2019
Dalawang Antas ng Pananampalataya
Enero 2019


Dalawang Antas ng Pananampalataya

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na “The Faith to Reap,” na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho, noong Marso 17, 2015.

Ang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ay ang pananampalatayang mag-ani. Ito ay pananampalataya sa Kanyang kapangyarihan, hindi sa iyo.

paintings of wheat and Jesus in Gethsemane

The Golden Harvest, ni David Merrill, sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Christ Praying in the Garden of Gethsemane, ni Hermann Clementz

Ilang araw pa lamang nananatili sa ilang si Lehi at ang kanyang pamilya nang sabihin sa kanya ng Diyos na pabalikin niya ang kanyang mga anak sa Jerusalem upang kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban. Hindi natin madalas pinupuri ang dalawang suwail na anak ni Lehi, sina Laman at Lemuel, ngunit talagang naging handa silang pumaroon. Mayroon silang sapat na pananampalataya na sumubok.

Hiningi ni Laman, at kalaunan ni Lemuel kasama ang kanyang mga kapatid, ang mga lamina kay Laban. Nawala sa magkakapatid ang kayamanan ng kanilang pamilya at muntik na rin silang mamatay sa pagtatangka nila. Sa puntong iyon, binigo sina Laman at Lemuel ng kanilang pananampalataya, at handa na silang sumuko. Si Nephi, sa kabilang banda, ay nangibabaw sa panganib at kawalang pag-asa.

“Yamang ang Panginoon ay buhay, at habang tayo ay nabubuhay, hindi tayo bababa sa ating ama sa ilang hangga’t hindi natin naisasagawa ang bagay na ipinag-uutos ng Panginoon sa atin.

“Samakatwid, tayo ay magpakatapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon” (1 Nephi 3:15–16).

Pagkatapos ay ginamit ni Nephi ang kanyang kahanga-hangang pananampalataya, nakuha ang mga lamina ni Laban, at bumalik kasama ang kanyang mga kapatid sa kanilang ama sa ilang.

Tila mayroong dalawang antas ng pananampalataya. Ang unang antas ay ang pananampalatayang sumubok, pananampalatayang hawakan ang ating panggapas. Ang pangalawang antas ay ang pananampalatayang gumawa. Ito ay higit pa sa pananampalatayang hawakan ang iyong panggapas—ito ay ang pananampalatayang umani.

Sina Laman at Lemuel ay mayroong pananampalatayang sumubok, pero si Nephi ay may pananampalatayang gumawa. Sina Laman at Lemuel ay mayroong sapat na pananampalataya na hawakan ang kanilang panggapas, ngunit si Nephi ay may sapat na pananampalataya upang umani.

Ang banayad na pagkakaiba na iyon sa pagitan ng pananampalatayang hawakan ang iyong mga panggapas at pananampalatayang umani ang lilikha ng lahat ng kaibahan sa iyong buhay. Upang mamuhay muli kasama ang ating Ama sa Langit at upang mamuhay ng kapaki-pakinabang at masayang buhay sa mundo, kailangan nating paunlarin ang pananampalatayang umani.

Nakatatanggap tayo ng mga kamangha-manghang pangako mula sa Diyos—mga pangako ng kaligayahan at saya sa buhay na ito at kadakilan sa kabilang-buhay. Ngunit ang mga hamon at pagsubok sa ating mga pang-araw-araw na buhay ay maaaring makasira sa ating pag-asa. Ang ating lupang pangako ay tila ba napakalayo, malabong marating, kaya tayo ay nagsisimulang mag-alinlangan.

“Hindi possible para sa akin na maabot ang layunin na iyon o matanggap ang pagpapalang iyon,” iniisip natin. “Tiyak, ibang tao ang iniisip ng Diyos nung sinabi Niya ang mga pangakong iyon.”

Hindi, iniisip Niya ikaw at ako. Kailangan lamang natin ng sapat na pananampalataya upang matanggap ang ating mga pagpapala—isang matibay na pananampataya na kayang gawing realidad sa kasalukuyan ang ating mga panghinaharap na mga pangako. Kailangan natin ng pananampalatayang umani.

Ano ba talaga ang pananampalatayang ito, at paano natin ito mapapaunlad?

