2019
Maria, ang Ina ni Jesus
Enero 2019


Maria, ang Ina ni Jesus

Ang kuwento ni Maria ay isang walang-hanggang paalaala ng halaga at mga biyaya ng pagkadisipulo.

Mary the Mother of Jesus

Mary Kept All These Things, ni Howard Lyon

Si Maria, ang ina ni Jesus ay isa sa ilang kababaihan na nabanggit sa banal na kasulatan at tanging ang buhay at paglilingkod niya ang nakapropesiya nang halos ilang siglo bago pa siya ipanganak (tingnan sa 1 Nephi 11:15, 18; Mosias 3:8; Alma 7:10).1 Ang mga manunulat ng Bagong Tipan ng Mateo, Marcos, Lucas, at Juan ay nagbibigay lamang ng sulyap sa kanyang buhay at paglilingkod dahil ang pokus nila ay angkop na nakatuon sa Tagapagligtas. Pero ang lumang simbahang Kristiyano ay binigyan si Maria ng titulong theotokos, ang “nagsilang o ina ng Diyos”2 bilang tanda ng mahalagang bahaging kanyang ginagampanan din sa plano ng Ama.

Isinulat ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Maaari ba nating labis na purihin siya na pinagpala ng Panginoon nang higit sa lahat ng kababaihan? Mayroon lamang nag-iisang Cristo, at mayroon lamang nag-iisang Maria. Kapwa marangal at dakila sa [buhay bago isinilang], at kapwa naorden na noon pa man sa paglilingkod na kanilang ginawa. Hindi natin maiwawaksi ang isipin na ang Ama ay pipili ng pinakadakilang babaeng espiritu upang maging ina ng kanyang Anak, tulad ng pagpili niya sa lalaking espiritu na tulad niya upang maging Tagapagligtas. Dapat nating … kilalanin si Maria nang may tamang pagpapahalaga para sa kanya.”3

Ang ulat ni Lucas tungkol sa kuwento ng Paghahayag kay Maria (tingnan sa Lucas 1:26–56) ay nagpapakita sa atin kung paano natin mas mapahahalagahan ang pambihirang kabataang babaeng ito. Sa kanyang pakikipag-usap kina Gabriel at Elisabet, nakikita natin ang isang kabataang babae na sinisikap maunawaan at matanto ang natatanging pagtawag sa kanya mula sa Diyos. Ang kalakhan ng pagtawag na iyon ay malamang na napakabigat para sa isang napakabata pa, gayunman agad niyang ipinaubaya ang kanyang kalooban sa kalooban ng Ama. Ipinapaalala sa atin ng kanyang kuwento na kilala ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak at tinatawag Niya ang mga karaniwang lalaki at babae upang makilahok sa mga katangi-tanging paraan upang maitayo ang Kanyang kaharian. Siya ang naging unang disipulo ni Jesus, at sa gayon siya ay modelo o huwaran para sa lahat na pumipiling sumunod sa Kanya.

Nazaret: Tahanan ni Maria

Sa kasamaang-palad, walang nabanggit sa atin ang Bagong Tipan tungkol sa mga magulang ni Maria, kanyang kapanganakan, o kahit na ano sa kanyang buhay sa Nazaret. Inilarawan ni Lucas ang Nazaret bilang isang polis, na maisasalin bilang isang lungsod o bayan, pero tila hindi ito isang mahalagang lugar. Sa labas ng Bagong Tipan, ang Nazaret ay hindi nabanggit sa anumang teksto hanggang sa katapusan ng pangalawang siglo AD.

Alam natin na ang Nazaret ay matatagpuan sa isang burol sa ibaba ng Galilea kung saan tanaw ang mayabong na Jezreel Valley 65 milya (105 km) sa hilaga ng Jerusalem. Ipinahihiwatig ng arkeolohiya na ang unang-siglo na Nazaret ay mas mukhang nayon kaysa lungsod o bayan, na tinatayang mayroong 400–500 na populasyon.4 Sa ilang eksepsyon, karamihan sa populasyon sa buong Galilea ay nagsikap na mabuhay bilang mga trabahador, nag-aalaga ng hayop, nangingisda, nagtatrabaho sa bukirin para lamang may makain ang kanilang pamilya at para makapagbayad ng kanilang buwis. Walang mga tanggulan ang nayon; walang bakas o ebidensya na mayroon itong aspaltadong mga kalsada o malalaking arkitektura, ni hindi gumamit ng maluluhong bagay tulad ng marmol, mosiac, o frescos sa mga gusali, o ang mga sambahayan ay may maiinam na kalakal o kagamitan mula sa ibang bansa.5 Ang dalawang bahay noong unang-siglo na nahukay ay lumalabas na simpleng isang palapag na mga tahanan na may dalawang kuwarto, may atip na bubong, at isang maliit na patyo.6 Ang mga kaugalian sa paglilibing at ilang mga piraso ng limestone na sisidlan ay nagpapahiwatig na ang mga nanirahan ay mga Judio sa halip na mga Gentil.

