Mga Young Adult
Turuan Akong Lumipad: Pagkakamit ng Pang-emosyonal na Pag-asa sa Sarili sa Paraan ng Panginoon
Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.
Si Valerie Durrant ay naninirahan sa California, USA, at apat na taon nang kasal sa kanyang asawa na si Ryan. Kamakailan lamang naging ina siya sa isang sanggol na lalaki. Mahilig siya mag-yoga, magpinta, magbasa, at mag-hike.
Kailangan nating magtiwala sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo at magsikap sa ating mga sarili habang hinahangad na magkaroon ng pang-emosyonal na pag-asa sa sarili.
Kapag naiisip natin ang batang ibon na natututong lumipad, madalas nating inilalarawan ang kanyang huling pagtatangka: ang magsimulang magkawag-kawag sa pugad, ibuka ang pakpak, at lumipad sa himpapawid. Bago ang huling tagumpay na iyon, marahil maraming kabiguan na nagresulta sa hindi paglipad ng ibon sa himpapawid kundi sa pagkahulog nito sa lupa.
Tulad ng ibon na natututong lumipad, tayo rin ay nabibigo nang paulit-ulit sa pagkakamit natin ng emosyonal na pag-asa sa ating sarili. Ngunit kung babaling tayo sa Panginoon para sa tulong at magsisikap, matututo tayong tumindig kapag hindi nangyayari ang ating mga plano sa buhay at umasa sa Kanya kapag masyado nang mabigat ang mga pagsubok para sa atin.
Pag-aaral Kung Paano Lumipad
Kung ang pag-aaral ng paglipad ay mahirap na proseso, bakit nga ba aalis ang ibon sa pugad nito sa simula pa lamang? Dahil sa ina nito. Para sa unang bahagi ng buhay ng mga sisiw, dinadala pa ng inahin ang pagkain sa kanila sa pugad. Pero kinalaunan, magsisimula na siyang mag-iwan ng pagkain sa labas ng pugad para lumabas sa kanilang comfort zone ang mga sisiw upang makakuha ng sustansya.
Ito rin ang prosesong tinitiis natin habang natututo tayong magkaroon ng pang-emosyonal na pag-asa sa sarili—ngunit hindi tayo inaasahang matuto agad na lumipad ng mag-isa lamang.
Tulad ng pagtutulot ng inahing mahulog mula sa pugad ang kanyang mga sisiw, hinahayaan tayo ng Ama sa Langit na dumanas ng mga pagsubok at karanasan na masakit, nakakainis, at nakakasira ng loob. Ang plano ng kaligtasan ay nakadisenyo upang matulungan tayong maging katulad Niya, kaya ang bawat pagsubok na kinakaharap natin ay maaaring maging isang pagkakataon upang matuto at lumago. Tulad ng inahin, binibigyan pa rin tayo ng Ama sa Langit ng pagkalinga at paggabay dahil tanging sa tulong Niya natin makakamit at mapapanatili ang ating emosyonal at mental na kalusugan.
Pagpagaspas ng Ating Sariling mga Pakpak
Kahit na katuwang natin ang Ama sa Langit, hindi natin dapat asahang gagawin Niya ang lahat para sa atin. Nais Niyang gamitin natin ang ating kalayaang pumili at ang mga yamang ibinigay Niya sa atin sa pagtahak natin tungo sa pagkakaroon ng emosyonal na pag-asa sa sarili.
Halimbawa, kapag dumaranas tayo ng kabiguan, galit, o pagkawala, gusto Niyang makipag-usap tayo sa Kanya, ngunit hindi dapat tayo titigil doon—kailangan nating gawin ang lahat ng ating makakaya upang kumilos ayon sa Kanyang paggabay sa atin; na sundin ang mga kautusan; na pumunta sa templo para makahanap ng kapayapaan, kaginhawahan, at mga sagot; na laging tandaan ang mga payo ng mga propeta; at na magtiwala sa plano Niya para sa atin.
Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga kasangkapan upang magkaroon ng emosyonal na pag-asa sa sarili, pero kung ibinigay na natin ang lahat ng ating makakaya at natagpuan pa rin natin ang ating mga sarili na hindi makagalaw o nahihirapan sa ating mental na kalusugan, maaaring kailanganin ang mga karagdagang tulong. Tiyak na mayroong mga panahon na kakailanganin mong komunsulta sa mental health professional o makatanggap ng payo mula sa iyong bishop para sa karagdagang paggabay upang sumulong.
Bagaman, tandaan na kung hihingi tayo ng payo mula sa iba tuwing may madaraanan tayong balakid, maaaring mawalan tayo ng di-matutumbasang pagkakataon na matuto at umunlad sa ating sarili. Muli, dapat tayong maglaan ng sapat na lakas upang sumulong.
Pagsunod sa Huwaran ng Panginoon
Sa Doktrina at mga Tipan bahagi 9, si Oliver Cowdery ay napagalitan dahil sa pagsubok na isalin ang mga lamina ng Aklat ni Mormon nang walang “inisip maliban sa ito ay itanong sa [Diyos]” (talata 7). Pagkatapos ay sinabihan siyang “pag-aralan ito sa [kanyang] isipan; gumawa ng sariling konklusyon, at pagkatapos ay itanong [sa Diyos] kung ito ay tama,” (talata 8).
Kapag sinusunod natin ang huwarang ito, hindi tayo pababayaan ng Ama sa Langit na umasa lamang sa ating mga sariling abilidad at pag-iisiip sa pangangalaga natin sa ating mental na kalusugan. Binibigyan Niya tayo ng pagkakataong matuto kung paano natin gagamitin ang ating kalayaang pumili. Ang pagsasaliksik ng mga kasagutan sa ating mga tanong at paghahanap ng mga solusyon para sa ating mga problema sa tulong Niya ang makatutulong sa atin upang tunay na maging katulad Niya. Sa pag-iisip nito, mahihiling natin sa Kanyang ipakita sa atin kung paano tayo magiging mas balanse sa emosyonal (na aspeto) sa halip na hilingin lamang sa Kanya na gawin tayong mas mabuti.
Sa paggamit natin ng ating kalayaang pumili nang paulit-ulit sa ganitong paraan sa tuwing nasusubok ang ating emosyonal na kagalingan, unti-unti tayong nagiging mas mabuti at mas may kumpiyansa. Hindi man natin kailangang maging magaling sa paglipad kaagad, maaari tayong umasang kasama natin Siya sa buong paglalakbay at magdiwang sa katotohanang tinutulungan Niya tayong umunlad nang paunti-unti. Bawat araw mayroong panibagong pagkakataon na kamtin ang mga bagong mithiin—inihahanda tayo sa araw na makalilipad tayo nang mag-isa.