nagkataon namang binuksan ni Sister Kimball ang pinto at nagsabi, ‘O, Susan!’
“Natataranta at nahihiya, sinabi ni Susan, ‘Nakita ko po si Pangulong Kimball na nakasuot ng bagong amerikana noong Linggo. Kabibili lang sa akin ni itay ng seda mula sa New York … kaya ginawan ko siya ng kurbata.’
“Bago pa naituloy ni Susan ang sasabihin niya, pinigilan na siya ni Sister Kimball, hinawakan siya sa balikat, at sinabi: ‘Susan, kahit kailan huwag mong pigilan ang isang mabuting ideya.’”9
Gusto ko iyon! “Kahit kailan huwag mong pigilan ang isang mabuting ideya.” Kung minsan kapag may naisip akong gawin para sa isang tao, iniisip ko kung pahiwatig ba iyon o sariling impresyon ko. Ngunit naalala ko na “yaong sa Diyos ay nag-aanyaya at nang-aakit na patuloy na gumawa ng mabuti; kaya nga, bawat bagay na nag-aanyaya at nang-aakit na gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya ay pinapatnubayan ng Diyos.”10
Direktang mga pahiwatig man ito o mga pakiramdam lang na tumulong, ang mabuting gawa ay hindi kailanman nasasayang; sapagkat “ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man”11—at hindi kailanman maling pagtugon.
Kadalasa’y hindi madali para sa atin ang tumulong, at bihira nating malaman ang epekto ng ating mga munting paglilingkod. Ngunit paminsan-minsan, malalaman natin na naging kasangkapan tayo sa mga kamay ng Diyos at magpapasalamat tayong malaman na ang pagkilos ng Espiritu Santo sa pamamagitan natin ay pagpapakita ng pagsang-ayon ng Diyos.
Mga kapatid, maaari tayong magsumamo sa Espiritu Santo na ipakita sa atin ang “lahat ng bagay na nararapat [nating] gawin,”12 kahit mukhang puno na ang listahan natin ng mga gagawin. Kapag pinahiwatigan, maaari nating iwanan muna ang mga hugasin sa lababo o ipagpaliban ang iba pang mga bagay na ipinagagawa sa atin ng iba para basahan ng aklat ang isang bata, kausapin ang isang kaibigan, alagaan ang mga anak ng kapitbahay, o maglingkod sa templo. Huwag kayong magkamali sa pag-unawa sa akin—mahilig akong maglista; mahilig akong magmarka sa mga bagay na tapos ko na. Ngunit dumarating ang kapayapaan sa pagkaalam na ang pagiging mas mabuti ay hindi nangangahulugan ng paggawa ng mas marami. Ang pagtugon sa hindi pagiging kuntento sa pamamagitan ng pagtalima sa mga pahiwatig ay binabago ang aking palagay tungkol sa “oras ko,” at hindi ko itinuturing na sagabal ang mga tao kundi layunin ng buhay ko.
Ang Hindi Pagiging Kuntento ay Umaakay sa Atin kay Cristo
Ang hindi pagiging kuntento sa ating espirituwalidad ay humahantong sa kapakumbabaan, hindi sa awa sa sarili o pagkasira ng loob na nagmumula sa pagkukumpara ng sarili sa iba na tila nakahihigit sa atin. Ang kababaihang tumutupad ng tipan ay may kanya-kanyang personalidad; ang kanilang pamilya, mga karanasan sa buhay, at sitwasyon ay magkakaiba.
Siyempre, lahat tayo ay hindi sapat na makakaabot sa ating banal na potensyal, at may bahid ng katotohanan ang pagkatanto na hindi tayo sapat kapag tayo’y nag-iisa. Ngunit ang mabuting balita ng ebanghelyo ay na sa biyaya ng Diyos, tayo ay sapat na. Sa tulong ni Cristo, magagawa natin ang lahat ng bagay.13 Ipinangako sa banal na kasulatan na tayo ay “mangaka[su]sumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.”14
Ang nakakagulat ay totoo na ang ating mga kahinaan ay maaaring maging pagpapala kapag napapakumbaba tayo nito at bumabaling tayo kay Cristo.15 Ang hindi natin pagiging kuntento ay nagiging espirituwal kapag mapagkumbaba nating iniluluhog kay Jesucristo ang ating kakulangan, sa halip na maawa lang tayo sa sarili.
Sa katunayan, ang mga himala ni Jesus ay kadalasang nagsisimula sa pagkilala sa kakulangan, pangangailangan, kabiguan, o kahinaan. Naaalala ba ninyo ang kuwento tungkol sa mga tinapay at mga isda? Ikinuwento ng bawat manunulat ng Ebanghelyo kung paano mahimalang pinakain ni Jesus ang libu-libong taong sumunod sa Kanya.16 Ngunit ang kuwento ay nagsisimula sa pagkilala ng mga disipulo sa kanilang kakulangan; nalaman nila na mayroon lang silang “limang tinapay na sebada, at dalawang isda: datapuwa’t gaano na ang mga ito sa ganyang karamihan?”17 Tama ang mga disipulo: wala silang sapat na pagkain, ngunit ibinigay nila kay Jesus kung ano ang mayroon sila, at pagkatapos ay gumawa Siya ng himala.
Nadama na ba ninyo na hindi sapat ang mga talento at kaloob ninyo para magawa ang isang gawain? Nadama ko na iyan. Ngunit maibibigay natin kay Cristo kung ano ang mayroon tayo, at gagawin Niyang mas epektibo ang ating mga pagsisikap. Sapat na ang maibibigay ninyo—kahit na may mga kamalian at kahinaan kayo—kung aasa kayo sa biyaya ng Diyos.
Ang totoo ay na bawat isa sa atin ay isang henerasyon ang layo mula sa Ama sa Langit—bawat isa ay anak ng Diyos.18 At tulad ng Kanyang ginawa kapwa sa mga propeta at sa ordinaryong kalalakihan at kababaihan sa paglipas ng mga panahon, layon din ng Ama sa Langit na baguhin tayo.
Ganito ang paliwanag ni C. S. Lewis sa kapangyarihan ng Diyos na magpabago: “Kunwari’y isa kang bahay na may buhay. Dumating ang Diyos para muling itayo ang bahay na iyan. Noong una, siguro, nauunawaan mo ang ginagawa Niya. Inaayos Niya ang mga alulod at tinatapalan ang mga butas sa bubong at kung anu-ano pa; alam mo na kailangang gawin ang mga iyon kaya hindi ka nagulat. Pero sa ngayon marami na Siyang binabago sa bahay kaya nasasaktan ka nang husto. … [Alam mo,] ibang-iba na ang itinatayo Niyang bahay kaysa sa naisip mo. … Akala mo ginagawa ka Niyang isang disenteng maliit na kubo: pero nagtatayo pala Siya ng palasyo. Plano Niyang pumunta at tumira doon mismo.”19
Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas, makakaya natin ang mga gawaing darating. Itinuro na ng mga propeta na habang tumatahak tayo sa landas ng pagkadisipulo, mapapabanal tayo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. Ang hindi pagiging kuntento sa ating espirituwalidad ay magtutulak sa atin na kumilos nang may pananampalataya, sumunod sa paanyaya ng Tagapagligtas na gumawa ng kabutihan, at mapagkumbabang ilaan ang ating buhay sa Kanya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.