2019
Phan Phon—Phnom Penh, Cambodia
Enero 2019


Mga Larawan ng Pananampalataya

Phan Phon

Phnom Penh, Cambodia

Phan Phon with wife and granddaughter

Tinitiyak ni Phan Phon at ng kanyang asawa na itinuturo nila ang ebanghelyo sa kanilang mga apo. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nakatulong sa kanilang pamilya na sumulong matapos ang trahedya ng pagkawala ng kanilang tirahan dahil sa sunog.

Nang masunog ang bahay ni Phan, ang tanging nailigtas niya ay ang kanyang tatlong apo. Lahat ng iba pa ay natupok at naging abo. Galit si Phan sa kapitbahay niya na sanhi ng sunog. Nang kumalat ang kanyang galit sa kanyang pamilya at mga kapitbahay, alam ni Phan na kailangan na niyang magpatawad.

Leslie Nilsson, retratista

Nang una kong marinig ang pagsabog, tinanong ko ang asawa ko, “Ano ang tunog na yon?”

Sabi niya, “Baka may sinusunog ang kapitbahay natin.”

Pagkatapos ay narinig ko ang pangalawang pagsabog. Sinabi ng isa kong kapitbahay, “May nasusunog na bahay sa likod ng bahay mo!”

Kumuha kami ng tubig, pero hindi namin mapatay ang apoy. Kumalat ang sunog sa bahay ko. Tumakbo ako sa loob upang kunin ang tatlo kong apo. Lumalabas ang usok mula sa mga bintana, pero hindi ko naisip ang anumang bagay maliban sa aking mga apo. Sila ang pinakaimportante sa akin. Iniwan kong lahat ng gamit sa loob.

Nakalabas kami at nagawa lamang naming panoorin ang nasusunog naming bahay. Hindi nakarating agad ang mga bumbero dahil makipot ang daan papunta sa aming bahay. Luma na ang bahay ko, at natupok kaagad ito. Nakatayo ako sa tabi ng asawa ko at mga apo at pinanood itong masunog.

Nang tuluyan nang nasunog ang bahay, nakaramdam ako ng kawalan ng pag-asa. Hindi ko alam kung ano ang aasahan ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin para makahanap ng bagong matitirahan. Kinabukasan pagkatapos ng sunog, lumuhod kami upang manalangin at hilingin sa Panginoon na ipakita sa amin ang daan at basbasan kami upang makahanap ng bagong matitirahan. Umiiyak ako habang nagdarasal sa Panginoon, ngunit nagtiwala akong tutulungan Niya ako.

Noong una, galit ako sa kapitbahay ko na nagpasimula ng apoy. Gusto kong pagbayaran niya ang nangyari. Galit din ang aking pamilya at mga kapitbahay na naapektuhan ng apoy at gustong magpadala ng sulat sa gobyerno para kasuhan ang tao na naging sanhi ng sunog. Pinapipirmahan nila sa akin ang sulat, ngunit ayaw ko.

Napagtanto ko na mahirap din ang kapitbahay ko tulad ko. Hindi niya naman ginustong simulan ang sunog. Kung pagbabayarin ko siya, mapapahamak siya, at makakaramdam pa rin ako ng poot. Naalala ko ang salita ng Panginoon na dapat nating mahalin ang ating kapwa. Nadama ko na dapat akong magpatawad.

Nang magpasiya akong magpatawad, nakaramdam ako ng kapayapaan.

Sinabi ko sa lahat ng apektado ng sunog na nais kong magpatawad. Maliban sa isang pamilya, nagdesisyon din ang iba na gawin ito. Hindi na nila siya papananagutin sa nangyari.

Masaya ang kapitbahay ko na pinatawad ko siya. Mas masaya rin ang aking pamilya. Kapag nakikita ko ito, masaya rin ako.

Nagbigay ng kung anong makakaya nila ng mga miyembro at mga kapitbahay para matulungan ang aking pamilya. Marami akong natanggap na bigas at ibinahagi ko ito sa iba. Tinanong nila kung bakit ako namimigay gayong nasa malalang sitwasyon ako. Sinabi ko sa kanila na kapag naglilingkod ako sa iba, naglilingkod ako sa Panginoon. Gusto kong magbigay sa Kanya dahil marami Siyang himalang ginawa sa aking buhay. Mayroon kaming magandang tahanan, mas maayos kaysa sa isa na nasunog.

Phan reading scriptures

Ang galit ni Phan sa kanyang kapitbahay na naging sanhi ng sunog ay napalitan ng kapayapaan nang maalala niya ang salita ng Panginoon. Nagpapasalamat si Phan sa gabay na kanyang natanggap mula sa mga banal na kasulatan.

Phan’s wife and grandchildren

Habang nasusunog ang kanyang bahay, ang kanyang mga apo lamang ang nasa isip ni Phan. Mahal ni Phan ang kanyang pamilya. “Sila ang pinakaimportante sa akin,” sabi niya.