Ang Ice-Candy na Mission Fund
Ang awtor ay naglingkod bilang missionary sa Pilipinas at ngayon ay naninirahan sa Virginia, USA.
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Pakanin mo ang aking mga tupa” (Juan 21:17).
Si Jared ay naglakad pauwi sa initan galing sa simbahan kasama sina Nanay at Tatay. Naisip niya ang tungkol sa kanilang Primary lesson. Dahil hindi siya makarinig nang maayos, kinailangan ni Jared na magtuon sa mga larawang ipinakita ng kanyang titser at sa mga salitang isinulat niya sa pisara.
Sa araw na iyon ay nalaman nila na hiniling ni Jesus sa mga disipulo na maging mga missionary. Inisip ni Jared kung ano ang magagawa niya para maibahagi ang ebanghelyo, tulad ng hiniling ni Jesus. Alam niyang hindi pa siya makakapagmisyon. Pagkatapos ay nagkaroon siya ng magandang ideya. Siguro ay makapagsisimula na siyang mag-ipon ng pera para dito!
Pagkauwi niya, tumakbo siya at nalampasan niya si Umber, ang kanyang alagang kambing, at pumasok sa bahay. Kumuha siya ng isang malaking plastik na garapon at maingat na binutasan ang ibabaw nito. Sinulatan niya ng “Mission Fund” sa gilid. Pagkatapos ay pumunta siya sa kanyang kuwarto at kinuha ang pera niya na nasa ilalim ng kanyang kama. Isa-isa niyang inihulog ang bawat barya. Subalit hindi man lang natakpan ng mga barya niya ang ilalim ng garapon. Paano siya kikita ng mas maraming pera?
Nag-isip nang nag-isip si Jared. Tumingin siya sa mainit na araw sa labas ng bintana. Napakainit sa Pilipinas. Si Jared at ang kanyang mga kaibigan ay kumakain ng ice candy na buko halos bawat hapon pagkatapos ng eskuwela. “Alam ko na!” naisip niya. Siguro ay makagagawa siya ng ice candy at maibebenta sa ibang tao na gustong magpalamig.
Tumakbo siya para hanapin si Nanay. “Maipapakita po ba ninyo sa akin kung paano gumawa ng ice candy?” sinabi ni Jared sa pamamagitan ng sign language. Sila ay gumagamit ng sign language, isang wika kung saan nakikipag-usap ka sa pamamagitan ng iyong mga kamay. Ngumiti si Nanay at tumango.
Kinabukasan, sina Jared at Nanay ay pumunta sa malaking palengke at binili ang lahat ng mga kailangan. Pagkauwi nila, kinuha ni Jared ang malaking mangkok at hinalo ang gata, gatas na kondensada, vanilla, at ginad-gad na buko. Gumamit sina Nanay at Jared ng imbudo para maisalin ang inihalo sa maliliit na supot na plastik. Inilagay nila ang lahat ng mga supot na plastik sa freezer. “Ang galing!” sabi ni Nanay gamit ang sign language.
Natagalan bago tumigas ang ice candy. Pero kinabukasan, pagkatapos ng pasok sa eskuwela, handa na ito sa wakas! Tumayo sa isang upuan si Jared at kinuha ang puting cooler na nasa ibabaw ng ref. Nilagyan niya ng ilang tuwalya ang ilalim ng cooler at pinagpatung-patong ang mga ice candy. Hindi na siya makapaghintay na maibenta ito.
Tumakbo si Jared palabas patungo sa maalikabok na kalsada. Ang kanyang mga kaibigan ay naglalaro ng mga saranggola at ng tumbang preso.
Sa gilid ng kalsada, naglagay siya ng mesang may malaking karatulang nagsasabing, “Ice Candy, 5 piso.” Pumunta ang kaibigan niyang si Jhonell at itinuro ang cooler. Binigyan niya si Jared ng limang-pisong barya, at binigyan siya ni Jared ng ilang ice candy. Nag-apir sila.
Kalaunan ay marami sa mga kaibigan ni Jared ang dumating para bumili rin ng ice candy. Pagkatapos ng ilang oras nang tinawag ni Nanay si Jared para sa hapunan, iilang ice candy na lang ang natira.
Dinampot ni Jared ang halos wala nang laman na cooler at ang mga barya. Sa isa sa kanyang mga bulsa, inilagay niya ang ilang barya para sa kanyang ikapu. Inilagay niya ang mga natirang barya sa kanyang kabilang bulsa. Hindi siya makapaghintay na mapuno ang kanyang mission-fund bank.
Sa tahanan ay inihulog niya ang kanyang mga mission-fund na barya sa bunton sa ilalim ng garapon. Malaki pa rin ang espasyo! Pero naantig si Jared habang iniisip niya ang tungkol sa paglilingkod sa misyon balang-araw. Nagpasiya siya na magbebenta siya ng ice candy araw-araw hanggang sa mapuno ang garapon. Sobrang sarap ng pakiramdam na kumita ng pera para maging missionary tulad ng sinabi ni Jesus na gawin niya.