2019
Pero Gutom na Ako!
Enero 2019


Pero Gutom na Ako!

Isadora Marques Garcia

São Paulo, Brazil

missionaries and money on the ground

Paglalarawan ni Allen Garns

Sa isang maulan na araw sa aking misyon sa Colombia, may isang oras na lamang kami ng kompanyon ko bago kami umuwi. Gutom na kami at pagod sa paglalakad buong araw. Wala pa kaming nahahanap na matuturuan.

Wala na rin kaming pera at hindi pa kami nakakapamalengke. Alam namin na uuwi kami at walang makakain. Sinubukan kong alisin ang mga negatibong saloobin na ito at magpokus sa gawain.

“Tingnan mo ang nakita ko!” Biglang napabulalas ang kompanyon ko.

May nakita siyang pera sa lupa. Mula sa ekspresyon ng kanyang mukha, alam ko na pareho kami ng iniisip. May pambili na kami ng pagkain!

Pero matapos ang ilang sandali, sinabi ng aking kompanyon, “Huwag, hindi sa atin ang perang ito!”

“Pero gutom na ako!” naisip ko.

“Kung kanino man ito, hindi na natin sila mahahanap ng ganitong oras sa gabi,” sabi ko sa kanya.

Iminungkahi niya na magdasal kami. Alam kong tama iyon, pero naisip ko ring kabaliwan lang iyon. Nagpakahirap kami buong araw. Gutom na kami. Siguro ang pagkahanap namin sa pera ay pagpapala para sa aming serbisyo.

Pagkatapos ay naalala ko ang aking ina. Noong bata pa ako, tinuruan niya ako at ang aking mga kapatid na laging maging tapat. Naging ehemplo siya para sa amin at ipinagdasal niya na magkaroon kami ng tapang na maging matapat. Alam ko na kung siya ay nandito, malulungkot siya kung di ko pipiliin ang tama.

Kaya nagdasal kami. Hiniling namin sa Ama sa Langit na tulungan kaming mahanap ang may-ari. Ilang minuto ang nakalipas, isang batang lalaki ang dumating, may hinahanap. Mayroon siyang luha sa mata at mukhang balisa. Nilapitan namin siya ng aking kompanyon at nalaman na nasa amin ang hinahanap niya.

Ibinalik namin ang pera sa kanya at paulit-ulit niya kaming pinasalamatan. Sinabi niya na kailangan niya iyon para makapagbayad sa kolehiyo. Kung wala iyon, hindi siya makakapag-enrol. Napuno ng luha ang aking mga mata, at nagsisi ako sa naunang pagnanais ko na gastusin ang pera. Kinuha namin ang kanyang contact information, at naturuan namin siya at ang lima pang tao. Nang gabing iyon nagpasalamat ako sa aking kompanyon sa kanyang mabuting ehemplo.

Alam kong pinagpapala tayo ng Diyos kapag tayo ay tapat. Wala kaming nakain noong gabing iyon, ngunit hindi ko naalala na natulog akong gutom. Ang pagkahanap namin sa pera ay tunay ngang pagpapala.