Sumampalataya kay Jesucristo

Una, di tulad ng pananampalatayang hawakan ang iyong panggapas, ang pananampalatayang umani ay hindi pananampalataya sa inyong mga sarili. Hindi ito tulad ng kumpiyansa sa sarili o ng positibong pag-iisip. Hindi rin ito pananampalataya sa inyong pamilya o mga kaibigan—na lahat ay mabuti. Ang pananampalatayang umani ay pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ito ay pananampalataya sa Kanyang kapangyarihan, hindi sa iyo.

Nang ako ay matawag bilang stake president ng Mesa Arizona Moricopa Stake, inimbitahan kami ng asawa ko ni Elder W. Mack Lawrence, General Authority Seventy noong panahong iyon sa tanggapan ng stake president at ipinaabot ang calling. Masunurin kong tinanggap ito. Pagkatapos ay inanyayahan niya kami na pumasok sa silid ng high coucil at mapanalanging isaalang-alang ang kalalakihan na mairerekomenda bilang mga tagapayo ko. Pagpasok ko ng silid, nakita ko ang mga larawan ng lahat ng mga stake president na naglingkod sa stake mula noong ito ay maorganisa, at nanghina ang puso ko. Kahanga-hanga silang mga lider sa Simbahan at sa komunidad.

Tumingin ako sa aking asawa at sinabing, “Kathleen, sa tingin ko ay hindi ko ito kayang gawin. Hindi ako nabibilang sa kanila.”

Sabi niya, “Puwes, huwag mong sabihin sa akin iyan.” Si Elder Lawrence ang dapat mong kausapin.”

Nagulat ako, nang sinabi ko sa kanya na sa tingin ko ay hindi ko magagampanan ang calling, sagot ni Elder Lawrence, “Siguro nga ay tama ka.”

Ngunit sinabi niya, “Hindi mo kaya, Brother Andersen, ngunit kaya ng Panginoon. May kapangyarihan Siyang gawin ang Kanyang gawain, at kung magiging karapat-dapat ka at magsisikap ka, gagawin Niya ito. Makikita mo.”

At ginawa nga Niya iyon.

Ang pananampalataya na hawakan ang iyong panggapas ay pananampalatayang sumubok. Ito ay pananampalataya sa sarili, at ito ay mawawala kapag naging mahirap na ang gawain. At magsisimula tayong mag-alinlangan. Ngunit ang pananampalatayang umani ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Hindi ito nagpapadaig.

Ihanay ang Iyong mga Naisin sa Naisin ng Diyos

woman looking up

Para maisabuhay ang pananampalatayang umani, dapat nating tiyakin na ang ating mga naisin at layunin ay alinsunod sa nais ng Diyos. Di natin mapapalakas ang pananamplatayang umani kung hindi sumasang-ayon ang Diyos sa ani. Upang matanggap ang tulong Niya, dapat nating ihanay ang ating kalooban sa Kanyang kalooban.

Dahil mabuti at matapat si propetang Nephi sa aklat ni Helaman, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pagpapalain kita magpakailanman; at gagawin kitang makapangyarihan sa salita at sa gawa, sa pananampalataya at sa mga gawa; oo, maging ang lahat ng bagay ay magagawa mo alinsunod sa iyong mga salita.” Iyan ay isang pangako. Pagkatapos ay idinagdag ng Panginoon, “Sapagkat hindi ka hihiling nang salungat sa aking kalooban”(Helaman 10:5).

At sinabi ni Mormon sa atin ito: “At winika ni Cristo: Kung kayo ay magkakaroon ng pananampalataya sa akin, magkakaroon kayo ng kapangyarihang gawin kahit na anong bagay na kapaki-pakinabang sa akin” (Moroni 7:33).

Ang pag-aayon ng aking mga hangarn sa kalooban ng Diyos ay pangunahing kailangan sa pananampalatayang umani.

Noong bata pa ang aking mga anak na lalaki, kasali sila sa mga basketball team noong high school. Noon ay nagdarasal muna sila bilang isang koponan bago magsimula ang bawat laro. Habang nanonood ako mula sa kinatatayuan ko, iniisip ko kung ano ang ipinagdarasal nila. Kung nagdarasal sila upang manalo sa laro, kulang ang dasal nila ng pananampalatayang umani. Ito ay malinaw na makikita sa dami ng laro nila na natalo. Marahil ay hindi nakiisa ang Panginoon sa hangarin nila na manalo sa bawat laro.