Samantalang wala sa mga natuklasang ito ang direktang maiuugnay kay Maria o sa kanyang pamilya, binibigyan tayo ng mga ito ng pahiwatig kung ano ang maaring naging buhay niya sa Nazaret: isang babaeng magsasaka na naninirahan sa isang kanayunan, malayo sa sentro ng relihiyon ng Jerusalem at templo nito, sa aristokrasya ng mga saserdote, at kayamanan. Kahit na bata pa lamang, malamang nagtrabaho siya sa tabi ng kanyang ina at ng iba pang kababaihan sa nayon, naghahabi ng tela, nagluluto, nagtitipon ng kahoy na panggatong, nangongolekta ng tubig mula sa mga sisidlan ng kabahayan o mga balon sa nayon, nagtatrabaho sa bukid—lahat upang tulungang mabuhay ang kanyang pamilya sa araw-araw.

Ang Pagtawag kay Maria

Ang kuwento ni Maria sa aklat ni Lucas ay nagsimula sa pagpapakita ng anghel na si Gabriel, ang parehong anghel na nagpakita kay Zacarias sa templo (tingnan sa Lucas 1:11, 19, 26). Nang nagpakita si Gabriel, si Maria ay isang dalaga na nakatakdang ikasal kay Jose (tingnan sa Lucas 1:27). Kahit hindi natin alam kung ilang taon na si Maria nang sandaling iyon, noong unang panahon, posible nang magkaroon ng kasunduan sa kasal bago pa man ang pagdadalaga. Ang pagpapakita ni Gabriel na may balita na si Maria ay “totoong pinakamamahal,” na “ang Panginoon ay sumasa iyo” na siya ay “pinagpala sa lahat ng kababaihan” at na, ayon sa Joseph Smith Translation ng Lucas 1:28, siya ay “pinili” (tingnan din sa Alma 7:10) ay maaaring nagbigay ng magkahalong kaguluhan at maging ng takot kay Maria. Maiisip lamang natin kung ano ang mga tumatakbo sa kanyang isipan sa mga sandaling iyon, pero maaaring kasama dito ang mga tanong na, “Bakit ako itinuturing ng Diyos na ‘pinagpala sa lahat ng kababaihan’?” “Bakit ako naturingan na “pinakamamahal ng Diyos’ at ano naman ang kaluhugan nito?” “Bakit ipinadala ng Diyos si Gabriel sa akin at hindi sa ibang dalaga sa Nazaret, o sa Jerusalem?” Oo, siya ay mula sa pamilya ni David (tingnan sa Lucas 1:32; Mga Taga Roma 1:3), pero hindi ito gaanong mahalaga noon sa ilalim ng pagsakop ng mga Romano. Pagkatapos ng lahat, siya ay isang dalaga lamang na galing sa mahirap na pamilya, nakatira sa isang hamak na nayon. Tulad ng itinanong ni Natanael kalaunan, “May mabuti bang bagay galing sa Nazaret?” (Juan 1:46.)

Hindi sinagot ni Gabriel ang mga tanong na maaaring nasasapuso at isipan ni Maria. Sa halip, nagpatuloy siya sa kanyang mensahe: ipagdadalang-tao niya ang isang sanggol, ngunit hindi lamang basta sanggol. Ang kanyang anak ay tatawaging “Anak ng Kataastaasan” at tatanggapin ang “luklukan ni David na kaniyang ama” (tingnan sa Lucas 1:32–33). Sa madaling salita, sinabi ni Gabriel kay Maria na ang kanyang anak ay magiging kapwa Anak ng Diyos at ang ipinangakong Mesiyas. Kung nalito at natakot si Maria bago ang pabatid na ito, mawawari lang natin ang lumala niyang kalagayan matapos niyon.

