Ang Ating Pugon ay Gumagana sa Pananampalataya
Lois Mansius
Texas, USA
Nang ako at ang aking asawang si Mark ay nanirahan sa silangang bahagi ng Estados Unidos kasama ang aming limang maliliit na anak, nanirahan kami sa bahay na mayroong pugon ng langis. Para malaman ang lebel ng langis, maglalagay kami ng panukat na stick sa tangke. Kung mababa ang lebel ng langis, tatawag kami sa kompanya ng heating oil para punuin ang tangke.
Isang hindi pangkaraniwang malamig na Enero, nagkaroon kami ng problema sa pera. Kumuha pa nga ako ng isang part-time na trabaho sa gabi sa isang restawran upang sumapat ang aming kita, pero naghikahos pa rin kami. Hanggang sa dumating kami sa pagpili sa pagitan ng pagbabayad ng ikapu o pagbabayad upang magkaroon ng init sa aming bahay. Sinukat namin ang langis at meron na lamang itong dalawang pulgada (5 cm). Sasapat lamang ito para sa isa o dalawang araw. Nagpasiya kaming ilagay ang aming pananampalataya sa Panginoon at magbayad ng aming ikapu.
Kinabukasan, sinukat ulit ni Mark ang langis. Nasa dalawang pulgada pa rin ito. Sinukat ulit ito ni Mark nung sumunod na araw, at nasa dalawang pulgada pa rin. May lumalabas na init, ngunit hindi bumababa ang lebel ng langis. Sa sumunod na dalawang araw, nanatiling dalawang pulgada ang langis. Natatandaan kong lumuluha ako sa tuwa sa gabi kapag naririnig kong dumarating ang init. Ang pugon namin ay hindi pinapagana ng langis; pinapagana ito ng pananampalataya.
Pakiramdam ko ay para akong yaong balo na nagpakain kay propetang Elijah at natagpuan ang kanyang “gusi ng harina ay hindi nakulangan, o ang banga ng langis man ay nabawasan” (I Mga Hari 17:16). Nang sa wakas ay dumating na ang suweldo, sinukat muli ni Mark ang langis. Ngayon ay isang pulgada na ang sukat nito (2.5 cm). Ngayon bumababa na ang lebel ng langis, ngunit may pera na kami para punuin ang tangke.
Nasubok ng aming pamilya ang pangako ng Panginoon sa Malakias 3:10: “At subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan.”
Para sa mga nag-aalinlangan sa mga pagpapala ng pagbabayad ng ikapu, hinihikayat ko silang tanggapin ang imbitasyon ng Panginoon na “subukin siya ngayon sa bagay na ito.” Ang pagbabayad ng ikapu ay nagbubukas sa mga dungawan sa langit, at sa pagiging masunurin at matapat sa batas at mga kautusan ng Panginoon, mababasbasan tayo sa maraming paraan.
Di malilimutan ng aming pamilya noong pinagana ng pananampalataya namin ang pugon imbis ng langis.