Sa madaling salita, tutulungan tayo ng Diyos na makamit lamang ang ating mga layunin na makabubuti sa atin. Iyon ay dahil mahal Niya tayo, at mas alam Niya kaysa sa atin kung ano ang makabubuti sa atin. At hindi ba tayo nagpapasalamat para doon. Dapat tayong magdasal araw-araw na basbasan tayo ng Ama sa Langit ng mabubuting hangarin upang maiayon ang ating mga hangarin sa Kanyang kalooban. Dapat matuto tayong magdasal tulad ng Panginoon sa Halamanan ng Getsemani na ang kalooban ng Diyos, hindi ang atin, ang masusunod (tingnan sa Lucas 22:42). At saka lamang natin mapapalakas ang ating pananampalatayang umani.

Magtrabaho Ka

Ang pangatlong kailangan ng pananampalatayang umani ay ang pagtatrabaho. Nilinaw ni Apostol Santiago na ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay. Ang pananampalataya na hawakan ang ating panggapas ay nangangailangan ng paniniwala, ngunit ang pananampalataya na umani ay nangangailangan ng higit pa sa paniniwala. Pati ang mga diablo ay naniniwala, sinabi ni Santiago, at natatakot (tingnan sa Santiago 2:17, 19).

May narinig akong kuwento tungkol sa isang ama na napansin ang kanyang batang anak na babae na nakaluhod sa gilid ng kanyang kama, nagdarasal na ingatan ng Ama sa Langit ang mga sisiw na huwag makapasok sa patibong na ginawa ng kanyang kapatid at inilagay sa likod bahay. Kinahapunan ng araw na iyon, nag-alala ang ama. Alam niyang mahusay ang ginawang patibong. Tinulungan niya ang kanyang anak na gawin iyon.

“Narinig kitang nagdarasal ngayong umaga na ingatan ng Ama sa Langit ang mga sisiw mula sa patibong ng kuya mo,” sinabi niya sa kanyang anak. “Pero minsan may malulungkot na bagay na nangyayari kahit na ipinagdasal natin na huwag itong mangyari.”

Sumagot ang bata, “Basta alam ko lang po na hindi siya makakahuli ng mga ibon, Daddy.”

“Hinahangaan ko ang pananampalataya mo, mahal,” sabi ng ama. “Pero kung makahuli siya ng ibon, sana ay hindi nito mabigo ang pananampalataya mo.”

“Hindi po siya makakahuli, Daddy,” sabi niya. “Alam kong hindi.”

Nagtanong ang ama, “Bakit napakalakas ng pananampalataya mo?”

“Dahil pagkatapos ko pong magdasal,” sagot ng kanyang anak, “bumalik ako sa labas at pinagsisipa ko ang patibong hanggang sa masira.”

Mabuti na magdasal sa Ama sa Langit para sa mga pagpapala. Ngunit pagkatapos nating magsabi ng amen, dapat tayong magtrabaho. Hindi natin maaasahan na magagabayan ng Diyos ang ating mga yapak kung hindi natin igagalaw ang ating mga paa. At hindi natin dapat hilingin sa Kanya na gawin ang mga bagay na kaya at dapat nating gawin para sa ating sarili.

Dapat tayong kumilos sa pagkakamit ng ating mabubuting mithiin, at dapat tayong maging masigasig sa pagsunod ng mga kautusan. Ang tunay na kapangyarihan sa ating mga tipan at ang tunay na kapangyarihan sa ating pananampalataya na umani ay madarama hindi sa pagpapasiya natin nang may katiyakan na tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako ngunit sa halip ay kapag nagpapasiya tayo nang may katiyakan na tutuparin natin ang ating bahagi. Ang dakilang katotohanan ang nagsasakatuparan ng ating mga panghinaharap na mga pangako upang ang mga ito ay maging realidad sa kasalukuyan. Dapat tayong gumawa.

Huwag kayong panghinaan ng loob dahil sa inyong mga kabiguan o pagkakamali, ngunit magpatuloy sa inyong mga pagsisikap, at maging determinado. Ang pananampalatayang umani ay hindi nangangailangan ng pagiging perpekto, ngunit nangangailangan ito ng pagpupursigi.

Inaanyayahan ko kayong palaguin ang inyong pananampalataya na umani. Manampalataya kayo nang buong katatagan sa ating Tagapagligtas, si Jesucristo, at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Siguraduhing ang iyong mga hangarin ay nakaayon sa Kanyang kalooban. At magtrabaho gamit ang iyong buong puso, tatag, isip, at lakas, nang may hindi matitibag na pagpupunyagi at pagpupursigi. Walang hamon, walang problema, walang hadlang na hindi magbibigay-daan sa pananampalataya na aani.