Isaalang-alang natin ang isang alituntunin na itinuturo ng bahaging ito ng kuwento ni Maria tungkol sa pagiging disipulo. Ang plano ng Diyos para kay Maria ay isang bagay na hindi niya hiniling! Nagpakita si Gabriel kay Zacarias dahil humiling siya at si Elisabet ng isang himala na anak, pero dumating siya kay Maria sa kakaibang kalagayan; hindi para tuparin ang isang kahilingan kundi para ipaalam ang nais ng Diyos para sa kanya. Sa kanyang napipintong kasal, marahil ay inisip ni Maria ang posibilidad ng pagkakaroon ng mga anak sa hinaharap. Ngunit kahit na inasahan ang pagdating ng isang mesiyas sa Judaismo sa unang siglo, aakalain ba ni Maria na siya, na isang mahirap na dalagang magsasaka mula sa Nazaret, ang magiging ina ng Mesiyas? Hindi siguro. Ang punto ay ang mga pagtawag sa pagkadisipulo ay madalas nangangailangan ng pagbabago sa ating mga personal na plano sa buhay.

Nagtuon ng pansin si Lucas sa kanyang rekord sa mga paghahayag ni Gabriel at pagkatapos ni Elisabet. Pero may tatlong pangyayari na ipinaliwanag ni Maria ang kanyang mga saloobin at damdamin.

Mary seeing the angel Gabriel

Nagpakita ang anghel na si Gabriel kay Maria na may kagila-gilalas na mensahe na siya ay “pinagpala sa mga kababaihan” at isisilang niya ang Anak ng Diyos.

Annunciation of Mary, ni Joseph Brickey

Isang Inspiradong Tanong

Ang una ay ang kanyang tanong kay Gabriel, “Paanong mangyayari ito, sa ako’y hindi nakakakilala ng lalake?” (Lucas 1:34). Dahil sa mga pangyayari, makatwiran ang tanong niya. Pinapaalalahanan nito ang mga mambabasa sa tanong ni Zacarias, “Sa ano malalaman ko ito? [i.e., na si Elisabet ay magdadalantao]” (talata 18). Ngunit datapwa’t ang tanong niya ay nagpapakita ng pagdududa sa sagot ni Gabriel sa panalangin na si Zacarias mismo ang nag-alay sa Diyos, ang tanong ni Maria ay naghahangad ng paglilinaw tungkol sa nasabing kalooban ng Diyos sa kanya. Hindi maiiwasan ang mga tanong kapag ang imbitasyon ng Diyos ay sumusubok sa mga disipulo na itaas ang pamantayan at lumayo mula sa kanilang mga comfort zone, at ang mga inspiradong tanong ay humahantong sa paghahayag.

Ang sagot ni Gabriel sa katanungan ni Maria ay nahahati sa tatlong bahagi:

  1. Una, sinabi niya kay Maria, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo” (talata 35). Ang Espiritu Santo ay ang kapangyarihan kung saan ang mga disipulo sa lahat ng edad ay ginagampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin. “Tandaan na ang gawaing ito ay hindi sa iyo at sa akin lamang,” pagtuturo ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018). “Ito ang gawain ng Panginoon, at kapag tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon, may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon. Tandaan na sinumang tinawag ng Panginoon ay binibigyan Niya ng kakayahan.”7 Pagkatapos ay binigyan ni Gabriel si Maria ng partikular na impormasyon tungkol sa kanyang sitwasyon: “At lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan:8 kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging Anak ng Dios” (talata 35).

  2. Pangalawa, sinabi ni Gabriel kay Maria ang tungkol kay Elisabet, isang tao na nakakaranas ng katulad, bagaman hindi parehong, mahimalang pagbubuntis (tingnan sa talata 36). Ang pagdadalantao ni Elisabet ay simbolo kay Maria na hindi siya nag-iisa, na mayroong kahit isang tao na nakakaunawa sa kanyang pinagdaraanan.

  3. Pangatlo, malinaw na inihayag ni Gabriel, “Sapagka’t walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan” (talata 37). Ginawa ng Diyos ang imposible nang magdalantao si Elisabet.9 Ang pahayag ni Gabriel ay paalaala sa mga disipulo sa lahat ng edad na kung tutugon tayo sa mga imbitasyon ng Diyos, mangyayari ang mga himala.

Ang Kahandaan ng Isang Disipulo

Ang pangalawang berbal na sagot ni Maria sa kuwento ay ehemplo o huwaran, sa aking isipan, ng pangako at pananaw ng isang disipulo: “Narito, ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita” (Lucas 1:38). Ipinapahiwatig ng “alipin” na pinili ni Maria na tanggapin ang pagtawag ng Diyos na ipinaabot sa kanya. Ang pahayag na ito ay bersyon ni Maria sa kung ano ang sasabihin ng kanyang Anak sa Getsemani, “huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo” (Lucas 22:42). Bagamat mukhang malinaw na sa puntong ito ng kanyang paglalakbay, hindi niya marahil mauunawaan ang lahat ng ipapagawa sa kanya—kalaunan ay ipinropesiya sa kanya ni Simon na “paglalampasanan ng isang tabak ang iyong sariling kaluluwa” (Lucas 2:35)—gayunman, pinili ni Maria na sumulong nang may pananampalataya.

“At iniwan siya ng anghel” (Lucas 1:38). Nang umalis si Gabriel, naiwang mag-isa si Maria. Bagamat isang bagay para sa isang disipulo na gumawa ng mga pahayag tulad ng ginawa niya sa presensya ng banal na sugo, ano na ang kanyang gagawin ngayong wala na ang anghel? Paano niya ipapaliwanag ang karanasang ito sa kanyang mga magulang? kay Jose? Ano ang personal na sagutin niya kung sila o ang mga naninirahan sa Nazaret ay hindi maniniwala sa kanya? Ang masikip na tirahan ng kanyang buhay sa Nazaret ay maaari nang maging mahirap para sa kanya.

Elisabeth greeting Mary

ANG PAGKIKITA NINA MARIA AT ELISABET, ni Carl Heinrich Bloch

Kaya naalala niya ang pangalawang bahagi ng sagot ni Gabriel sa kanyang tanong at naglakbay patungo sa tahanan ni Elisabet. Muli, ang dalawang kuwento ni Lucas sa simula ay pinagsama. Kaagad pagkatapos batiin ni Maria si Elisabet, “lumukso ang sanggol sa kaniyang tiyan at napuspos si Elisabet ng Espiritu; At sumigaw siya ng malakas na tinig, at sinabi, Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong tiyan” (Lucas 1:41–42). Pinagtibay ng kanyang pagbati na ginabayan ng Espiritu ang sinabi na ni Gabriel tungkol sa pinagpalang katayuan ni Maria sa mga kababaihan. Si Maria ngayon ay may pangalawang saksi sa pagtawag sa kanya, pero dumating lamang ito matapos niyang malugod na tinanggap ang pagtawag.

Ang ulat tungkol kina Maria at Elisabet ay isang paalaala ng dalawang magagandang aspeto ng buhay ng mga makabagong disipulo. Ito ay isang paalaala sa dakilang kahalagahang nakalakip sa puso ng mga Relief Society sa buong mundo: mga kababaihan na magkakaiba ang edad at katayuan sa buhay na nagsasama-sama upang alalayan at suportahan ang bawat isa sa panahon ng pangangailangan. Ito rin ay paalaala na hindi iniiwan ng Diyos ang mga tinawag Niya sa panahon ng pangangailangan nila kundi madalas Siyang sumasagot sa pamamagitan ng pagyakap sa kanila ng iba pa na tinawag din Niya.

Ang Magnificat o Awit ni Maria

Ang pangwakas na pananalita ni Maria ay kilala bilang Magnificat o awit ni Maria at ito ay ang kanyang pagpapakita ng kagalakan sa mga deklarasyon ni Elisabet. Ibinahagi niya ang kanyang damdamin tungkol sa naganap sa kanyang buhay at sumasalamin ng kanyang bagong pag-unawa sa kanyang lugar sa plano ng Diyos. Una at pinakamahalaga ay nararamdaman niya na makapaglingkod nang mabuti, magbigay papuri sa at luwalhatiin ang kanyang Diyos, na ikinagagalak niyang maging kanyang Tagapagligtas (tingnan sa Lucas 1:46–47). Nakita niya sa kanyang karanasan ang patuloy na awa ng Diyos, kapwa sa katotohanan na pinili Niya ang isang taong “mababa ang kalagayan” na tulad niya (tingnan sa mga talata 48–50) at gayundin sa katotohanan na pinili Niya siya upang gampanan ang isang mahalagang papel sa pagtupad ng tipan ni Abraham (tingnan sa mga talata 54–55).

“At si Maria ay natirang kasama [ni Elisabet] na may tatlong buwan, at umuwi sa kaniyang bahay” (talata 56). Mas handa na ngayon si Maria na gampanan ang kanyang banal na tungkulin.

Mary holding baby Jesus

SA MGA BISIG NI MARIA, ni Simon Dewey

Ehemplo o Halimbawa ni Maria Para sa Atin

Ang mga makabagong disipulo ay nakadistansiya mula sa kuwento ni Maria kapwa dahil sa kultura at 2,000 taon. Gayunman, ang kanyang kuwento ay walang-hanggang paalaala ng halaga at mga biyaya ng pagkadisipulo. Inaasahan ng Diyos na ang Kanyang mga tagasunod ay maninindigan sa mga paanyaya na ipinaaabot Niya sa kanila. Pinapaalalahanan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “Noon pa man ay pinagagawa na ng Diyos ang Kanyang pinagtipanang mga anak ng mahihirap na bagay.”10 Hindi eksepsyon si Maria, at hindi rin tayo. Ang hamon sa atin ay ang magkaroon ng pananampalataya na ipaubaya ang ating kalooban sa Kanya, na tanggapin ang Kanyang mga pagtawag nang may pananampalataya na pagtitibayin tayo ng Kanyang Espiritu sa paglilingkod sa Kanya. Ipinapaalala rin sa atin ni Bonnie H. Cordon, Young Women General President na “magagawa natin ang mahihirap na bagay,” at idinagdag na, ”ngunit magagawa rin natin ang mga ito nang masaya.”11

Bilang makabagong mga disipulo, ano kaya ang ating Magnificat o Awitin? Paano natin maipapakita ang ating kagalakan sa ating Diyos? Paano natin maipapakita ang karingalan ng Kanyang awa sa ating mga buhay? Paano tayo makakahanap ng mga paraan upang ipagdiwang ang ating papel sa pagtupad ng Tipan ni Abraham sa ating panahon? Ito marahil ay iilan lamang sa mga paraan na matututunan natin sa kahanga-hangang kuwento ng pagkadisipulo ni Maria.

Mga Tala

  1. Nauunawaan din ni Mateo na si Maria ay katuparan ng propesiya ni Isaias na isang birhen ang magsisilang ng isang anak na tatawaging Emmanuel (tingnan sa Isaias 7:14). Ang kanyang pagbanggit sa “isang birhen” ay mula sa pangalawang siglo BC na pagsasalin sa Griyego ng Isaias, na ginamit ng mga naunang Kristiyano at ginamit sa King James Version ng Isaias 7:14.

  2. Sa 1830 na edisyon ng Aklat ni Mormon, inilalarawan din sa 1 Nephi 11:18 si Maria bilang “ina ng Diyos.”

  3. Bruce R. McConkie, Mortal Messiah, 4 na tomo. (1981), 1:326–27, footnote 4.

  4. Tingnan sa James E. Strange, “Nazareth,” Anchor Bible Dictionary, 4:1050; Jonathan L. Reed, Archaeology and the Galilean Jesus: A Re-examination of the Evidence (2002), 131.

  5. Tingnan sa Reed, Archaeology and the Galilean Jesus, 131.

  6. Tingnan sa Ken Dark, “Has Jesus’ Nazareth House Been Found?” Biblical Archaeology Review, tomo. 41, blg. 2 (Marso/Abril 2015), 54–63; tingnan din sa Ken Dark, “Early Roman-Period Nazareth and the Sisters of Nazareth Convent,” The Antiquities Journal, tomo. 92 (2012), 37–64.

  7. Thomas S. Monson, “Duty Calls,” Ensign, Mayo 1996, 44.

  8. Ang salitang Griyego na isinalin bilang “overshadow” (episkiazō) ay parehong salita na ginamit sa Griyegong salin ng Lumang Tipan para ilarawan ang ulap na bababa sa tabernakulo kapag natapos na ito. Inilarawan nito ang kaluwalhatian ng Panginoon.

  9. Sinabi rin ito ng Panginoon kay Abraham nang malaman niya at ni Sara na sila ay magkakaroon ng anak sa kanilang katandaan (tingnan sa Genesis 18:14; Mga Taga Roma 4:19–21).

  10. Russell M. Nelson, “Manindigan Bilang mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito,” Liahona, Okt. 2016, 49.

  11. “Bonnie H. Cordon: Young Women General President,” Liahona, Mayo 2018, 129.